Inday Trending

Inday Trending

Halos Lahat ng Ganap sa Buhay ng Dalaga ay Palagi Niyang Pinopost sa Social Media; Hindi Niya Alam na Ito Pala ang Magdadala sa Kanya sa Kapahamakan

Halos Lahat ng Ganap sa Buhay ng Dalaga ay Palagi Niyang Pinopost sa Social Media; Hindi Niya Alam na Ito Pala ang Magdadala sa Kanya sa Kapahamakan
KarmaMysteryStories

Selfie dito, selfie doon. Ganyan ang palagiang ginagawa ni Jerra. Halos mapuno na ng litrato ang cellphone ng dalaga. May kakaibang ganda rin naman kasi siyang taglay, kaya umaani siya ng madaming papuri sa kanyang Facebook, Twitter at Instagram.

Kung tutuusin, wala naman masama sa paglalagay ng litrato sa ating mga social media account, halos lahat mapa-matanda o kabataan ay tuwang-tuwa sa pagpapaskil ng kanilang mga litrato, pero ito pala ang magiging mitsa ng buhay ni Jerra.

Isang araw ay naisipan niyang pumunta sa isang coffee shop upang doon ay bumili ng maiinom. Tulad ng gati, nakapaskil kaagad ang mamahaling kape na kanyang nabili, kalakip sa litrato ang lokasyon at pangalan ng coffee shop kung saan niya ito nabili.

Matapos noon ay nagtungo naman siya sa isang salon upang magpakulay ng kanyang bagsak na buhok. Habang pinapahiran ng gamot ang buhok ay walang tigil naman ang pagkuha ng litrato ng dalaga. Ilang saglit pa ay nakapaskil na agad ito sa kanyang social media account.

Kinagabihan habang kumakain sa isang restorant ay muli niya kinunan ng litrato ang masasarap na pagkain. Masaya siyang ginagawa ito dahil marami ang tumatangkilik sa mga litratong kanyang ipinapaskil.

Subalit labis ang gulat niya ng isang hindi kilalang Facebook account ang nagpadala sa kanya ng mensahe. Sanay naman na siya sa ganito, dahil kabi-kabila rin ang mga taong gumagawa nito sa kanya, pero sa pagkakataong ito ay hindi niya alam kung anong pwersa ang nagtulak sa kanya upang buksan ito.

“Alam ko kung nasaan ka!” saad sa mensahe.

Maya-maya pa ay biglang nagpadala ito ng litrato kung saan makikita si Jerra na kumakain. Nagulat si Jerra at saka lumingon sa kanyang likuran, pero walang tao doon at bakante ang upuan.

Hindi na lamang niya ito pinansin at agad namang bumalik na lamang sa pagkain. Ilang minuto pa ang lumipas muli na naman siyang nakatanggap ng mensahe, litrato naman niya pero sa kaliwang bahagi naman niya ang anggulo. Nilingon niya agad ito, ngunit isang pamilyang abala sa pagkain naman nakita niya.

Nakaramdam siya ng kaunting pagkabahala kaya pinaspasan niya ang pagkain at saka nagmadaling umalis. Habang naglalakad sa may madilim na parte ng kanilang lugar ay kalmado namang nagtungo si Jerra. Humihimig-himig pa siya habang tinatahak ang daan patungo sa apartment na kanyang inuupahan.

Muli naman tumunog ang kanyang cellphone. Napalunok siya at nag-aalangan na buksan ito.

“Baka stalker lang naman ito. Normal lang sa magagandang tulad ko na magkaroon ng ganito kakulit na mga stalker,” pagkumbinsi niya sa sarili.

Binuksan niya ang Facebook message at saka tinignan ang nakasaad, “mas lalo ka palang gumaganda kapag humuhuni ka. Lalo kang nag niningning sa gabi kapag naririnig ko ang mala-anghel mong tinig,” kasunod ng litrato ng kanyang likod habang naglalakad.

Sunod-sunod ang pagpapadala ng litrato. Bawat litrato ay tila ba palapit ng palapit sa kanya kung sinuman ang tao sa likod ng hindi kilalang Facebook account. Kaya ng makarinig ng kaluskos ay agad tumakbo ng mabilis si Jerra at nagsisigaw.

