Hindi Pinahalagahan ng Amo ang Serbisyo ng Tapat na Empleyado; Isang Matinding Pagkalugmok ang Naghihintay sa Kompanya Niya
Bakas sa mukha ng may edad nang si Pedro ang labis na kaligayahan nang masurpresa siya sa kaniyang pag-uwi. Naghanda kasi ang kaniyang maybahay at ang kaniyang mga anak para sa ika-apatnapung anibersaryo nilang mag-asawa.
“Happy anniversary, mahal ko! Hindi ko akalain na aabot tayo nang ganitong katagal!” saad ni Pacita sa kaniyang asawa.
“Aba’y bakit naman? Kahit kailan naman ay hindi kita ipinagpalit sa iba. Kahit na tumingin lang sa ibang babae ay hindi ko ginawa!” natatawang sambit naman ni Pedro.
“Wala ngang ibang babae pero ‘yang trabaho mo naman ang karibal namin ng mga anak mo! Pero masaya ako ngayon at malapit ka nang magretiro. Masosolo na kita!” wika pa ng ginang.
“Para sa inyo naman ang ginagawa kong sakripisyo, Pacita. Gusto ko lang naman iparanas sa inyo ang magandang buhay. Hayaan mo, kapag nakapagretiro na ako sa susunod na taon ay pipirmi na lang ako sa tabi mo,” wika pa ng matandang ginoo.
Isang inhinyero itong si Pedro. Hindi matatawaran ang kaniyang galing kaya naman ipinagmamalaki siya ng kompanya. Ngunit dahil sa kaniyang responsibilidad sa tungkulin sa kompanya ay hindi na niya nabigyan ng sapat na panahon ang kaniyang pamilya.
Habang nagkakatuwaan ang mag-anak ay biglang tumunog ang telepono ni Pedro.
“Huwag mong sabihing boss mo na naman ‘yan! Buong araw ka nang nagtrabaho, Pedro. Ibigay mo naman sa akin ang gabing ito,” pakiusap ni Pacita.
“Pasensya ka na, mahal. Kailangan kong sagutin ito. Baka mamaya kasi ay may problema sa site,” wika naman ni Pedro.
Sinagot ni Pedro ang tawag ng kaniyang boss. Sa kasamaang palad ay pinababalik nga siya nito sa site upang ayusin ang isang problema doon. Walang nagawa si Pedro kung hindi putulin ang kanilang kasiyahan at bumalik sa trabaho.
“Pa, huwag ka nang umalis dahil minsan lang itong mabuo tayong pamilya. Saka ito na nga lang ang regalo niyo kay mama,” saad ng panganay na anak.
“Oo nga naman, mahal. Baka naman p’wedeng bukas na ‘yan. Kami naman ang pagbigyan mo. Puro ka trabaho, paano naman kami ng mga anak mo? Gusto ka naming makasama!” giit ni Pacita.
“Saglit lang ito, mahal. Babalik din ako agad. Kayo na muna ng mga anak natin ang magpatuloy ng kasiyahan. Huwag kayong matutulog hangga’t wala pa ako, a! Babalik ako kaagad, pangako!” wika ni Pedro.
Masakit man sa kalooban ng misis ay hinayaan na niyang umalis ang asawa sa paniniwalang babalik din ito kaagad.
Pagdating ni Pedro sa site ay agad niyang inayos ang gusot.
“Iyan ang gusto ko sa iyo, Pedro. Noon pa man ay maasahan ka na! Sana lahat ng empleyado ay tulad mo!” saad ng kaniyang amo.
Hatinggabi na ay hindi pa rin nakakauwi ng bahay itong si Pedro. Patuloy ang paghihintay sa kaniya ng kaniyang asawa at mga anak. Subalit patuloy pa rin ang matandang ginoo sa pagtatrabaho.
“Boss, baka pwedeng umuwi na muna ako ngayon dahil anibersaryo namin ni misis, e. Kanina pa niya ako hinihintay pati ng mga anak ko,” pakiusap ni Pedro sa amo na nasa kabilang linya ng telepono.
“Hindi maaari, Pedro. Baka mamaya ay hindi na naman alam ng mga tao ang gagawin nila! Samahan mo muna sila diyan dahil ikaw lang ang mapagkakatiwalaan ko!” utos ng amo.
Wala ring nagawa si Pedro. Nais kasi niyang magretiro nang maayos.
