Nagalit ang Lalaki nang Sumama ang Kaisa-Isang Anak sa Tindero ng Kalamansi; Ano ang Magiging Buhay Nito sa Piniling Lalaki?
“Minda, sumunod ka sa kuwarto ko!” galit na utos ni Bernardo sa nag-iisang anak niyang babae.
Walang nagawa ang anak kundi ang sundan ang ama.
“Itay, ano naman ang masama kung ganoon lang siya?” maluha-luhang tanong ni Minda.
“Maraming lalaki, anak! Huwag lang ang lalaking ‘yon!” matigas na tugon ng ama.
“P-pero, itay, marangal naman ang trabaho niya,” sagot pa ng dalaga.
“Hindi kita pinag-aral sa magandang eskwelahan para mapunta lang sa ganoong klaseng lalaki! Isa kang titulado at propesyonal, natural na ang bagay sa iyo ay ‘yung ka-lebel mo!” singhal pa ni Bernardo sa anak.
“At hindi ang katulad ni Simon, ganoon ba itay? Hindi naman doon nasusukat iyon, eh! At saka…”
“Tama na! Ang sinabi ko’y sinabi ko! Layuan mo ang Simon na ‘yon! Hindi kayo bagay!”
“Mahal ko po si Simon, itay. Hindi ko magagawa ang gusto niyo,” giit pa ni Minda.
“Tumigil ka! Hinding-hindi ko matatanggap ang lalaking ‘yon! Ang mabuti pa’y kay Carlo mo ibaling ang iyong pagtingin na anak ng aking kumpare. Isa siyang abogado at pareho kayong nakapagtapos sa U.P. Kung tutuusin ay kayo talaga ang nararapat sa isa’t isa, kayo dapat ang magkatuluyan at hindi ang walang kuwentang tindero lang ng kalamansi!” halos atakehing sabi ng matandang lalaki.
Maya-maya ay lumabas ito ng kuwarto at ipinagtabuyan palabas ang nobyo ng anak na kanina pa nasa sala. Ang totoo’y isinama ni Minda ang lalaki sa bahay nila para pormal na ipakilala sa ama ngunit nang malaman nito na tindero lang ng kalamansi ang nagugustuhan niya ay grabe ang galit nito.
“Hoy lalaki, lumayas ka sa pamamahay ko! Hindi ka bagay sa anak ko, ayoko sa iyo! Kung talagang mahal mo si Minda ay layuan mo siya! Huwag mo nang ipilit ang sarili mo sa anak ko! Ang pagtitinda na lang ng kalamansi ang atupagin mo!” pangungutya ni Bernardo sa lalaki.
“Itay, sumusobra na po kayo. Tama na ang panglalait niyo kay Simon,” lumuluhang sabi ni Minda. Naramdaman niyang humigpit ang hawak ng nobyo niyang si Simon sa kanyang kamay nang lapitan niya ito.
Kahit kailan ay hindi niya ikinahiya ang lalaki. Wala siyang nakikitang hindi dapat ipagmalaki sa nobyo, matalino ito at masipag. Bukod sa pagiging iskolar sa pinagtapusan nitong kolehiyo na kilala rin sa Maynila ay pinagsasabay pa nito ang pagtitinda ng kalamansi kapag wala itong pasok sa klase noon. Sa pagkakakilala niya kay Simon ay isa itong lalaking may pangarap at ambisyon sa buhay. Hindi naman mahalaga sa kanya kung may pera o wala kung sinuman ang mamahalin niya, ang mahalaga ay kung kanino siya lubos na sasaya. Kilala ni Minda ang lalaking gusto ng ama niya para sa kanya, isa itong maangas at mapagmataas na tao. Naturingang abogado at titulado ngunit hindi naman maayos ang pag-uugali. Hindi siya sasaya at liligaya sa ganoong klaseng lalaki.
Nagulat ang magkasintahan nang biglang kumuha ng tseke ang matandang lalaki at iwinasiwas sa harap nila.
“Magkano ba ang kailangan mo para layuan ang anak ko? Kaya kitang bilhin kahit ilang milyon pa! Ano? Sasayangin mo ba ang tiyansa na magkaroon ng maraming pera? Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakahipo ka ng malaking halaga. Sagot na! Magkano ang gusto mong ilagay ko sa tsekeng ito para tuluyan mo nang lubayan ang anak ko?!” taas noong wika ni Bernardo kay Simon.
