Inday TrendingInday Trending
Sobra na ang Tiyansa na Ibinigay Niya sa Nobyo Ngunit Inabuso pa rin Nito ang Pagmamahal Niya; Mapatawad pa Kaya Niya Ito sa Bago na Namang Kasalanan?

Sobra na ang Tiyansa na Ibinigay Niya sa Nobyo Ngunit Inabuso pa rin Nito ang Pagmamahal Niya; Mapatawad pa Kaya Niya Ito sa Bago na Namang Kasalanan?

Humahagulhol ng iyak si Sandra ngayon sa harapan ng kaniyang nobyo at ng buo niyang pamilya. Halos hindi na niya maimulat nang maayos ang mga mata sa pag-iyak. Habang gano’n rin ang ginagawa ng nobyong si Baste, na ngayon ay nakaluhod sa harapan nilang lahat.

“Umuwi ka na, Baste,” umiiyak niyang taboy sa nobyo. “Hindi ko alam kung kaya ko pa bang patawarin ka.”

“A-alam kong mahirap, Sandra. Alam kong walang kapatawaran ang ginawa kong pagtataksil. Pero maniwala ka, nagsisisi ako,” humihikbing wika ni Baste. “Humihingi ako ng kapatawaran na nagawa ko, naging marupok ako’t hindi naiwasan ang tukso. Patawarin niyo ako, lalong-lalo ka na, Sandra,” umiiyak niyang pakiusap sa harap ng buong pamilya ni Sandra.

Naaawang nilapitan siya ng ina nito at pinilit na tumayo mula sa pagkakaluhod. “Hindi gano’n kadali ang pagpapatawad, hijo. Pero sapat na ang panghingi mo ng tawad sa’ming lahat. Umuwi ka na muna at palipasin ang lahat. Kaya naming tanggapin ang paghingi mo ng tawad, ngunit hindi iyon gano’n kadali para sa anak naming si Sandra,” naaawang wika ni Mama Sanya. “Mas maiging umuwi ka na muna. Kung tunay ang paghingi mo ng tawad, at taos sa puso mo ang pagsisisi, darating ang araw na magiging maayos din ang lahat. Umuwi ka na muna.”

Walang nagawa si Baste kung ‘di ang umuwi muna at sundin ang ipinapakiusap ng mga magulang ni Sandra. Pero ipinapangako niyang hindi siya susuko. Hindi niya susukuan si Sandra, dahil mahal na mahal niya ito. Naging loko nga lang siya at kasalanan niya kung bakit nakikipaghiwalay ito sa kaniya.

Kung hindi siya sumama no’ng gabing iyon sa barkada niya’y hindi siya makakagawa ng kasalanan sa nobya. Nakilala niya si Avril sa isang disco bar, dahil sa kaniyang mga kaibigan. Sa palagi nilang pagkikita sa bar ay nagkagaanan sila ng loob ng babae. Naging sila ni Avril, kahit hindi naman niya ito niligawan. Nilihim niya ang lahat ng iyon sa nobyang si Sandra.

Ngunit tunay ngang walang lihim na kayang itago. Nahuli sila nitong magkasama dahilan upang makipaghiwalay ito sa kaniya na mahigpit niyang hindi pinayagan at nangakong magbabago na at hindi na ulit gagawa ng kalokohan. Dahil sa pagmamahal ni Sandra sa kaniya’y pinatawad siya nito. Ngunit lingid sa kaalaman ni Sandra ay nagpatuloy ang relasyon nila ni Avril.

Hindi niya rin alam kung mahal ba talaga niya ang babae o nag-eenjoy lamang siyang kasama ito. Naiibigay kasi ni Avril ang sayang hindi naibibigay ni Sandra. Kaya siguro hindi niya kayang mawala sa buhay niya ang babae. Ngunit muli silang nahuli ni Sandra at nagalit na ito nang sobra. Muli’y nakipaghiwalay ito at sa pagkakataong ito ay wala na itong balak na patawarin siya at bigyan ng tiyansa.

