Pinagtawanan at Ininsulto ng Babae ang Ama ng Kaniyang Kaeskwela Dahil Butas ang Damit Nito; Mapapahiya pala Siya sa Huli

Ngayon ang araw ng pagtatapos ng mga senior high school students at kabilang si Precilla sa mga tatanggap ng parangal, kaya naman ganoon na lang katindi ang kaniyang kasabikan sapagkat tatanggap na naman siya ng medalya.

Nauna na siyang magtungo sa kanilang eskwelahan dahil anang kaniyang ama ay susunod na lamang ito. Hindi kasi ito maaaring lumiban sa trabaho. Ganoon pa man ay nagpaalam itong magha-half day na lang upang makadalo ito sa kaniyang pagtatapos.

Ayos lang naman iyon kay Precilla, dahil ilang sandali lang ang pagitan mula nang dumating siya’y dumating na rin naman ang kaniyang ama. Suot nito ang isang magarang polong kulay puti, na noon lamang nakita ni Precilla. Sa palagay niya ay bumili pa ng isusuot ang kaniyang ama, para lamang sa kaniyang pagtatapos. Ikinatuwa naman ni Precilla. Mabuti naman at hindi siya ipinahiya ng kaniyang ama sa pagkakataong ito, ’tulad ng madalas niyang maramdaman sa tuwing ihahatid siya nito sa kanilang paaralan, suot ang uniporme nito bilang construction worker. Palagi na lang kasi itong marungis.

Maya-maya pa ay nagsimula na ang seremonya ng kanilang pagtatapos. Nakamit ni Precilla ang ikalawa sa pinakamataas na parangal ngayong taon na bahagya pang nakapaghatid ng ngitngit sa kaniya, dahil ang kinaiinggitan niya pang kaeskwela ang siyang nagkamit ng una’t pinakamataas na karangalan. Si Amanda, na noon pa man ay naging kakompitensya na niya pagdating sa lahat ng bagay tungkol sa kanilang pag-aaral. Kaya naman nang makasalubong ito ni Precilla ay hindi niya napigilan ang sariling humanap ng paraan upang insultuhin ito para lang ibsan ang kaniyang pagngingitngit.

Napansin ni Precilla ang ama ni Amanda, na siyang nagsabit dito ng medalya. Hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang damit na suot nito na mayroong malaking tastas sa tagiliran. Mukha iyong bago, ngunit kapansin-pansin ang malaking butas nito! Dahil doon ay natawa siya at nakaisip ng masamang ideya.

“Kulang na lang ay habulin ng karayom at sinulid ang papa mo, Amanda, a!” tatawa-tawang sita ni Precilla sa kaeskwela habang nakahalukipkip ang kaniyang mga braso. “’Yan na ba ang pinakamaayos na maaari n’yong isuot?”

Dismayadong napailing naman si Amanda sa kaniyang tinuran. “Kung ako sa ’yo, hindi ako magtatawa nang ganiyan,” sabi nito. “Isa pa, kahit ganiyan ang suot ng papa ko ay ayos lang sa akin. Kaya ko siyang ipagmalaki sa lahat, hindi katulad mo na palaging ikinahihiya ang taong siyang dahilan kung bakit nabubuhay ka sa mundo,” matalinhagang sabi pa nito.

Tinamaan si Precilla sa narinig, ngunit minabuti niyang huwag ’yong ipahalata upang hindi siya mapahiya. Bagkus ay malutong siyang humagalpak upang lalo itong mainsulto!

Advertisement

Pumalatak si Amanda, ngunit hindi na ito sumagot pa. Sa ikalawang pagkakataon ay napailing na lamang ito sa ugali niya.

Nasa ganoong tagpo sila nang biglang dumating sa pwesto nila ang kaniyang ama. “Mukhang nagkakasiyahan kayo ng kaeskwela mo, anak, a!” agad na bati nito kay Precilla.

Nang mapadako ang tingin ng kaniyang ama kay Amanda ay bigla na lang itong napangiti. “Naku, ikaw pala ’yan, hija! Nasaan ang papa mo? Salamat sa inyong dalawa, ha?” nakapagtatakang sabi pa nito na ikinakunot ng noo ni Precilla.

“Kilala n’yo siya, ’Pa?” tanong niya sa kaniyang ama.

“Oo anak, kanina lang. Paano kasi’y bumili ako ng bagong damit para maging presentable naman akong tingnan kapag umakyat na ako sa entablado kapag sasabitan ka ng medalya. Kaya lang ay hindi sinasadyang sumabit sa jeep ang tagiliran ng suot kong damit—hayun, punit!” kakamot-kamot sa kaniyang ulong sabi ng kaniyang ama. “Mabuti na lamang at nakita ako ng kaeskwela mong ito at ng kaniyang ama. Tinanong nila ako kung ano’ng problema, at nang sabihin ko naman ay minabuti nilang ipagpalit sa suot ko ang suot ng kaniyang ama. Siya tuloy ang umakyat sa stage na butas ang damit,” dagdag pa nito na siyang halos magpalubog naman kay Precilla!

Bigla siyang nanigas sa kaniyang kinatatayuan. Pinagpapawisan siya nang malamig at kulang na lang ay hilingin niyang sana’y lamunin na lang siya ng lupa!

Nakakahiya ang kaniyang ginawa! Dahil sa kagustuhan niyang ibsan ang inggit niya kay Amanda ay nakagawa siya ng bagay na sa huli ay pagsisisihan niya pala.

Bago magtapos ang araw na ’yon, nagpasya si Precilla na humingi na lamang ng tawad kay Amanda at sa ama nito. Bukod doon ay ipinagpasalamat na rin niya ang ginawa nilang kabutihan sa kaniyang ama. Inamin niyang mali ang kaniyang ginawa at nangakong hindi na iyon uulitin pa.