Hingal na hingal siyang nakarating sa apartment. Ikinandado na niya ang mga pinto at saka lumagok ng malamig na tubig. Kating-kati naman ang kanyang kamay na ipaskil sa social media ang nakakatakot na karanasan.

Maya-maya pa ay nagbigay na ng komento ang kanyang mga kaibigan, mga kapamilya at ilang taong malapit sa kanya. Pero pumukaw sa kanyang atensyon ang komento ng isang lalaki na hindi niya kilala ngunit nasa listahan ng kanyang mga kaibigan sa Facebook .

“Nako! Delikado talaga ang panahon ngayon. Mag-ingat ka miss!” sabi ng isang gwapong lalaking nagngangalang Carlos.

Hindi siya pamilyar kay Carlos at hindi rin niya matandaan kung kailan niya ito naging kaibigan sa Facebook. Sumagot lamang siya sa komento ng lalaki at saka tiningnan ang Facebook account nito.

“Thank you po, kuya! Mag-iingat po. Promise!” sagot niya.

Naging interesado bigla si Jerra sa gwapong lalaki. Sakto naman na nagpadala ang lalaki sa kanya ng personal na mensahe, dahilan para magka-usap sila ng matagal nang gabing iyon.

Nang ipaskil niya iyon sa kanyang Facebook ay bigla namang nakansela ang account ng hindi kilalang tao na nagpapadala ng kanyang mga litrato. Ilang araw ding nanahimik ang kanyang buhay, subalit patuloy pa rin siya sa pagpaskil ng mga larawan.

Isang gabi habang naglalakad muli pauwi ay naramdaman niya na parang may nakasunod sa kanya. Mula sa gilid ng kanyang mga mata ay tinanaw niya kung may tao sa likuran, ngunit isang malaking anino ang kanyang nakita, kaya’t kumaripas muli siya ng takbo.

Nang makarating sa kanyang apartment ay napansin niyang tila ba bukas ang mga bintana na iniwan niyang sarado at hindi nakakandado ang pintuan niya mula sa likuran. Kanyang sinuri ng dahan-dahan ang paligid, ngunit naisip niya na baka hindi lamang niya napansin ito dahil sa sobrang pagmamadali niya noong umaga.

Minabuti niya na sabihin agad ito kay Carlos upang kumuha ng simpatya at magkaroon ng dahilan para kausapin ang gwapong binata.

“Pakiramdam ko talaga kanina may nakasunod na naman sa akin. Grabe yung kaba ko. Halos mapigtal ang suot kong sapatos dahil sa bilis ng pagtakbo ko. Tapos hindi ko sigurado tuloy kanina kung naiwanan kong bukas ang bintana at pintuan ko. My God! Stressful talaga!” saad ni Jerra sa mensahe.

“Nako naman kasi! Mag-ingat ka sa susunod Jerra ha? Next time ireport mo agad sa mga pulis at siguraduhin mo na ligtas ang bahay mo mula sa masasamang loob. Siguraduhin mo na walang pwedeng pasukan yung mga yun,” paalala naman ni Carlos.

“Sa isang araw, mag rereport na ako sa pulis. Naalala ko tuloy na kailangan kong ipaayos yung doorknob ko sa likod na pinto. Mabilis kasi mabaklas yun, salamat at ipinaalala mo ha?” tugon naman ng dalaga.

Naging maayos naman ang usapan ng dalawa noong gabing iyon hanggang sa nagpaalam na sila sa isa’t isa para matulog. Kinikilig na natulog ang dalaga at nagpadala pa ng litrato ng kanyang suot na damit na pantulog.

Tahimik na gabi kinabukasan noon. Nanonood ng telebisyon si Jerra. Nakasara na ang mga ilaw at tanging ilaw na nagmumula lamang sa telebisyon ang nakikita. Nakarinig siya ng kaluskos kasunod ang isang malakas na tunog mula sa likurang pintuan niya.

Binuksan niya ang flashlight ng phone at saka ito itinapat doon. Napasigaw siya ng makita niya ang isang malaking imahe ng lalaki. Mabilis siya tumakbo sa kanyang kwarto at saka ito ikinandado.

