Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan ng Dalaga ang Lalaking Mukhang Mahirap sa Isang Mamahaling Kapehan, Isa Pala Itong Milyonaryo

Hinusgahan ng Dalaga ang Lalaking Mukhang Mahirap sa Isang Mamahaling Kapehan, Isa Pala Itong Milyonaryo

“Tingnan mo ‘yong lalaki sa kabilang lamesa, halatang wala nang pera, nagpupunta pa sa ganitong klaseng kapehan!” pansin ni Candy sa lalaking mag-isa at tahimik na gumagamit ng laptop sa isang sulok ng kapehang pinamamalagian nila.

“Hoy, tumigil ka nga sa panghuhusga mo! Pare-parehas lang tayong social climber dito! Tayo nga, sakto lang ang pera natin para sa kapeng ito tapos maglalakad lang tayo pauwi!” saway ng kaniyang kaibigan habang patawa-tawang kinukuhanan ng litrato ang binili nilang kape.

“Diyos ko! Kahit naman gano’n, presentable tayong tingnan! Kita mo na ‘yang lalaking ‘yan, basag-basag na nga ang selpon at nakapangbahay, mukhang lumang modelo pa ang binabalandrang laptop sa mamahaling kapehang ito!” pangmamata niya pa rito habang nakataas ang kilay na titig na titig sa lalaking iyon.

“Sa bagay, nakakahiya nga ang itsura niya. Hindi bagay sa mga taong narito na puro sosyal. Tingnan mo kaya kung ano’ng ginagawa niya sa laptop niya?” payo nito na agad niyang sinang-ayunan.

“Oo nga, ano? Teka, pustahan tayo, nakiki-internet lang ‘yan dito!” patawa-tawa niyang sagot saka agad na naglakad patungo sa kinauupuan ng lalaking iyon.

Gustong-gusto ng dalagang si Herlene ang magbuhay mayaman katulad ng mga nakikita niya sa social media. Kada may sobra siyang pera sa baong ibinibigay ng kaniyang ina, imbis na ipunin niya iyon pandagdag sa kaniyang mga pansariling gastusin bilang isang estudyante, agad siyang magpupunta sa mall, kapehan, o kung hindi naman sa isang mamahaling restawran para lamang may maibida siyang litrato sa social media at sabihing siya rin ay may maalwang buhay.

Hilig niya rin ang manghusga sa tuwing may makikita siyang taong mukhang mahirap na panay ang pakikisiksik sa mga mamahaling kainang pinupuntahan nila ng kaniyang kaibigan. Palagi niyang pinaparinig sa mga ito, “Umarte kayo ayon sa taba ng bulsa niyo!” kahit na pati siya, hindi umaarte batay sa nipis ng bulsang mayroon siya.

Nang araw na ‘yon, matapos niyang sang-ayunan ang hamon ng kaibigan, agad nga siyang nagtungo sa pwesto ng lalaking mukhang mahirap. Pilit niyang inusisa kung ano’ng ginagawa nito sa laptop na nasa harapan nito. “Gusto mo bang makita? Halika,” yaya ng naturang lalaki nang mapansin siya’y pabalik-balik.

“Ano bang ginagawa mo rito, kuya? Mukhang wala ka namang pera, bakit pinagsisiksikan mo ang sarili mo sa mamahaling lugar na ito?” tanong niya rito na labis na ikinatawa ng lalaki.

“Dahil ba itsura ko?” tanong nito kaya siya’y agad na napatango-tango, “May-ari ako ng isang malaking kumpanya ng hotel sa Taguig. May meeting kasi kami, eh, at nawalan ng internet sa bahay ko kaya nagpunta ako rito nang nagmamadali at hindi nakapag-ayos,” kwento nito na ikinagulat niya.

“Ah, eh, ibig sabihin ba, mayaman ka talaga?” paninigurado niya pa.

“Oo, at alam mo ba kung ano’ng sikreto ng mga mayayamang katulad ko para maging ganito kaalwan ang buhay namin?” nakangiting tanong nito dahilan para siya’y mapailing, “Matipid kami, pera ang pinapalago namin. Hindi ang mga likes at comment sa social media, at hindi ang mga materyal na bagay. Sana may natutunan ka, gusto kitang makitang mayaman sa hinaharap, ha?” dagdag pa nito dahilan para siya’y labis na mapahiya at siya’y dali-daling bumalik sa kaniyang kaibigan na agad niyang hinila palabas.

Habang sila’y naglalakad pauwi, kinuwento niya ang nangyari rito at napailing-iling na lang ito sa kakatawa.

“Sabi ko naman sa’yo, eh, huwag kang maging mapanghusga! Dahil ang totoong mayayaman, hindi nagmamalaki, kuntento sila sa buhay na mayroon sila at abala silang magpalago ng pera, hindi ang mangialam sa buhay ng iba!” sabi pa nito na labis niyang ikinabuntong-hininga.

Simula noon, nilapat niya sa buhay niya ang aral na sinabi ng naturang lalaki. Kung dati ay panay ang gastos niya, ngayon, natuto na siyang balansehin ang paglabas niya ng pera. Hindi na rin siya nag-aaksaya ng pera para lamang may mailagay sa social media at nagsimulang mag-ipon para sa kaniyang kinabukasan.

“Pangako, magiging mayaman din ako!” sabi niya sa sarili, isang araw nang mapagdesisyunan niyang magbukas ng account sa isang bangko gamit ang naipon niyang pera.

Malayo pa man ang tatahakin niyang landas bago maabot ang pangarap na maging mayaman, maiging nakakuha siya ng aral mula sa isang tunay na mayaman na talagang magagamit niya hanggang sa pagtanda niya.

Advertisement