Napailing lang ang lalaki sa sinabi niya.
“Pasensya na po, pero hindi ko matatanggap ang pera ninyo. Mahal ko ang inyong anak at mas mahalaga siya kaysa anupaman,” matapang na sagot ni Simon.
Hindi na rin nakatiis si Minda at sinagot na ang ama.
“S-sorry, itay, p-pero mahal ko si Simon. Kung hindi niyo siya kayang tanggapin at irespeto ay ako na lang ang aalis. Sasama na ako sa kanya,” mariing sabi ng dalaga na kumapit nang mahigpit sa braso ng nobyo at niyaya na ito palabas ng bahay.
Mas lalong nanggalaiti sa galit si Bernardo nang pinili ni Minda ang nobyo kaysa sa kanya na sariling ama.
“Pagsisisihan mo ang desisyon mong ‘yan, Minda, pagsisisihan mo!” sigaw ng matandang lalaki habang papalayo ang magkasintahan.
Walang dinala na kahit ano si Minda sa pagsama niya kay Simon. Bahala na kahit wala siyang dalang pera basta kasama niya si Simon ay panatag siya sa piling nito. Ang akala niya ay matatanggap ito ng kanyang ama dahil gaya ng lalaki ay galing din noon sa hirap ang amang si Bernardo na nagsumikap hanggang sa sinuwerte sa pinasok na negosyo kaya nagkaroon sila ng mariwasang buhay. Kaya nga itay pa rin ang tawag niya rito ay dahil ayaw na ayaw ng ama na tinatawag niya itong papa or daddy, mas gusto nito na simpleng tawag lang. Hindi siya makapaniwala na naging matapobre na rin ito gaya ng ibang kilala niyang mayayaman.
Sumakay sila ng jeep papunta sa bahay ng mga magulang ni Simon sa Pasig. Kinakabahan pa nga siya dahil hindi pa niya nakikilala ang pamilya ng lalaki. Palagi kasi itong abala sa paglalako ng kalamansi kaya wala itong oras na ipakilala siya sa mga magulang nito.
“Sigurado ka ba na gusto mong sumama sa akin, Minda?” tanong ng nobyo.
“Oo naman. Kahit saan mo ako dalhin ay sasama ako sa iyo,” sinserong wika ng dalaga sabay yakap kay Simon.
Makalipas ang ilang buwan ay palagi nang malulungkutin si Bernardo. Mula nang sumama ang anak sa nobyo nito ay mag-isa na lang siya sa malaki nilang bahay. Ngunit matigas pa rin ang puso niya. Kahit nagdaan na ang maraming araw at linggo ay hindi pa rin niya matanggap na mas pinili ni Minda ang lalaking tindero ng kalamansi kaysa mamuhay sa karangyaan na pinaghirapan niya para rito.
Nang bigla na lang tumunog ang doorbell sa labas ng kanyang bahay. Binuksan niya ang gate at bumungad sa kanya ang isang lalaki.
“Magandang araw po. Kayo po ba si Mang Bernardo Capili?” tanong nito.
“O-o, ako nga. Ano’ng kailangan mo sa akin?” tanong ng matanda.
“Ipinapasundo po kayo ng anak niyong si Minda. Gusto raw po niya kayong makita dahil kaarawan niya po ngayon,” sagot ng lalaki.
Nagulat ang matanda. Naalala niya na kaarawan pala ng kanyang suwail na unica hija. Naisip niya na mabuti at naalala pa siya nito matapos siyang iwan at ipagpalit sa isang dukhang lalaki.
Pumayag siyang sumama sa lalaki para makita kung gaano ito nagsisisi sa piniling buhay. Marahil ay inimbitahan siya nito dahil alam ng anak na hindi siya papayag na hindi man lang magdala ng kahit anong handa at sorpresa sa kaarawan nito. Wala sigurong maibigay na panghanda ang lalaking sinamahan nito kaya gusto siya nitong makita. Bago umalis ay bumili siya ng mamahaling cake, mga pagkain at mamahaling regalo para kay Minda. Tiyak niyang pag nakita ito ng anak ay magigising ito sa katotohanang mali ang iniwan siya nito. Natawa rin si Bernardo nang makitang taxi lang ang ginamit na pangsundo sa kanya.
