Inday TrendingInday Trending
Halos Wala nang Pagsidlan ng Yaman ang Lalaking Ito Ngunit Ayaw Niyang Magbahagi sa Iba; Kaniya Lang Daw ang Pinaghirapan Niya

Halos Wala nang Pagsidlan ng Yaman ang Lalaking Ito Ngunit Ayaw Niyang Magbahagi sa Iba; Kaniya Lang Daw ang Pinaghirapan Niya

Bulong-bulungan na naman sa kanilang opisina ang manager na si Terence. Bali-balita kasi na bumili na naman ito ng panibagong sasakyan, gayong noong nakaraang linggo lamang ay isinugod sa ospital ang ina nito dahil sa karamdaman, at ngayon ay naghahagilap ng pera ang kaniyang mga kapatid upang ito ay maoperahan.

“Napakadamot talaga n’yan ni Sir Terence, ’no? Biruin mo, sariling nanay niya, ayaw niyang ambunan man lang ng grasya? Wala na nga yatang pagsidlan ng yaman niya ’yan, sa sobrang kakuriputan!” nakangiwing bulong ng isa sa mga empleyado nila sa kompanyang iyon habang kumakain sila sa canteen, nang makita nitong napadaan ang kanilang manager na si Terence.

“Naku, sinabi mo pa, sis! Kahit pa sabihin niyang hindi naman siya lumaki sa piling ng tunay niyang nanay, kahit paano, ’yon pa rin ang nagluwal sa kaniya! Naku, ewan ko na lang, ha? Pero sure akong may kapalit na karma ’yang ginagawa niya!” komento naman ng isa, patungkol sa katotohanang lumaki si Terence sa puder ng kaniyang tiyahin, dahil hindi kaya ng mga magulang niya na buhayin silang lahat na magkakapatid.

Lingid sa kaalaman ng mga ito ay nanlalaki na naman ang tainga ni Terence. Nakakarinig na naman kasi siya ng mga tsismisan na bagaman hindi naman nakaaapekto sa kaniya ay hindi pa rin niya nagugustuhan!

Humakbang siya pabalik sa dinaanang pwesto ng dalawang empleyadong makakati ang dila at nakisali siya sa usapan ng mga ito.

“Bakit naman ako makakarma, e, pera ko naman ’yon?” nakangising tanong niya sa dalawang babaeng animo nakakita ng multo nang makita siya!

“S-sir Terence—”

Pinutol niya ang sana’y sasabihin ng isa sa dalawang babae. “Alam n’yo, kung gusto nilang magkapera, magtrabaho sila ng kanila. Pinaghirapan ko naman kung ano ang meron ako ngayon, kaya nasa akin na kung sino lang ang gusto kong bahagian, naiintindihan n’yo?” dagdag pa niya pagkatapos ay pinandilatan niya ng mata ang mga ito. Napangisi na lang si Terence nang makitang halos manginig sila sa takot habang tumatango.

Totoong pinaniniwalaan niya ang tinuran niya sa dalawang babae. Iyon ang naging pag-iisip niya simula pa lamang no’ng unang beses na kumita siya ng pera. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao, dahil para sa kaniya ay wala namang pakinabang sa kaniya ang mga iyon.

Ngunit isang trahedya ang biglang tumama sa buhay ni Terence. Nasangkot sa nakawan ng pera ang kompanyang pinagtatrabahuhan niya, at isa siya sa itinuturong salarin sa nangyari!

Alam ni Terence na sinabotahe lamang sila ng kung sino, ngunit wala siyang magawa kundi pagbayaran ang kasalanang hindi naman niya ginawa dahil wala siyang sapat na ebidensiya upang kontrahin ang mga ipinaparatang sa kaniya. Kailangan niyang ibalik ang perang nawala sa kompanya kung ayaw niyang makulong siya!

Halos masaid ang lahat ng ari-arian ni Terence sa nangyaring ’yon. Bukod pa roon ay nagkaroon siya ng masamang records sa iba’t ibang kompanya kaya naman hirap na hirap na ulit siyang makahanap ng trabaho.

Hindi na alam ni Terence kung ano ang gagawin niya. Malapit nang maubos ang natitira niyang ipon. Iisa na lang ang ari-ariang natira sa kaniya at iyon ay ang bahay na tinutuluyan niya, na bagama’t magara ay wala namang kasigla-sigla.

Ngunit nang halos maubos na ang lahat ng natitira niyang pag-asa ay nakakuha siya ng suporta sa kaniyang pamilya. Ang pamilyang pinagdamutan niya noong nasa kaniya pa ang lahat.

Nagpahiram ng malaking pera ang kaniyang kapatid upang magamit niya bilang kapital sa pagtatayo ng isang negosyong pagkukunan niya ng kabuhayan. Ang mga magulang naman niya ay nag-ambag din sa pagpapalago nito, sa pamamagitan ng pagtulong nila sa kaniya nang libre!

Naantig si Terence sa lahat ng ginawa nila para sa kaniya, at doon ay napagtanto niyang hindi lang pala pera ang kailangan ng tao upang mabuhay sa mundo. Ang totoo ay mas mahalaga pa rin ang suporta at pagmamahal na nanggagaling sa pamilya.

Pinagsisihan niya ang lahat ng kaniyang ginawang pagdadamot sa kanila. Kaya naman nang unti-unting makabawi mula sa trahedyang iyon si Terence ay nagpasiya rin siyang bumawi sa kanila.

Binigyan niya ng magandang buhay ang kaniyang mga magulang, habang ang mga kapatid naman niya ay tinulungan niya ring makapagtayo ng sari-sarili nilang negosyo. Bukod doon ay aktibong ipinaramdam din ni Terence sa mga ito ang pagmamahal na noon ay hindi niya naibigay sa kanila. At sa pagkakataong ito, halos wala na siyang pagsidlan ng kasiyahan.

Advertisement