Inday TrendingInday Trending
Inaruga ng Komadrona ang Sanggol na Inabandona ng Sariling Ina; Darating ang Panahon na Gagantihan Nito ang Ginawa Niya

Inaruga ng Komadrona ang Sanggol na Inabandona ng Sariling Ina; Darating ang Panahon na Gagantihan Nito ang Ginawa Niya

“Uhmp…l alabas na, Manang Biring, lalabas na!” hiyaw ni Seva na namimilipit na sa sakit.

“Naku, ayan na, nakikita ko na ang ulo! Umire ka pa nang malakas!” sambit ng komadrona habang dahan-dahang inilalabas ang sanggol.

“Aahhh!” malakas na sigaw ng babae habang hinahabol ang hininga.

“Ito na ang bata!” sabi ni Manang Biring nang tuluyang lumabas sa sinapupunan ni Seva ang anak nito.

Hingal na hingal ang babae na nakaraos na sa panganganak ngunit nang ipakita ng komadrona ang sanggol nito’y nag-iba ang timpla ng mukha ng babae.

“B-bakit gan’yan ang anak ko? A-ayoko sa sanggol na ‘yan!” gulat na wika ni Seva na ayaw man lang hawakan ang anak.

Ubod kasi ng itim ang sanggol na babaeng iniluwal niya. Manang-mana sa negrong ‘Kano na ama nito. Naanakan lang ng isang Amerikano ang bayarang babae na si Seva at tinakbukan nang mabuntis. Itinuloy nito ang pagdadalantao na sa pag-aakalang magiging maganda ang anak nila ng kano. Maputi at maganda ang kutis ni Seva kaya akala niya’y magmamana sa kanya ang sanggol, pero sa amang negro nito nakuha ang kulay itim na itim na balat.

“Hinding-hindi ko matatanggap ang batang ‘yan, Manang Biring! Itapon mo ‘yan o ipaampon mo sa iba, basta ayoko sa negrang ‘yan!” pagtanggi ng babae sa sariling anak.

“Ano ka ba naman, Seva? Bigay sa iyo ng Diyos ang sanggol na ito, bakit ayaw mong tanggapin? Kahit ano pa ang hitsura nitong bata, siya pa rin ay nanggaling sa iyo at ikaw ang kanyang ina,” paliwanag ng komadrona.

“Isang maganda at maputing gaya ko ang gusto kong maging anak, ayoko ng mas maitim pa sa negrong ‘Kano niyang ama na nang-iwan sa akin. Hindi ko aangkinin ang sanggol na ‘yan kaya idispatsa mo ‘yan, Manang Biring! Kahit kailan ay hindi ko kikilalaning anak ‘yan!” pagmamatigas pa rin ng babae na ayaw man lang tingnan ang sanggol.

“Diyos ko, ano’ng gagawin ko sa batang ito?” kinakabahang tanong ni Manang Biring sa sarili habang karga-karga ang umiiyak na sanggol. Wala siyang nagawa kundi ang sundin ang utos sa kanya ng babae na ilayo ang bata, ngunit biglang nakunsensiya ang komadrona at nakaramdam ng habag.

“Kawawa naman ang beybing ito. Kahit kulay uling ay cute naman, eh. Akin ka na lang! Ako na lang ang mag-aalaga sa iyo,” sambit ng komadrona na pinisil-pisil ang pisngi ng sanggol na huminto naman sa pag-iyak nang kulit-kulitin niya.

Wala siyang asawa at hindi na magkakaanak kaya imbes na itapon sa kung saan o ipamigay sa iba ay inampon niya ang sanggol at itinuring na tunay na anak. Hindi pala kaya ng kanyang kunsensiya na mag-abandona ng munting buhay lalo na ang sanggol na iyon na tinanggihan ng sariling ina.

Habang lumalaki ay mas lalong nagiging malapit si Manang Biring sa kanyang anak-anakan na pinangalanan niyang Sophia. Hanggang sa magka-isip ito’t magdalaga ay dala-dala nito ang pangungutya at panghuhusga sa kulay nito. Kaya minsan ay naglabas ito ng sama ng loob kay Manang Biring.

“Bakit ganoon, inay, mula bata pa ako at ngayong disi-otso anyos na ay kakambal ko pa rin ang masasakit na salita na ibinabato sa akin ng mga tao? Anak daw ako ng dilim, pinaglihi sa duhat, anak ng uling at kung anu-ano pa. Bakit puro kapintasan na lang ang nakikita nila sa akin? Hindi ko naman po kasalanan na ito ang maging kulay ko, na maging kulay itim,” maluha-luhang sabi ni Sophia.

“Walang mali sa iyo, anak. Walang masama sa kulay ng iyong balat. Normal ka at hindi kakaiba. Sadyang makitid lang ang pag-iisip ng mga tao at tumitingin lang sa panlabas na anyo. Para sa akin ay ikaw ang pinakamaganda sa lahat. Huwag ka nang malungkot, mahal na mahal ka ni nanay,” tugon ni Manang Biring sa dalaga.

Makalipas ang labinlimang taon

Pumasok si Sophia sa isang magarang kuwarto. May dala siyang dalawang baso na may lamang gatas. Nakita niyang nakahiga na sa malaking kama ang dalawang bata na masayang-masaya nang makita siya.

