Inday TrendingInday Trending
Madamot at Kuripot ang Bansag sa Isang OFW Dahil Lagi Itong Walang Pera Tuwing Umuuwi ng ‘Pinas; Ito ang Kaniyang Dahilan

Madamot at Kuripot ang Bansag sa Isang OFW Dahil Lagi Itong Walang Pera Tuwing Umuuwi ng ‘Pinas; Ito ang Kaniyang Dahilan

“Mare, nakauwi na pala ang kapitbahay natin si Niela, ah. Kumusta, naambunan kayo ng biyaya na galing abroad?” ani Marites, kay Sonya.

Kamag-anak kasi ito ni Niela, na isang OFW na kakauwi pa lang mula sa Korea. Doon nagtatrabaho si Niela bilang isang mang-aawit. Ang kaso’y kilala ito bilang isang kuripot at hindi nagbibigay ng pasalubong kaya nagbabakasali siyang baka naambunan ang tiyahin nitong si Sonya.

“Naku! Asahan mo pa iyon, e, wala namang kwenta ‘yon kapag umuuwi rito sa ‘Pinas. Wala naman ‘yong pera palagi,” ismid ni Sonya, saka ipinagpatuloy ang ginagawa.

“Gano’n? Tiyahin ka niya ah!”

“Ano naman ngayon? Sus! Huwag na tayong umasa, masasaktan lang tayo,” ani Aling Sonya.

“Sabagay! Hindi siya kagaya ni Alma, na bongga ang lahat kapag umuuwi. Hindi kasi ‘yon madamot si Alma, ‘di gaya niyang si Niela, madamot ‘yan e. Kahit sabon ‘di nagbibigay,” ani Marites.

“Sinabi mo pa,” sang-ayon ni Sonya.

Narinig iyong lahat ni Fiona, ang kapatid ni Niela, dahil nasa tabing daanan lang naman nag-uusap ang dalawa. Kaya ngali-ngali siyang umuwi sa kanila upang isumbong ang mga ito sa mga magulang niya.

“Ang kakapal naman ng mukha nilang sabihin iyan sa ate mo,” gigil na wika ni Aling Nimfa.

“Kaya nga ma, ang kakapal ng mukha. Sila nga palaging tanggap libre lang. Por que hindi nagpapa-fiesta si Ate Niela sa t’wing umuuwi siya dito ay sasabihan na nilang madamot!” tugon ni Fiona.

Isang malakas na tawa lang ang itinugon ni Niela sa mga narinig na panlilibak ng kaniyang mga kapitbahay. Kahit kailan talaga ang mga tao! Kapag galing kang abroad, obligasyon mong bigyan ng pasalubong ang lahat ng kapitbahay mo. Kapag wala kang pasalubong na dala, bukod sa sasama ang loob nila sa’yo ay sasabihan ka nilang madamot at walang pakisama.

Tingin ni Niela, karaniwang iniisip ng mga tao na kapag OFW ka, mayaman ka. Kaya natawa na lamang siya. Wala nang bago sa bagay na iyon dahil ilang beses na rin naman siyang nagpapabalik-balik sa ibang bansa upang magtrabaho bilang isang singer sa isang malaki at sikat na hotel. Kada dalawang taon ay umuuwi siya ng ‘Pinas upang makasama ang pamilya. May dala man siyang balikbayan box, iyon ay para lamang sa pamilya niya at hindi na kasama ang iba pa nilang kamag-anak at mga kapitbahay.

Hindi rin siya nagpapa-fiesta sa lugar nila, dahil hindi naman siya mayaman. Kung mayaman siya, sana ay hindi na siya nagtitiis na magtrabaho sa ibang bansa kung saan malayo siya sa pamilya niya. Sa isip niya, may mayaman bang nagbabanat pa rin ng buto para lang may maipadala sa pamilyang umaasa sa kanila sa ‘Pinas?

Saka may naipon naman siya, sakto upang pasayahin ang sarili at buong pamilya, dahil minsan lang namang mangyari na buo sila at sama-sama. Anong pakialam niya sa kapitbahay nila?

“Hindi ka raw kagaya ni Alma, ate,” ani Fiona.

“Hindi talaga kami magkapareho ni, Alma, Fiona, dahil ako, hindi naman ako feeling mayaman na gaya niya tapos ang ending, utang naman lahat ang ginagasta niya rito sa ‘Pinas at pagbalik niya sa ibang bansa, lunod na lunod siya sa utang niya dahil sa pagpapasikat niya rito,” diretsong litanya ni Niela.

Lumakad siya sa sofa dala ang tinimplang kape at nanuod ng palabas sa telebisyon.

“Ako, kung ano ang naipon ko sa ibang bansa para sa pag-uwi ko rito’y maka-bonding kayo, iyon lang ang ginagastos ko kasi ayaw kong mahirapan pagbalik ko roon. Ang hirap kayang maging OFW, maganda lang pakinggan, pero hindi madali. Ako singer ako roon, paano ‘yong iba na mga helper at ang hihirap ng trabaho nila sa ibang bansa. Tapos pag-uwi dito sa ‘Pinas, gusto ng lahat ilibre sila at pasalubungan, kapag wala kang maibigay, madamot ka. Okay na akong matawag na madamot, kaysa magpanggap na may pera kahit wala naman. Hayaan mo sila na libakin ako. Basta ako masaya ako na nakakasama ko kayo at napapasaya. Hindi ko sila obligasyon,” mahabang wika ni Niela, saka sumimsim ng kape.

Niyakap ni Fiona ang kapatid sa sobrang paghangang naramdaman dito. Tingin niya’y tama ang Ate Niela niya. Hindi naman nila obligasyon ang kapitbahay nila, kaya bakit nila iintindihin ang sasabihin nila. Hindi sila ang nahihirapang magtrabaho sa ibang bansa, kung ‘di ang ate niya.

Hindi obligasyon ng kahit sinong OFW na mag-uwi ng pasalubong para sa lahat ng kakilala, kamag-anak, o kapitbahay nila. Kung may iaabot pasalamatan, kung wala ay hindi ka dapat magreklamo.

Hindi magandang magpanggap na mapera kung malulunod ka rin naman sa utang. Maging wais sa pagwaldas ng pera dahil alam naman ng lahat kung gaano iyon kahirap kitain.

Advertisement