Inday TrendingInday Trending
Ilang Beses Niyang Hindi Pinaniwalaan ang Kaibigan sa mga Sumbong Nito na Niloloko Siya ng Nobyo; Kailan Niya Kaya Tatanggalin ang Piring sa Kaniyang mga Mata?

Ilang Beses Niyang Hindi Pinaniwalaan ang Kaibigan sa mga Sumbong Nito na Niloloko Siya ng Nobyo; Kailan Niya Kaya Tatanggalin ang Piring sa Kaniyang mga Mata?

“Clarrise, pumunta ka ngayon dito sa tinatrabahuan kong club, nandito na naman ang sir@ulo mong nobyo, kasama iyong dancer dito. Dalian mo! Nang maniwala kang niloloko ka lang ng lalaking ito!” gigil na wika ni Mae sa kaibigang si Clarrise.

Nanginginig ang kamay na pinindot ni Clarrise ang end button sa tawag ni Mae. Ilang beses nang tumawag si Mae sa kaniya upang isumbong ang panlolokong ginagawa ng nobyo niyang si Boyet, ngunit ilang beses niya rin itong hindi pinaniwalaan.

Ayaw niyang malaman ang totoo, dahil hindi niya alam kung paano tatanggapin ang sakit. Hindi niya alam kung kakayanin ba niya o hindi. Pero sa tingin niya ngayon ay tama na ang pagbubulag-bulagan. Kailangan niya na yatang makita sa dalawang mata ang buong katotohanan.

“Clarrise, tama na ang pagtat@nga-t@ngahan! D’yos ko, hindi ka mahal ng animal na lalaking ito!” anang text ni Mae sa kaniya.

Hindi man niya nakikita ang mukha ng kaibigan ay alam niyang namumula na ito sa galit na nararamdaman.

Inayos niya ang kaniyang lamesa, at pati ang sarili. Hindi pwedeng pangit ang itsura niya kapag nakita siya ng kalaguyo ni Boyet. Dapat patunayan niya ritong may ibubuga siya, kahit na ba sabihing sa larong ito siya ang agrabyado.

Pumara siya ng taxi at nagpahatid sa address kung saan nagtatrabaho si Mae. Handa na siya! Handa na siyang tanggalin ang piring na noon pa niya pilit itinatakip sa mga mata. Handa na rin siyang bitawan ang lalaking sobra niyang minahal at ibinigay ang lahat rito, ngunit wala itong ibang ginawa kung ‘di suklian siya ng panloloko at pagtataksil.

Nagulat pa si Mae, nang makita siyang nakatayo sa harapan nito.

“Mabuti naman, bruha, at natauhan ka na sa role na ginampanan mo matagal na panahon na. Hirap maging t@nga forever ah!” anito.

Hindi niya mahulaan kung ano ang ibinabadya ng mukha ng kaibigan. Saya ba o inis?

“Nasaan sila, Mae?” tanong niya.

“Hali ka, ihahatid kita sa harapan ng malandi mong boyfriend at hitad niyang kabit!” anito saka hinawakan ang pulsuhan niya at hinila siya sa mesang naroon sa pinaka-dulo.

Isang tagpo ang nasaksihan niyang hindi niya inaasahan. Naghahalikan ang dalawa at kulang na lang ay hubarin ng mga ito ang sariling mga saplot. Kung kaniyang tatantiyahin ay maaring gawin ng dalawa ang kaniyang iniisip, tago ang lugar at hindi matao.

“C-Clarrise!” gulat na sambit ni Boyet, nasa ibabaw pa rin nito ang kahalikang babae.

“Magandang gabi, Boyet,” bati niya.

Kung hindi niya pipigilan ang sarili ay gusto niya itong sugurin ng sampal at sipa— hanggang sa malagutan ito ng hininga. Pero wala siyang balak na maging krim*nal para lang sa walang-kwenta niyang nobyo.

“C-Clarrise, w-walang ibang ibig sabihin ang nakita mo,” anito.

“Aba! Kapal ng mukha mo ah! Huli ka na nga sa akto, magsisinungaling ka pa!” inis na wika ni Mae.

“Hindi ikaw si Clarrise, kaya manahimik ka!” sigaw ni Boyet sa kaibigan.