“Sabi na nga ba, eh, walang kuwenta ang lalaking ‘yon. Wala man lang sariling kotse at umupa lang ng pipitsuging taxi?” bulong niya sa isip habang papunta sa kinaroroonan ng anak.
Ilang minuto lang ay narating na nila ang lugar. Nanlaki ang mga mata ni Bernardo nang ibaba siya ng taxi driver sa harap ng napakalaking mansyon. Mas malaki pa iyon sa bahay nila.
“’D-di ba ako namamalik-mata? D-dito ba talaga nakatira ang anak ko?” mangha niyang tanong sa sarili.
Maya-maya ay bumukas na ang gate at pinapasok siya ng isang babaeng kasambahay. Inilibot siya nito sa kabuuan ng mansyon at mas lalo siyang namangha nang makitang napakaganda niyon sa loob na para bang nakatira ang may-ari nito sa isang palasyo.
Sinalubong siya at binati ng anak na si Minda kasama si Simon na asawa na nito.
“Maligayang pagdating, itay. Sobra kitang na-miss,” maluha-luhang sabi ng babae.
“Kumusta na po kayo? Welcome po sa aming tahanan,” magalang na bati ng lalaki.
Gustong himat*yin ni Bernardo sa sandaling iyon. Siya dapat ang mangsosorpresa pero siya ang nasorpresa sa kanyang nadatnan. ‘Di siya makapaniwala sa mga nakikita niya. Paano nagkaroon ng ganoong bahay ang isang tindero lang ng kalamansi?
Muntik na siyang atakehin sa puso nang ipagtapat ni Minda ang katotohanan. Noong gabing umalis ito sa kanilang bahay at sumama kay Simon at ipinakilala sa pamilya nito ay natuklasan ng babae na isa palang tagapagmana si Simon. Nagmula ang lalaki sa mayamang angkan na maraming negosyo’t ari-arian sa Maynila at may malawak na taniman ng kalamansi sa isla ng Albat sa Quezon. Dinadala ang mga produkto nilang kalamansi sa Maynila para ibenta. Ang lalaki mismo ang nagbebenta sa pamamagitan ng paglalako sa kariton dahil sanay ito at masaya sa ganoong gawain. Dating mahirap at tindero ng kalamansi ang ama ni Simon na nagtagumpay rin sa buhay kaya umasenso.
Ipinagtapat din ni Simon na mas lalo nitong inibig ang anak niyang si Minda dahil sa kabila ng pagkakaalam nitong mahirap lang siya at hamak na tindero lang ay walang alinlangan pa rin siya nitong minahal.
Nagpakasal ang dalawa at kasalukuyang nagdadalantao na si Minda.
Gusto ng anak na makita ang ama sa araw ng kaarawan nito kaya pinasundo si Bernardo sa matalik na kaibigan ni Simon na isang taxi driver. Sinadya talaga ng mag-asawa na hindi gamitin ang mamahalin nilang sasakyan para sunduin ang matanda upang ito mismo ang makatuklas na hindi nagsisisi si Minda sa buhay na pinili at lalaking sinamahan.
“Sana ay mapatawad ninyo ako. Pinagsisisihan ko na ang ginawa ko noon,” buong kababaang loob na sabi ng matandang lalaki na hindi na napigilang maiyak sa ginawa niyang kamalian noon.
Niyakap siya ng mag-asawang Minda at Simon at tinanggap ng mga ito ang taos puso niyang paghingi ng tawad at pagsisisi sa mga naging pagkakamali.
Masaya nilang pinagsaluhan ang inihandang salo-salo ni Minda at mga dalang pagkain ng amang si Bernardo. Tuwang-tuwa rin ang matanda na malapit na siyang magkaroon ng apo.
Napatunayan ni Simon sa kanyang biyenan na hindi kasing asim ng kalamansi ang naging buhay ng nag-iisa nitong anak sa piling niya, na ang totoo’y mas matamis pa sa pinakamatamis na prutas sa mundo ang ibinigay niyang buhay at pagmamahal sa babaeng natatangi at nag-iisa lang sa kanyang puso.