Hindi Nakalimot sa Kaniyang Pinanggalingan ang Babae; Babalikan Niya ang Lahat Matapos ang Masarap na Tagumpay
Sa kaniyang pagmulat ng mga mata, agad niyang ginagawa ang mga gawaing bahay. Ang paglilinis ng higaan, ng kanilang sala, paghuhugas ng pinggan at pagsasaing upang sa gayon ay makapunta na siya sa kapitbahay kung saan siya ay maagang namulat upang maghanap buhay. Kahit na siya ay sampung taong gulang pa lamang, sinisiguro niyang makakapag-abot na siya ng kakaunting pera at pagkain sa kaniyang ina na mag-isa silang binubuhay sa pamamagitan ng paglilinis ng kuko ng mga tao sa kanilang barangay.
Sa kanilang apat na magkakapatid, maagang bumitaw sa pag-aaral si Chichay dahil hindi na niya kayang makita na nagugutom ang kaniyang tatlo pa na nakababatang kapatid. Naranasan na kasi nila na hindi man lang makakain ng kanin kahit na isang beses sa isang araw at maswerte na kung mabibigyan sila ng tira-tirang sunog na kanin mula kina Aling Daisy na nagtitinda ng mga ulam sa kanilang lugar. Pati kanilang kuryente ay galing lamang sa kapitbahay. Ang tubig naman nila ay iniigib lamang niya sa pinakamalapit na tindahan. Ang dating buhay na marangya nila Chichay, ngayong ay isang kahig isang tuka na magmula nang mawala ang kaniyang ama dahil sa sakit.
Nagkaroon ng pagkakataon si Chichay na kumita kahit na kakaunti lamang sa pamamagitan ng pag-aalaga ng bata sa kanilang kapitbahay. Kung saan, naramdaman din niya ang mainit na pagtanggap sa kaniya. Doon na siya kumakain ng tanghalian, merienda, at hapunan habang tinutulungan din niya sa mga gawaing bahay si Aling Neneng. Malaki ang pasasalamat ni Chichay dahil pamilya na rin ang turing ng buong pamilya nina Aling Neneng sa kaniya at kailanman ay hindi siya pinabayaan ng mga ito.
Nagtagal ang ganitong pamumuhay ng batang si Chichay sa loob ng tatlong taon. Subalit katulad ng lahat ng bagay, ito ay may katapusan. Malungkot na ibinalita ni Aling Neneng na kinakailangan na nilang lumipat ng bahay dahil nakakuha ng bagong trabaho ang kaniyang anak. Ito ay may kalayuan sa kanilang lugar at hindi na nila maisasama si Chichay lalo na’t hindi naman ito papayagan ng kaniyang ina. Sa loob ng mga nalalabing araw nila na magkakasama, sinulit ni Chichay ang mga oras na ito.
“Pwede mo naman kaming bisitahin, Chay! At huwag na huwag mo kaming kakalimutan kapag mayaman ka na ha?!” pagbibiro naman ni Aling Neneng sa bata.
Niyakap ni Chichay si Aling Neneng at hindi na niya napigilan ang pag-iyak at ibuhos ang pasasalamat sa pamilyang tumutulong sa kaniya.
Dumating ang araw na lubos na ikinalungkot ng batang si Chichay. Maubos man ang kaniyang luha, wala naman siyang magawa kundi ang ipagptuloy ang kaniyang buhay kahit na ito pa ay lubhang mahirap.
“Huwag mo hayaang lamunin ka ng kahirapan. Ang talino mo, gamitin mo iyan sa tama para makaahon tayong lahat, ayos ba iyon?” huling salita ng ale sa batang si Chichay.
Ilang araw ang nakalipas, nakiusap si Chichay kina Aling Daisy na kung pwede ay doon muna siya tumulong kahit kapalit ay bigas at ulam lamang. Kalaunan din naman ay pumayag ang ale at doon kumayod ang bata kahit na siya ay mayroon lamang mga munting braso.
Ilang taon ang lumipas, isinabay ni Chichay ang kaniyang pagtatrabaho kina Aling Daisy at ang kaniyang pag-aaral. Matataas ang kaniyang mga grado at nagtapos bilang may pinakamataas na marka sa kanilang buong klase. Nagpatuloy pa ang kaniyang mahirap na sitwasyon at kinalaunan ay nakapagtapos sa hayskul. Masaya niyang tinanggap ang napakaraming gawad dahil sa angking galing at talino nito sa eskwelahan. Dahil din dito, tumanggap siya ng isang parangal na kung saan ay maaari siyang makapag-aral ng kahit na anong kurso sa kahit na anong unibersidad sa Pilipinas.
Lahat na ata ng maaari na pasukan ni Chichay ay pinasok na niya. Ang paghuhugas ng pinggan kung walang gagawin. Ang paggawa ng takdang-aralin ng kaniyang mga kaklaseng tatamad-tamad. Lahat ng ito kapalit ay kakaunting kita na maaari pa rin niyang ipadala sa kaniyang pamilya. Hanggang sa lahat ng kaniyang pagod at hirap ay nasuklian nang siya ay makapagtapos bilang may pinakamataas na marka sa isang mataas na unibersidad sa kurso na arkitekto.
Hindi pa rito nagtapos ang lahat dahil muling pinatunayan ni Chichay ang kaniyang angking galing sa pagdidisenyo ng bahay. Ilang buwan matapos niyang makapasa sa isang pagsusulit at maging ganap na arkitekto, siya ay nakilala dahil sa kaniyang disenyo na inilaban sa isang kumpetisyon. Maraming mga kumpanya ang nag-alok ng trabaho sa kaniya at doon niya nakuha ang posisyon sa ibang bansa.
Isang taon ang nakalipas, naipagpatayo na ng bahay ni Chichay ang kaniyang ina at tatlong mga kapatid. Nagkaroon na rin sila ng sarili nilang negosyo at ngayon ay pinapaaral ang mga kapatid. Lubos ang pasasalamat ng kaniyang ina sa kaniya dahil hindi ito nagpadala sa hirap ng buhay nila. Bagkus lalo siyang kumayod at pinatunayang kaya niyang magtagumpay. Subalit sa lahat ng ito, palaging binabalikan ni Chichay ang pamilya nina Aling Neneng.
Nang siya ay makabalik sa ‘Pinas, binisita niya ang bahay na nilipatan nina Aling Neneng. Bumuhos ang kaniyang luha nang makita na ang dalawang taong gulang na inaalagaan niya noon, ngayon ay labing tatlong taong gulang na.
“Oh, Chichay! Ikaw na ba ‘yan? Naku! Ang laki laki mo na!” masayang bati sa kaniya ni Aling Neneng na halos papikit pikit pa dahil malabo na ang mga mata nito. Tumango siya at niyakap ang matanda habang naglilingid sa kaniyang mga mata ang luha dahil sa awa.
Lubhang napaiyak siya nang malaman na naghirap ang pamilya nina Aling Neneng. Dito ay hindi nagdalawang-isip ang dalaga na mag-abot ng malaking tulong sa pamilya upang magkaroon ito ng negosyo. Laking tuwa nina Aling Neneng na ang munting tulong na ibinigay nila noon ay masusuklian pala ngayong sila naman ang nangangailangan.