Kung hindi niya napigilan si Mae, malamang ay naupakan na nito ang nobyo niya. Humakbang si Clarrise sa pwesto ni Boyet, saka hinubad ang singsing na suot, na ibinigay nito noong inaya siya nitong magpakasal.

“C-clarrise, hindi ako makikipaghiwalay sa’yo,” ani Boyet saka hinawakan ang kamay ni Clarrise. “Wala namang ibang ibig sabihin ito. Nagpapakasaya lamang ako. Nag-eenjoy habang hindi pa tayo ikinakasal. Kapag nagpakasal na tayo, Clarrise, magpapakatino na ako. Please, unawain mo ako, Clarrise,” mangiyak-ngiyak na pakiusap ni Boyet.

Dahan-dahan niyang binawi ang kamay sa nobyo saka mapait na ngumiti. “Hindi ka na magbabago pa, Boyet,” mahina niyang wika. “Ang ahas, magpalit man iyan ng balat kahit ilang beses, ahas pa rin iyan. At gano’n ka, Boyet. Magbihis ka man nang ilang beses, kung manloloko ka, manloloko ka talaga. Wala ka nang pag-asa, kaya maghiwalay na tayo.”

“Ayoko! Clarrise, no! Ayokong makipaghiwalay sa’yo,” nakikiusap na wika nito.

“Mag-enjoy ka, hangga’t gusto mo. Magpakasaya ka hangga’t gusto mo. Wala nang pipigil sa’yo. Hindi ko isusubo ang sarili ko, Boyet, sa kagaya mong manloloko. Ilang beses akong nagbulag-bulagan. Ilang beses kong kinumbinse ang sarili ko na hindi ka gano’ng klaseng tao, na mahal mo ako. Ilang beses kitang binigyan nang pagkakataon, pero wala, Boyet! Walang nangyari. Mas maiging mag-isa kaysa manatili sa relasyong hindi naman ako nirerespeto, niloloko at pinagsisinungalingan!” inis na litanya ni Clarrise.

“Clarrise, I’m sorry,” ani Boyet, lumuhod sa harapan niya at nagmakaawa.

“Ano pang silbi ng sorry mo?” tanong niya. Saka sinikap na makawala rito. “Simula sa araw na ito, Boyet, tinatapos ko na ang siyam na taong relasyon natin,” humihikbing wika ni Clarrise. “Ayoko nang makita ka, ayoko na sa’yo! Ayoko na sa manlolokong lalaking kagaya mo! Magsama kayo ng malanding babaeng ipinalit mo sa’kin!” aniya saka mabilis ang mga hakbang na iniwan ang nobyo.

Hindi madaling kalimutan ang siyam na taon! Pero aanhin mo ang magagandang alaala kung paulit-ulit ka namang niloloko at hindi nirerespeto?

“Okay lang iyan, Clarrise, mahirap mag-move-on kung ang lalaking minahal mo’y matino. Pero sa kaso ni Boyet, naku! Hindi siya nararapat sa pagmamahal mo,” ani Mae, saka niyakap ang umiiyak na kaibigan.

Maagang nag-out si Mae sa trabaho upang samahan siya. Hinatid na rin siya nito sa bahay nila at iniwan lamang noong nakatulog na siya. Naging sandalan niya ang kaibigan noong panahong nahihirapan siyang tanggalin sa puso niya ang nobyo.

Humingi ng tawad si Boyet sa kaniya at sinikap na maibalik pa ang relasyon nila ngunit pinal na ang desisyon ni Clarrise. Ayaw na niyang maging parte ng buhay niya si Boyet. Tama na ang sakit na ibinigay nito sa kaniya. Ayaw na niyang makasama ito. Desidido na siyang paghilumin ang pusong winasak nito. Magmamahal siyang muli, pero hindi na iyon para kay Boyet.

Kung muli mang magmamahal ang puso niya, dalangin niya’y hindi ito sa kagaya ni Boyet. Sana sa muling pag-ibig na darating sa buhay niya’y hindi na muling masasaktan at mawawasak ang puso niya. Iyon ang palagi niyang hiling sa Maykapal, at nakahanda siyang maghintay dahil naniniwala siyang darating din ang taong para talaga sa kaniya.

Advertisement