Pinalayas ng Bagong Asawa ng Ginang ang Anak Nitong Dalaga; Karma ang Maniningil sa Kaniya
Napasugod pauwi ng bahay si Ciara nang malaman niyang nakapagdesisyon na ang kaniyang inang si Precy na magpakasal sa nobyo nitong si Gerald. Halos dalawampung taon ang tanda ng ginang sa kasintahan. Labis ang pagtutol ni Ciara dahil bukod sa dalawang taon pa lamang nawawala ang kaniyang ama ay sandali pa lamang na karelasyon ng kaniyang ina ang binata.
“Ma, sigurado na po ba kayo sa gagawin n’yo? Baka naman nabibigla lang kayo! Wala namang problema sa akin kung magkaroon kayo ng kasintahan na mas bata sa inyo pero bakit magpapakasal na kayo agad? Kilala n’yo na ba nang lubusan ang taong iyan? Baka mamaya ay lokohin lang niya kayo!” nag-aalalang sambit ni Ciara.
“Matanda na ako, anak, at alam ko na ang ginagawa ko. Saka isa pa, wala naman sa tagal ng relasyon ang pagpapakasal. Bakit kami naman ng daddy mo, saglit lang kami na naging magkasintahan bago kami nagpakasal. Kahit kailan ay hindi naman niya ako niloko o sinaktan. Darating rin ang panahon na mag-aasawa ka at iiwan ako. Mas mabuti na ‘yung mayroon akong makakasama,” paliwanag naman ni Precy.
“Hindi ko naman kayo pababayaan, ‘ma! Ang sa akin lang ay kilalanin n’yo munang maigi ‘yang pakakasalan niyo. Hindi n’yo maaalis sa akin na mag-isip ng tunay na hangarin niya sa inyo. Pag-isipan n’yo munang mabuti ‘yan!” sambit pang muli ng dalaga.
“Tama na, Ciara. Buo na ang pasya ko. Sa lalong madaling panahon ay magpapakasal na kami ni Gerald at lilipat na siya dito sa bahay natin. Ngayon lang naman ako hihiling sa iyo, anak. Hayaan mo naman akong maging masaya. Wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao dahil buhay ko naman ito!” giit pa ng ginang.
Hindi na nga napigilan pa ni Ciara ang desisyon ng kaniyang ina na magpakasal kay Gerald. Palaging inoobserbahan ng dalaga si Gerald. Lagi niya itong binabantayan sa takot na gumawa ito ng kalokohan sa likod ng kaniyang inang si Precy.
Kahit na nakikita ni Ciara na maligaya ang kaniyang ina ay hindi pa rin mawala sa kaniyang dibdib ang pag-aalala. Hindi siya panatag na si Gerald ang makakasama ng ina sa pagtanda nito.
Isang araw ay hindi sinasadyang nakita ni Ciara itong si Gerald. May kinatagpo itong isang dalaga sa mall. Agad itong sinundan ni Ciara. Pumasok ito sa isang restawran, kitang kita ang paglalambingan ng dalawa.
Nagngingitngit ng oras na iyon ang damdamin ni Ciara. Kinunan niya ito ng litrato para ipakita sa kaniyang ina.
“‘Ma, ito ba ang sinasabi n’yong matino? Tingnan n’yo at niloloko na niya kayo!” sumbong ni Ciara.
Pero hindi pa rin kumbinsido si Precy kahit na ipinakita na nito ang larawan.
“Baka kamukha lang niya ‘yang nakunan mo ng litrato. Mukhang malayo ka naman, e. Baka napagkamalan mo lang na si Gerald ‘yan,” malumanay na sagot ni Precy.
“‘Ma, kitang-kita n’yo namang si Gerald ‘yan!” dagdag pa ng dalaga.
“Kung si Gerald ‘yan, baka naman pinsan niya ‘yan o kaya kamag-anak. O kaibigan. Hihintayin ko na lang muna siyang magpaliwanag, anak,” saad muli ng ina.
“’Ma, buksan mo nga iyang mata mo! Bakit mo hinahayaan na gamitin ka lang ni Gerald? Maliwanag namang may relasyon sila ng babaeng ‘yan! Malamang ko ay sa kaniya inuubos ng magaling mong asawa ang lahat ng pera mo!” giit ni Ciara.
Ngunit kahit anong paliwanag ni Ciara ay ayaw na makinig ni Precy.
Kinagabihan, pagkatapos kausapin ni Precy ang asawa ay kinausap naman niya si Ciara upang paliwanagan.
“Sabi ko na sa iyo, anak, pinsan n’ya ‘yung babae. Matagal na raw kasi silang hindi nagkikita kaya ganoon na lang ang pagkukwentuhan nila. Huwag mo nang pag-isipan ng masama si Gerald. Ayaw kong malamatan ang pagsasama namin,” pakiusap ni Precy sa anak.