Subalit hindi inaasahan ay nagkaroon ng aksidente sa site. Biglang may pumutok na kawad ng kuryente at tinamaan itong si Pedro. Nawalan ng malay ang matanda. Agad siyang sinugod sa ospital. Mabuti na lamang at hindi siya napuruhan. Ang ilang parte lang ng kaniyang katawan ay nasunog.
Labis na pag-aalala ang naramdaman ng kaniyang mag-anak. Binigyan naman ng kompanya ng kaukulang tulong si Pedro ngunit dahil sa aksidente ay nag-iba na ang tingin ng kaniyang amo sa kaniya.
“Hindi mo na kayang magtrabaho pa, Pedro. Hindi kami p’wedeng mabitin kaya naghanap na kami ng kapalit mo. Mas bata at mas bihasa kaysa sa iyo! Pasensya na pero sisante ka na!” saad ng amo.
“Boss, hindi niyo p’wedeng gawin ito sa akin. Malapit na akong magretiro. Huwag niyo naman akong tanggalin sa trabaho. Kaya ko pa naman, e!” pagsusumamo ng matanda.
“Nakapagdesisyon na ako, Pedro. Pasensya na,” tanging sambit ng kaniyang amo.
Nanlumo si Pedro sa nangyaring ito. Hindi niya inaasahan na ang trabahong pinaglaanan niya ng kaniyang buhay ay itatapon na lamang siya nang basta.
“Ngayong hindi na nila ako mapakinabangan ay basta na lang akong tinanggal. Hindi nila nakita ang dedikasyon ko sa ilang dekadang pagtatrabaho ko sa kanila. Mas malaki sana ang makukuha kong pera kung hinayaan na lang nila akong magtrabaho hanggang sa makapagretiro ako. Para sa ating dalawa sana iyon, mahal, e!” malungkot na sambit ni Pedro.
“Hayaan mo na, Pedro. Kahit paano ay may makukuha ka pa rin naman. Saka nagsabi na ang mga anak natin na hindi naman nila tayo pababayaan. Huwag ka nang mangamba at baka makasama pa ‘yan sa iyo,” saad naman ni Pacita.
Pilit na ibinaon na lang ni Pedro ang kaniyang sama ng loob. Tiningnan na lang niya ang mas magandang bahagi ng pangyayaring ito. Mas maraming panahon na silang magsasama ng kaniyang asawa at mga anak.
Inalagaan ni Pacita si Pedro hanggang sa gumaling ito. Nagbigay rin ng suporta ang kanilang mga anak nang sa gayon ay mabuhay nang matiwasay ang mag-asawa. Hindi nagtagal ay bumalik sa dating pangangatawan si Pedro.
Sinubukan niya muling maghanap ng trabaho. At sa hindi inaasahang pagkakataon, kahit na may edad na siya ay kinuha pa rin siya ng isang kompanya para maging isang consultant.
Ilang buwan ang nakalipas at umugong ang isang malaking balita.
Nalugi raw ang dating kompanya na pinagtatrabahuhan ni Pedro. Nang malaman niya ito ay agad siyang nagtungo sa dati niyang amo upang kumpirmahin ito.
“Ikinalulungkot ko ang nangyari sa kompanyang ito. Kahit na hindi maganda ang nangyari sa atin noon, malaki pa rin ang pagmamahal ko sa kompanyang bumuhay sa pamilya ko,” saad ni Pedro sa dating amo.
“Kinulimbat ng taong ipinalit ko sa iyo ang nakalaang budget para sa konstraktura ng gusaling ginagawa. Bukod sa hindi niya alam ang kaniyang ginagawa ay pinalitan niya ng mga substandard na materyales ang lahat. Ang nangyari tuloy ay gumuho ito. Malaki ang nalugi sa kompanya dahil dito. Wala nang gusto pang magpagawa sa amin,” malungkot na sambit ng ginoo.
“Nagsisisi ako kung bakit pa kita sinisante. Hindi ko man lang pinahalagahan ang lahat ng naiambag mo sa kompanyang ito. Naging tapat ka sa kompanya ngunit hindi kita iningatan. Patawad, Pedro. Sa tingin ko nga ay hindi ka nababagay sa isang kompanyang walang puso ang amo,” wika pa nito.
Sa pagkakataong iyon ay napagtanto ng dating amo ang kahalagahan ni Pedro. Karma mang maituturing ang pangyayaring ito ay masakit din para sa kalooban ni Pedro na makitang maglaho ang dating kompanyang kaniyang pinagsilbihan sa loob ng ilang dekada.
Makalipas ang isang taon ay tuluyan nang nagretiro si Pedro at inilaan na lang ang kaniyang buhay sa piling ng kaniyang mag-anak.