Inday Trending

Inday Trending

Isa sa Natabunan ng Gumuhong Paaralan ang Anak ng Lalaki Noon; Isang Nakakaiyak na Tagpo Pala ang Magaganap sa Paghahanap sa Katawan ng Pinakamamahal na Anak

Isa sa Natabunan ng Gumuhong Paaralan ang Anak ng Lalaki Noon; Isang Nakakaiyak na Tagpo Pala ang Magaganap sa Paghahanap sa Katawan ng Pinakamamahal na Anak
InspiringLoveStories

Hulyo ng Taong 1990 noong yanigin ng isang malakas na lindol ang malaking bahagi ng Luzon. Dahil sa napakalakas ng pag-uga ng kalupaan ay gumuho ang libo-libong kabahayan at mga matataas na gusali. Tinatayang nasa isang libo’t anim na daan at dalawampu’t isang katao ang nasawi sa nangyaring trahedya.

Kabilang sa mga niyanig at tinibag ng malakas na lindol ang isang paaralan. Kasalukuyang mag-uuwian na sana ang mga estudyante nang biglang umuga ng napakalakas ang lupa, alas kuwatro imedya ng hapon noon.

Matapos ang nakakatakot na pagyanig ay tiniyak ni Manolito ligtas ang kanyang asawa at sanggol na anak. Agad naman siyang nagtungo sa paaralan kung saan nag-aaral ang panganay nila na si Jacob, walong taon at grade 3 pa lamang noon.

“Jacob! Jacob! Anak, nasaan ka?!” sigaw ni Manolito.

Halos mapatid na ang litid ng lalaki sa kasisigaw sa pangalan ng kanyang anak. Halos madurog ang kanyang puso dahil sa kinahinatnan ng gusali ng paaralan. May ilang labi ng katawan ng mga estudyante ang sinimulan nang ilabas mula sa gumuhong eskwelahan.

Napatakbo siya ng mabilis sa gusali ng paaralan na pinapasukan noon ng kanyang anak. Muli, sumigaw siya ng napakalakas na mayroong panginginig at lungkot sa boses.

“Jacob, anak ko! Nandito lang si papa. Huwag kang matakot, ililigtas kita. Pangako iyan!” sigaw muli ni Manolito.

Hindi naman na nag aksaya pa ng oras ang desperado ay nag-aalalang ama. Umaasa siyang buhay pa ang kanyang pinakamamahal na anak. Kaya buong lakas niyang binuhat ang mga mabibigat na bato mula sa gumuhong gusali.

Nagkasugat-sugat na ang kamay niya dahil sa mga batong binubuhat at ilang matatalas na gamit na nagkalat doon. Ang ibang mga magulang ay sumuko na at tinanggap na lamang na wala na ang kanilang mga anak, pero hindi si Manolito. Buo pa rin ang loob ng lalaki na buhay pa ang kanyang anak.

“Intayin mo lang ako, anak. Mahahanap ka rin ni papa at iuuwi kita ng buhay. Diyos ko, tulungan po ninyo ako,” mahinang pagkakasabi ng lalaki.

“Kuya, halika na dito at umalis na riyan! Sa tindi ng pinsalang tinamo ng eskwelahan na ito, siguradong wala nang mabubuhay pa riyan. Mabuti pang tanggapin na natin na wala na ang ating mga anak,” sigaw ng isang lalaki sa ‘di kalayuan.

“Susuko na lang ba kayo ng ganon-ganon na lamang? Paano kung buhay ang mga anak natin? Hahayaan na lang ba natin na maghirap sila ng ganoon?” determinadong sagot naman ni Manolito.

Sa kabila ng mga naririnig ay hindi pa rin tumigil ang lalaki sa pagbungkal. Nais pa rin niyang makita ang anak, buhay man ito o hindi. Pero umaasa siyang masisilayan pa rin ang mga ngiti ng kanyang mahal na panganay.

Maya-maya pa ay isa sa mga rescue team ang lumapit sa kanya, “sir, kailangan na po nating linsanin ang lugar na ito. Baka magkaroon pa ng ilang pag guho mula sa mga gusaling hindi natumba. Magsiuwi na po muna tayo at ipagpatuloy na lang bukas ang paghahanap sa mga katawan!” sabi ng lalaki.

