Inday TrendingInday Trending
Walang Awang Pinalayas ng Kasera ang Matandang Nanghihingi ng Palugit; Pagsisisihan Niya Ito Bandang Huli

Walang Awang Pinalayas ng Kasera ang Matandang Nanghihingi ng Palugit; Pagsisisihan Niya Ito Bandang Huli

Parang walang naririnig ang matandang si Mang Ador habang patuloy siyang tinatawag ng kaniyang kaserang si Aling Lydia. Ngunit wala na itong kawala pa nang habulin siya ng ginang.

“Mang Ador, talaga bang hindi n’yo ako naririnig? Kanina ko pa po kayo tinatawag! Kailan n’yo ba balak na magbayad ng renta n’yo? Aba’y dalawang buwan na kayong hindi nagbabayad, a!” sita ni Aling Lydia.

“Lydia, bigyan mo pa ako ng palugit. Hindi pa kasi tumatawag ang anak kong OFW. Nag-aalala na nga ako sa kaniya. Bigyan mo pa ako ng panahon hanggang sa makausap ko ang anak ko,” pakiusap naman ng matanda.

“Naku, narinig ko na ‘yan sa inyo noong isang buwan, Mang Ador. Baka naman umabot na ng ilang buwan ‘yan at hindi pa rin tumawag ang anak niyo! Saka sa tingin ko ay nagdadahilan na lang kayo, e. Ano ba ang pangalan at numero ng anak n’yo at ako na ang makikipag-usap sa kaniya,” saad pa ng ginang.

“Ako na ang bahalang makipag-usap sa kaniya, Lydia. Ayaw ko kasing mag-alala pa siya sa akin. Huwag kang mag-alala at babayaran kita. Hindi naman ako tatakbo at matanda na ako,” pilit na nakikipagbiruan pa ang matanda para gumaan ang senaryo.

“Hay, Mang Ador, kahit matanda na kayo ay hindi ako magdadalawang-isip na paalisin kayo sa apartment ko kung wala kayong ibabayad. Aba’y hindi ako home for the aged! Nagnenegosyo ako! Maayos ang naging usapan natin kaya magbayad ka!” naiinis nang sambit ni Lydia.

Patuloy ang paghingi ng paumanhin ng matanda.

Habang binubulyawan sa daan ni Lydia si Mang Ador ay nakita sila ng kapitbahay at isa ring may-ari ng apartment na si Aling Sally.

“Lydia, huwag mo namang sigawan ang matanda. Singilin mo nang maayos at huwag mo namang ipahiya rito sa daan,” wika ni Aling Sally.

“Naku, napapagod na ako sa palaging dahilan nitong si Mang Ador. Kesyo hindi pa raw nagpapadala ang anak niya na nasa ibang bansa. E, wala naman akong nakita kahit isang beses na may kausap siya o kaya ay may dumalaw na anak niya. Nagdadahilan na lang ang matandang ito para hindi ko siya paalisin. Ginagamit pa ang katandaan niya para kaawaan siya!” mariing sambit ni Aling Lydia.

“Kahit na, Lydia. Bigyan mo pa ng palugit itong si Mang Ador. Wala naman siyang dahilan para magsinungaling sa iyo. Mukha namang nagsasabi siya ng totoo,” dagdag pa ni Aling Sally.

Patuloy sa paghingi naman ng tawad si Mang Ador.

Pag-uwi sa tinutuluyan ay agad tiningnan ni Mang Ador ang kaniyang lumang selpon. Nagbabakasakali siya na may mensahe na ang kaniyang anak. Ngunit sa kasamaang palad ay wala pa rin itong mensahe.

Hindi maiwasan ni Mang Ador na mag-aalala.

Isang linggo ang lumipas, muling nagbalik si Aling Lydia upang maningil ngunit wala pa ring maibayad ang matanda.

