Isinisi ng Anak sa Ina ang Pang-iiwan sa Kanila ng Kaniyang Ama; Babaguhin ng Katotohanan ang Kaniyang Pananaw
“O, bakit ngayon ka lang umuwi? Alam mo ba kung anong oras na?” galit na pagsalubong ng kaniyang ina sa dalagang si Beverly, pagkabukas na pagkabukas pa lang nito ng pintuan.
Ngunit tila wala siyang narinig at dire-diretso lamang na pumasok sa kanilang bahay. Nilampasan niya lamang ang kaniyang ina.
“Kinakausap kita, Beverly! Saan ka nanggaling at ganitong oras ka nang umuwi? Parang walang nag-aalala sa ’yo rito sa bahay, a!” panenermon pa nito sa ngayon ay mas mataas nang tinig.
Biglang tumawa nang mapang-insulto si Beverly. “Nag-aalala? Bakit, ’Ma? Marunong ka bang mag-alala?” aniya pa, pagkatapos ay tumawa siya nang mapait.
Tila nagulat ang kaniyang ina sa naging sagot ni Beverly. “H-huwag mo akong kakausapin nang ganiyan, Beverly!” nanginginig pa ang tinig na banta nito.
“Bakit, ’Ma? Ano’ng gagawin mo? Palalayasin mo rin ba ako ’tulad ng ginawa mo kay papa dahil lang hindi namin nasunod ang gusto mo?” muli ay pabalang pang sagot ni Beverly sa ina na nagpangilid naman ng luha nito.
Magdadalawang buwan nang kinikimkim ni Beverly ang galit na nararamdaman niya para sa ina simula nang iwan sila ng kaniyang ama. Hindi niya alam ang totoong dahilan ngunit naniniwala siyang nagawa iyon ng kaniyang ama dahil nagsawa na ito sa halos araw-araw na pagbubunganga ng kaniyang ina. Madalas niya rin kasing marinig na pinalalayas nito ang kaniyang ama. Bukod pa roon, buhat nang umalis ang kanilang padre de pamilya’y ni hindi niya kailan man nakitang nalungkot o nagsisi man lang ang kaniyang mama! Doon ay lalong tumibay ang kaniyang hinalang ito ang dahilan kung bakit ngayon ay watak-watak na sila.
Hindi na hinintay pa ni Beverly na makasagot sa sinabi niya ang kaniyang ina. Tinalikuran niya ito at dire-diretso niyang binuksan ang pintuan upang muling umalis ng kanilang bahay.
“Beverly, saan ka pupunta? Gabi na! Beverly!” dinig niya pang paghabol sa kaniya ng ina ngunit minabuti niyang huwag na lamang itong lingunin pa.
Sumakay siya ng taxi at nagtungo sa bahay ng kaniyang lola kung saan alam niyang naninirahan ang kaniyang papa sa loob ng dalawang buwan, buhat nang umalis ito sa kanila. Ngunit animo siya naestatwa sa kaniyang naabutan…
Kalalabas lang ng kaniyang ama sa bahay, kasama ang isang buntis na babaeng sa tantya niya’y manganganak na anumang oras. Kitang-kita niya kung papaano maglapat ang labi ng mga ito na tila hindi alintanang nasa labas sila ng bahay!
Masaya ang kaniyang ama at ganoon din ang babaeng ito sa pagtataksil na ginawa nila, gayong heto siya’t isinisi sa kaniyang ina ang kasalanan ng mga ito!
Napakatindi ng kasalanang ginawa ng kaniyang ama, ngunit hindi man lamang naisip ng kaniyang ina na siraan ito sa kaniya. Tiniis nito ang lahat ng sakit, huwag lamang maging masama ang imahe ng kaniyang amang noon pa man ay tinitingala na niya!
Dismayadong napailing si Beverly. Nang mga sandaling iyon ay nakaramdam siya ng matinding pagsisisi sa ginawa niya sa kaniyang ina. Maling-maling basta na lamang siyang nag-isip ng konklusyon nang hindi inaalam ang tunay na dahilan sa likod ng paghihiwalay ng kaniyang mga magulang.
Nagmadaling bumalik sa kanilang bahay si Beverly matapos niyang masaksihan ang katotohanan. Naabutan niyang namomroblema ang kaniyang ina kung saan siya hahanapin.
Nang makita siya nito ay ganoon na lang ang paggaan ng loob nito. Halos hindi ito magkandatuto sa pagsasalita…
“Anak, sorry! Sorry kung iniwan tayo ng papa mo. Sorry kung masiyado akong mahigpit sa ’yo. Huwag ka na ulit aalis nang gano’n, ha? Hindi ko kakayanin kapag ikaw ang nawala sa akin, anak ko!”
Biglang nangilid ang luha ni Beverly sa sinabi ng kaniyang ina. Dahil doon ay hindi na niya napigilan pang yakapin ito nang mahigpit!
“Mama, wala ka naman pong kasalanan, e. Ako lang ang nag-isip no’n dahil hindi ko alam ang totoo. Mama, sorry po sa mga nasabi ko. Sorry po sa lahat ng kalokohang ginawa ko para lang ipakita ang pagrerebelde ko. Sorry, mama. Mahal na mahal kita. Sana, mapatawad mo pa ako. Hindi ko na po uulitin ’yon!” humahagulhol pang aniya habang patuloy sa pagpatak ang kaniyang mga luha.
Samantala, pinahid naman ng kaniyang ina ang luha sa kaniyang mukha. “Mahal kita, anak. Hindi ako galit sa ’yo. Naiintindihan kita,” pagkatapos ay sabi pa nito sa kaniya.
Simula nang araw na iyon ay muling naging maayos ang samahan nilang mag-ina, kahit pa wala na ang kaniyang amang hindi na rin naman nag-abala pang kumustahin sila. Itinuon na lamang ni Beverly ang lahat ng kaniyang pagmamahal sa kaniyang mama, na siyang mas karapat-dapat para doon.