“Mama, bilis tabihan mo na kami! Ituloy mo na ang kuwento!” nagmamaktol na sabi ng batang si Sam, pitong taong gulang.

“Mamaya na, my beybi boy. Inumin niyo muna itong gatas ng beybi sister mo at baka lumamig,” natatawang wika niya.

“Please naman mama, ituloy mo ang story, nabitin kami kagabi, eh! Ano na po ang nangyari sa ugly duckling girl?” tanong naman ng bunsong kapatid ni Sam na si Semi.

Bago pa man nakasagot si Sophia ay narinig nilang bumukas ang pinto. Bumungad ang isang uugod-uugod na matanda na kahit hirap na sa paglalakad ay gusto pa ring makita silang mag-iina.

“Ano ba kayo mga apo? Ilang beses niyo bang ipapakuwento ‘yan sa mama ninyo? Hindi pa ba kayo nagsasawa sa kuwento ng ugly duckling girl? Mabuti pa’y sundin niyo na ang mama ninyo at mamaya lang ay darating na rin ang papa ninyo,” sabi ng matandang babae – Si Manang Biring.

“Hindi po kami magsasawa lola dahil maganda po ang kuwento ni ugly ducking girl, eh! ‘Di ba. Semi?” sambit ni Sam sabay tingin sa kapatid.

“Tama po si kuya, like na like namin ang story na ‘yon,” sabad ng nakababatang kapatid.

Nagkatinginan ang matanda at si Sophia.

“Hayaan niyo na sila, inay. Paborito lang talaga nila ang kuwentong iyon,” tugon ng babae.

Pagkatapos ng kuwentuhan ay nakatulog na rin ang dalawang anak ni Sophia. Nang magkasarilinan ang mag-ina ay bumalik sa kanilang alaala ang mga nangyari sa nakaraan.

Ipinagtapat ni Manang Biring kay Sophia ang ginawang pag-aabandona sa kanya ng sariling ina noon at ito ang umampon at nag-aruga sa kanya. Kahit nalaman niya na gusto siyang ipatapon ng totoong ina ay napakasuwerte pa rin niya dahil ang mabait na komadrona ang kumupkop sa kanya. Kahit hindi sila magkadugo ay ipinaramdam naman sa kanya ni Manang Biring ang pagmamahal na higit pa sa isang tunay na ina. Iginapang ni Manang Biring ang kanyang pag-aaral hanggang sa makatapos siya sa kolehiyo at ngayon ay isa na siyang matagumpay na negosyante. ‘Di naging hadlang sa kanyang pag-unlad ang kulay uling niyang balat, sa halip ay ito pa nga ang nagdala sa kanya ng higit na suwerte dahil mas nakilala pa siya sa ibang bansa at ang kanyang mga produktong damit at pampaganda.

‘Di lang iyon ang magandang kapalaran na dumating sa kanya, ipinahanap din siya ng tunay niyang ama na isa palang mayaman at retiradong seaman. Kinilala siya nitong anak at nang pumanaw ito ay sa kanya ipinamana ang limpak-limpak nitong pera sa bangko. Gusto man niyang kilalanin din ang inang umabandona sa kanya ay hindi na mangyayari dahil ang balita niya’y sumakabilang buhay na rin ito dahil sa malubhang sakit. Napatawad na rin niya ang kanyang inang si Seva.

Samantala, si Manang Biring ang naging sandalan niya at kasama sa hirap at ginhawa at ito ang nagpuno ng pagiging ina at magulang sa kanya, hanggang sa ang dating inaapi-api at hinahamak na tinaguriang anak ng uling ay unti-unting nagbago, umangat, nakilala at hinangaan ‘di lang sa sariling bayan kundi ng ibang lahi.

‘Di nagtagal ay nahanap na rin niya ang lalaking nagpatibok sa kanyang puso at tinanggap ng buong-buo ang kanyang kulay at pagkatao. Isa itong dayuhan na may pusong Pinoy kaya pati ang mga anak nila ay matatas sa pagsasalita ng Tagalog. Nagmana rin sa kanya ang dalawa niyang supling na pawang mga maiitim rin ang kulay ng balat ngunit gaya niya nung bata pa siya’y cute na cute din ang mga ito.

At doon nabunyag na si Sophia pala ay ang ugly duckling girl sa paboritong kuwento ng kanyang mga anak na sumasalamin sa totoong nangyari sa buhay niya.

“Alam mo ba, inay kung sino talaga ang nagpabago sa buhay ni ugly duckling girl?” tanong niya sa matanda.

“Eh, sino naman, anak?” balik na tanong ni Manang Biring.

“Ikaw, inay. Ikaw ang bumago sa buhay ko at habang buhay ko itong ipagpapasalamat sa iyo, inay ko, mahal na mahal kita,” sagot ni Sophia saka niyakap nang mahigpit ang babaeng pinagkakautangan niya ng lahat-lahat.

“Salamat, anak, mahal na mahal din kita,” maluha-luhang tugon ni Manang Biring.

Hindi lang labis-labis na pagmamahal ang ipinalasap ni Sophia sa babaeng tumanggap at nag-aruga sa kanya. Ipinalasap din niya rito ang ginhawa na katas ng kanyang pagsusumikap. Bukod sa mga anak ay kay Manang Biring niya iniaalay ang lahat ng yamang mayroon siya. Kaya ang dating mahirap na komadrona ay buhay reyna na sa piling niya.

Advertisement