“Kukunin ko na ang lahat ng gamit mo na p’wedeng mapakinabangan! Iyan na ang bayad mo sa akin. Ngayon ay umalis ka na at may iba nang titira sa apartment na ito. ‘Yung mas magaling magbayad at hindi ‘yong nagdadahilan lang!” pagtaboy ni Aling Lydia sa matanda.

“Huwag mo naman akong palayasin, Lydia. Hindi ko alam kung saan ako titira. Hindi ako p’wedeng maging palaboy dahil baka kung mapaano pa ako sa daan. Baka lalo kong mabigyan ng problema ang anak ko. Bigyan mo pa ako ng kaunting pagkakataon, Lydia,” pagsusumamo ng matanda.

Ngunit buo na ang desisyon ni Aling Lydia na palayasin ang matanda. Ipinagbababato ng ginang ang ilang damit at gamit ni Mang Ador palabas ng apartment.

Nang makita ni Aling Sally ang ginagawang ito ni Aling Lydia ay muli siyang nakialam.

“Lydia, ano ba ang ginagawa mo sa matanda? Hindi ka na naawa! Itigil mo ‘yan!” sambit ng ginang.

“Kung naaawa ka ay kupkupin mo! Pero tapos na ako sa kaniya! Hindi na siya p’wedeng manatili dito dahil negosyo ito at hindi bahay-ampunan!’ ‘Di ba may apartment ka rin, e ‘di bigyan mo siya ng matutuluyan tutal nagmamagaling ka naman, e! Pangarap mong maging santa, ‘di ba?” bulyaw pa ni Aling Lydia.

Sa habag ni Aling Sally ay tinulungan niya si Mang Ador na pulutin ang mga damit nito. Hindi nagdalawang-isip ang ginang na bigyan ng matutuluyan ang matanda.

“Tutal wala pa naman pong kumukuha ng apartment na ito’y gamitin n’yo muna. Pagpasensyahan n’yo na lang at hindi ko pa naipapaayos. Pero itong linggo na ito ay papapuntahan ko na po sa karpintero para ayusin ang mga sira,” saad ni Aling Sally.

Napaluha si Mang Ador sa kabutihan sa kaniya ng ginang.

“Hayaan mo, kapag tumawag na ang anak ko ay sasabihin kong bayaran ka. Pasensya ka na muna sa akin dahil hindi ko rin alam kung ano na ang nangyayari sa kaniya. Pasensya ka na kung pati ikaw ay nadadamay sa problema ko,” lumuluhang sambit ni Mang Ador.

Hindi ginipit ni Aling Sally itong si Mang Ador sa pagbabayad. Madalas nga ay binibigyan pa ni Sally ang matanda ng pagkain at gamot.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mang Ador sa walang sawang pagtulong sa kaniya ni Aling Sally.

Isang araw, narinig ni Sally na pinag-uusapan siya ni Lydia at ng iba pang kapitbahay.

“Pakiramdam ata ni Sally ay mapupunta siya sa langit sa ginagawa niya sa matanda. Hindi nag-iisip. Sayang lang ang kita niya dahil libre niyang pinapatira sa apartment niya ang matandang si Mang Ador. Ang bilis paikutin. Halata namang nagpapaawa ‘yung matanda para makalibre siya. Hindi niya ako mauuto!” wika ni Aling Lydia.

Hindi naiwasan tuloy ni Sally na komprontahin ang kapitbahay.

“Lydia, wala akong hinihinging kapalit sa pagtulong ko kay Mang Ador. Kahit hindi naman ako bayaran ng anak niya ay ayos na sa akin ang makatulong sa nangangailangan. Nag-aalala na nga ang matanda sa anak niya, pati ba naman ang tutuluyan niya ay poproblemahin niya pa? Matanda na ‘yung tao. Hindi niya kakayaning mabuhay sa lansangan!” sambit naman ni Sally.