Noong nakita niyang nag-empake si Sandra ng mga gamit upang umuwi sa bahay nila’y parang dinudurog ang puso niya at hindi niya kayang mawala ito nang tuluyan sa buhay niya. Mawala na ang lahat huwag lamang ito! Ang kaso’y pursigido na itong iwanan siya— sadyang nasa huli ang pagsisisi.

Nakipaghiwalay siya kay Avril at mas pinili si Sandra. Ilang beses na siyang humingi ng tawad sa nobya, ngunit talagang ayaw na nitong tanggapin siya. Kahit sa mga magulang nito’y labis ang paghingi niya ng tawad, dahil sa nagawang pananakit sa anak nito, pati sa mga kaibigan nila’y humingi rin siya ng tawad sa pagiging manloloko niya. Ngunit talagang matigas na si Sandra. Pero kahit gano’n ay desidido siyang magbago at patunayan sa sarili na hindi na niya ulit gagawin ang pagkakamaling nagawa niya.

Dahil walang balak si Baste na sumuko, umabot ng siyam na buwan ang paghingi niya ng tawad kay Sandra, bago siya napatawad nito. Labis-labis ang sayang nadama niya nang sa wakas ay pinatawad na siya ni Sandra.

“Maraming salamat, Sandra. Pangako, hindi ko na ulit gagawin ang kag@guhang ginawa ko noon sa’yo. Mahal na mahal kita, Sandra,” ani Baste, saka mahigpit na niyakap ang nobya.

Makalipas ang limang buwan mula noong pinatawad siya ni Sandra ay nagpakasal silang dalawa. Sobrang saya niya dahil sa wakas, legal na ang pagsasama nila at alam niyang habang buhay na silang magsasama ng babaeng kaniyang pinakamamahal.

“Congratulations, Sandra at Baste! Infairness ah, siguro talagang kayo ang nakatadhana sa isa’t-isa. Isipin niyo ‘yon, ang tagal niyong naghiwalay pero tingnan niyo naman,” ani Dina, isa sa bisita nila at pinakamatalik na kaibigan. “Kasal na kayo at buntis na si Sandra, sa magiging anak niyong dalawa.” Masayang wika nito.

“Sana nga lang, friend, hindi na magloko itong si Papa Baste,” pabirong wika ni James, ang kanilang beking kaibigan.

“Naku! Ayaw ko nang maulit ‘yong nangyari sa’min na muntikan na kaming maghiwalay ni Sandra. Hindi ko kakayanin kung tuluyan siyang mawawala sa’kin. Kaya pangako, hindi na ako ulit magloloko,” ani Baste.

“Naku! Dapat lang ‘no,” sang-ayon naman ng dalawa, saka nagtawanan.

“Mabait naman na siya ngayon, hindi kagaya dati. Salamat at marunong madala,” ani Sandra saka niyakap ang asawa.

Tinawanan na lamang nila ang nangyari noon sa buhay nila. Wala rin naman magandang mangyayari kung patuloy silang mabubuhay sa mga pagkakamali ng nakaraan. Nakita naman ni Sandra kung gaano kaseryoso noon si Baste sa paghingi ng tawad. At ngayong nagkabalikan sila’y nakita rin niya ang tuluyang pagbabago nito.

Kung noon ay hindi siya nito inaalagaan, ngayon ay halos ayaw siya nitong pagalawin sa bahay at sobra na ito kung mag-alala at araw-araw na ipinapaalala nito sa kaniya kung gaano siya nito kamahal.

Hindi masamang magpatawad. Huwag nga lang abusuhin ang ibinigay na kapatawaran. At ang pinakamahalaga sa lahat, baguhin ang sarili upang huwag nang masira pang muli ang tiwalang ibinigay ng iyong taong minamahal.

Advertisement