“Anak ko ang pinag-uusapan dito. Wala akong pakialam kahit na ano pa ang mangyari sa’kin, basta hindi ako titigil hangga’t hindi ko nakikita ang anak ko!” ipinagwalang bahala lamang ni Manolito ang babala at nagpatuloy lamang sa pagbunkal ng mga bato.

Maya-maya ay isang pulis na ang lumapit sa kanya, “alam ninyo sir, dapat ay hindi niyo na ipilit iyang gusto ninyo. Inilalagay mo lang sa panganib ang buhay mo pati na ang buhay ng ibang tao rito eh. Kung ako sayo, uuwi na lang ako dahil mas ligtas doon,” wika naman ng mamang pulis.

“Hindi ninyo ba ako naiintindihan? Hindi ako aalis dito! Hindi ako titigil hangga’t hindi ko natatagpuan ang anak ko. Kung kayo sumuko na, pwes ako hindi. Kung ayaw ninyo akong tulungan, eh di magsiuwi kayo! Hahanapin ko ang anak ko kahit na anong mangyari!” galit na tugon ni Manolito.

Ipinagpatuloy ng lalaki ang pagsaklolo sa mga biktima at walang humpay sa pagbubungkal ng mga bato. Karamihan sa mga tao doon ay tumigil na at iniwanan siyang naghuhukay. Tila ba ay sumuko na rin at tinanggap na nga lang ang mapait na kinahinatnan ng mga estudyante.

Hindi na alintana kay Manolito ang pagod. Kahit na nagkasugat-sugat at nagkapaltos-paltos na ang kanyang mga kamay ay walang tigil pa rin siya sa paghahakot ng mga malalaking tipak ng bato.

“Saglit na lamang ang mahahanap na kita anak ko,” bulong niya sa sarili.

Bumilang ng mahabang oras ang paghahakot ng ginawa ng lalaki. At sa ikatartlumpu’t pitong oras ng kanyang hindi pagsuko ay isang pamilyar na tinig ang kanyang narinig na pumawi sa kanyang pagod na katawan.

Mula sa isang malaking butas ay natanaw niya ang madungis, ngunit nakangiting mukha ng kanyang anak.

“Papa! Ang papa ko!” sigaw ng bata, “ligtas ako at iba kong mga kaklase, papa!”

Nagsimula nang umagos ang mga luha sa mata ng magiting na ama. Hindi siya nagkamali sa ginawang katapangan. Tama ang naging desisyon niya na huwag sumuko. Lahat ng lakas na nawala sa kanya ay unti-unting nagbalik nang mayakap na ng mahigpit si Jacob.

Kwento ng bata na nakapagtago sila sa isang matibay na bato, dahilan para makaligtas siya at ilang pang mga kaklase, subalit labis na takot ang nadama nila nang malaman na nakulong siya sa loob ng tipak-tipak na mga gumuhong bato.

“Papa, salamat at hindi mo ako iniwan. Salamat po kasi hindi ka sumuko sa paghahanap sa akin. Pero alam ko naman po na gagawin ninyo ang lahat para mahanap ako, gaya ng ipinangako ninyo sa akin noon.

Alam kong hindi ninyo ako iiwan at pababayaan kahit kailan,” naluluhang pasasalamat ni Jacob sa kanyang ama.

“Hindi kayang tibagin ng lindol o kahit anong sakuna ang pagmamahal ko sa iyo anak. Kahit ano pa ang mangyari ay hahanapin at hahanapin kita at hindi ako titigil hangga’t hindi kita nakikita,” umiiyak na tugon naman ng ama.

Sa kabila ng trahedyang nangyari noon, ang kwentong ito ay patuloy na nagbibigay liwanag at pag-asa pa rin sa karamihan. Gaya ni Jacob, napakasarap na magkaroon ng magulang na hindi tayo kailanman iiwanan at pababayaan.

Gaya na lamang ng pagmamahal ng ating Amang nasa langit na marunong tumupad sa Kanyang mga pangako. Hindi niya tayo kailanman iiwan o pababayaan. Ang pagmamahal Niya sa atin ay sapat at hindi kailanman mayayanig at matitibag.

More Stories