“Ang sabihin mo ay uto-uto ka, Sally! Naku, huwag mo na nga kaming kausapin at baka mahawa pa kami sa’yo! ‘Yang si Mang Ador ang magpapahirap sa iyo dahil aasa lang ‘yan nang aasa sa iyo! Baka mamaya nga kapag nagkasakit ‘yan ay ikaw pa ang magpagamot. Tapos baka ikaw pa rin ang magpalibing d’yan, e!” tatawa-tawang sambit ni Lydia.

Napapailing na lang si Sally dahil sa sama ng ugali nitong si Lydia.

Ilang sandali lang ay nariyan na si Mang Ador. Patuloy ang pagsigaw niya ng pangalan ni Sally.

“Ayan na nga, baka may kailangan pa ulit sa iyo ‘yang si Mang Ador, asikasuhin mo muna ang bago mong responsibilidad,” ngingisi-ngising sambit muli ni Aling Lydia.

“Sally, halika dito at may sasabihin ako sa iyo!” humahangos na sambit ng matanda.

“Bakit po, Mang Ador? Ano po ang nangyari?” nangangatog na tanong naman ni Sally.

“Tumawag na ang anak ko at narito raw siya sa Pilipinas at malapit na raw siya rito sa atin! Pinapahanda na nga ang gamit ko dahil kukunin na raw niya ako. Kuwentahin mo na rin daw ang mga kailangan kong bayaran,” masayang sambit pa ni Mang Ador.

“Magandang balita ‘yan, Mang Ador! Sa wakas ay alam niyo nang nasa mabuting kalagayan ang anak niyo! Ano raw po ang nangyari sa anak niyo at hindi siya nakakatawag sa inyo ng ilang buwan?”

“Naku, ang daming nangyari sa kaniya. Pinalayas siya ng amo niya at kung saan-saan siya nakitira at kung anu-anong trabaho ang ginawa niya para mabuhay. Napagbintangan din siyang nagnakaw at sandali rin siyang nakulong sa bilangguan, mabuti na lang at napatunayang wala siyang sala. Isang araw daw ay nakapulot ng pera at itinaya sa lotto doon sa ibang bansa at akalain mong tumama! Isang daang milyon ang tinamaan niya sa pera natin! Kaya uuwi na siya dito ngayon dahil nakabili na siya ng bahay! Hindi na kami maghihiwalay pa!” anito, halata kay Mang Ador ang labis na saya.

Gulat na gulat si Aling Lydia at ilang kapitbahay nang marinig nila mula kay Mang Ador ang balita.

Pagdating ng anak ni Mang Ador ay agad nitong kinausap si Aling Sally.

“Maraming salamat sa kabutihan mo sa tatay ko. Ito ang bayad ko sa iyo dahil hindi mo siya pinabayaan kahit alam mong wala siyang maibabayad sa iyo. Walang hanggang pasasalamat, Sally!” sambit ng anak ng matanda.

Nagulat si Sally nang makita niya ang halata na ibinigay sa kaniya ng anak ni Mang Ador.

“Isang milyon?! Sobra-sobra ito! Hindi ko matatanggap ang malaking halagang ito!” saad ni Aling Sally.

“Sa inyo na po iyan. Gamitin n’yo po para maisaayos itong apartment n’yo. Maraming salamat dahil inalagaan niyo ang tatay ko habang wala ako,” wika pa ng ginoo.

Lahat ng mga kapitbahay ay hindi makapaniwala sa swerteng nangyari kay Aling Sally. Lalo na si Aling Lydia, hindi niya matanggap na si Sally ang nagkaroon ng malaking halaga at hindi siya.

Sising-sisi ang dating kasera kung bakit niya pinalayas ang matandang si Mang Ador noon. Kung naniwala lang siya sa matanda, siya sana ang nagkaroon ng isang milyon.

Samantala, para kay Mang Ador ay hindi mababayaran ng salapi o ng kahit anong halaga ang kabutihan ni Sally sa kaniya. Labis siyang nagpapasalamat dahil kung hindi sa kabutihan ng ginang ay baka kung napaano na siya sa lansangan at hindi na sila muli pang nagkita ng kaniyang anak.

Advertisement