Batid ni Ciara na kahit anong gawin niya ay hulog na hulog na ang loob ng ina sa bago nitong asawa. Kaya hindi nagdalawang-isip si Ciara na komprontahin si Gerald.
“Tatandaan mo ito, Gerald, mabibilog mo ang ulo ng mama ko pero hindi ako. Lagi kitang babantayan kaya ayusin mo ang mga ginagawa mo. Sa susunod na lokohin mo ang mama ko ay hindi ko na ito palalampasin,” saad pa ni Ciara.
“Hindi mo ako mapipigilan. Wala kang magagawa dahil asawa ako ng mama mo at anak ka lang. Kung ano ang gusto kong gawin ay gagawin ko!” sambit naman ni Gerald.
Isang araw, bigla na lamang sumama ang pakiramdam ni Precy. Nahilo ito at nawalan ng malay.
Si Ciara pa ang nagsugod dito sa ospital dahil wala ang magaling na asawa nito. Doon ay napag-alamang may malubhang karamdaman ang ginang at bilang na ang mga araw nito.
Labis ang pagtangis ni Ciara dahil sa paglipas ng araw ay pahina na nang pahina ang kaniyang ina. At wala man lamang ginagawa si Gerald para alagaan ang kaniyang asawa.
Hanggang sa tuluyan na ngang yumao si Precy dahil sa malubhang karamdamang ito.
Pagkalibing na pagkalibing ni Precy ay pinalayas ni Gerlad sa bahay itong si Ciara.
“Wala na ang nanay mo kaya wala ka na ring karapatan sa lahat ng ari-ariang ito. Tandaan mo, ako ang asawa at ako ang may karapatan sa lahat!” sambit ni Gerald sa dalaga.
“Ang kapal ng mukha mo! Hindi mo ako p’wedeng tanggalan ng karapatan sa lahat ng pinaghirapan ng mga magulang ko!” giit naman ni Ciara.
“Dapat sinigurado mo kasi na sa’yo mapupunta ang lahat ng ito bago nagsiwala ang mga magulang mo! Ako ang asawa ng nanay mo kaya sa akin maiiwan ang lahat ng ito. Kaya kapag sinabi kong lumayas ka ay lumayas ka!” bulyaw pa ng lalaki.
Wala na siyang nagawa pa kung hindi umalis ng bahay na iyon.
Labis ang sama ng loob ni Ciara sa pangyayaring ito. Lalo na nang malaman niyang nag-uwi agad ng ibang babae itong si Gerald sa kanilang bahay. Ngunit alam din ni Ciara na malaki ang kaniyang magagastos para lang mabawi kay Gerald ang lahat ng mga naiwan ng kaniyang mga magulang.
“Darating din ang araw na mababawi ko ang lahat ng ito sa’yo. Hindi habang panahon ay aanib sa iyo ang pagkakataon! May karma ka rin!” saad ni Ciara.
Pinagtawanan lamang siya ni Gerald.
“Hindi darating ang pagkakataon na iyan dahil pati karma ay takot sa akin! Tanggapin mo na lang na talunan ka. Ang pinakamaling desisyon ng ina mo ay papasukin ako sa buhay niya. Napakadali niyang utuin! Mabuti na lang at hindi na ako nahirapan pa dahil kinuha na siya nang maaga!” sambit naman ni Gerald.
“Talagang wala kang kasing sama! Sinusunog na sa impyerno ang kaluluwa mo!” panggagalaiti ni Ciara.
Samantala, dahil patuloy ang paggasta ni Gerald ay unti-unti na ring naubos ang pera nito. Kaya kinailangan niyang maghanapbuhay dahil buntis ang bago niyang kinakasama.
Pumasok si Gerald bilang isang truck drayber sa isang kompanya ng mga semento at buhangin.
Isang gabi, habang nagmamaneho si Gerald ng trak ay patuloy ang pagtawag ng kaniyang bagong kinakasama. Nang akma na niyang sasagutin ang telepono ay hindi niya napansin na patungo na pala siya sa isang bangin dahil sa dilim ng daan.
Nalaglag ang trak sa bangin kasama si Gerald at binawian agad ito ng buhay.
Ikinagulat naman ni Ciara nang marinig niya ang sinapit ng dating asawa ng ina. Hindi niya akalaing sa ganitong tagpo magwawakas ang lahat ng kaniyang problema.
Dahil sa pagkawala ni Gerald ay mas mabilis nabawi ni Ciara ang bahay at iba pang ari-arian na dapat naman talaga ay sa kaniya. Kahit na nasa kaniya na ang lahat ng mga ito ay kulang pa rin ang kaniyang buhay dahil sa pagkawala ng kaniyang mga magulang.
Ngunit masaya pa rin si Ciara dahil kahit papaano ay nasa kaniya nang muli ang mga alaala ng yumaong ina at ama.