Nanginginig ang kamay niya habang pinipindot ang numero ni Carlos subalit wala naman siyang load. Dali-dali na lang niyang binuksan ang kanyang Facebook at agad na nagpadala ng mensahe sa binata.

“Tumawag ka ng pulis! May nanloob dito sa apartment ko. Ngayon na! Natatakot na ako!” takot na takot na pakiusap ng dalaga.

“What? Sige sige. Tatawag agad ako ha? Nasaan ka ngayon?” tanong naman ng lalaki.

“Nandito ako sa kwarto ko. Nagtatago ako sa ilalim ng kama. Tumawag ka na please!” tugon naman ni Jerra.

Nanginginig na ang buo niyang katawan at nanlalamig na din ang kanyang mga kamay. Piit na piit din ang kanyang pagluha upang hindi makagawa ng kahit anong ingay. Halos mapatili na siya ng marinig ang isang malakas na ingay na nanggaling sa kanyang pintuan.

Nakabukas na ito at mukhang nasira na ang doorknob. Isang malakas na ilaw naman ang biglang kumislap kasunod ng pag vibrate ng kanyang cellphone. Nanlaki ang mata niya nang makitang muling nagpadala ng mensahe sa kanya ang hindi kilalang Facebook account noon.

Sa pagkakataong ito, litrato ng buong kwarto niya ang nakikita niya. Sunod-sunod ang pagpapadala ng litrato na papalapit naman ng papalapit sa kama kung saan siya nagtatago. Nagkaroon ng sandaling katahimikan at halos isang minuto din na nanahimik ang kanyang cellphone.

“Hi!” isang mensahe naman mula sa ‘di kilalang Facebook account kasunod ang imahe ni Carlos na may nakakatakot na ngiti.

Napasigaw siya ng malakas nang bigla na lamang may humila ng kanya paa papalabas sa kama. Napakalakas na pwersa nito kaya’t nakabitaw agad siya sa isang paa ng kama na kanyang pinagkakapitan. Naghalong gulat at takot ang kanyang naramdaman sa nakikita.

Si Carlos na nakahubad habang hawak ang cellphone sa isang kamay at isang malaking itak naman ang hawak sa kabila. Itinutok ang patalim sa kanya habang hinahaplos-haplos ang kanyang makikinis na hita.

“Subukan mong gumalaw at may kalalagyan ka!” pananakot ng lalaki sa kanya.

Sinumulan na nitong hawakan ang maseselang bahagi ng kanyang katawan habang tahimik na pumapatak ang kanyang mga luha.

“Thank you sa pagiging cooperative mo ha? Nalaman ko tuloy ang madaling daan upang mapasok ang bahay mo,” bulong ng lalaki kasunod ang nakakatakot na tawa.

Hindi na alam ni Jerra ang gagawin. Kaya’t inipon na lamang niya ang lahat ng lakas at saka sinipa ang ari ni Carlos. Napaupo ang lalaki sa sakit na nadarama mula sa pagkakasipa. Pagkakataon naman na ito ni Jerra upang makatakas.

Mula sa malaking binata ay tumalon si Jerra. Halos magkasugat-sugat siya dahil nagpagulong-gulong siya. Pinilit agad niyang bumangon dahil nakita niyang nasa labas na din ang lalaki.

Nagsisigaw siya upang magising ang mga kapitbahay. Kahit na nagdurugo ang mga sugat ay pinilit niyang makatakbo papalayo. Mabilis naman din ang pagtakbo ni Carlos habang galit na galit na hawak ang patalim.

Nang aabutan na siya ng lalaki ay masuwerte naman rumoronda ang mga tanod. Kaya nang makita niya ito ay sumigaw siya ng malakas at humingi ng tulong.

“Saklolo! Saklolo!” malakas na sigaw ng dalaga.

Agad namang rumesponde ang mga tanod at nahuli naman ang tatakas pa sana na si Carlos. Sa presinto ay napag-alaman na madami na palang kaso ng panggagahasa at karumal-dumal na pagpaslang ang lalaki sa mga babaeng nabiktima nito.

Mabuti na lamang at swerte si Jerra na nakahingi ng tulog nang gabing iyon. Nahatulan ng habang buhay na pagkabilanggo ang lalaki. Habang si Jerra naman ay nagkaroon ng matinding troma mula sa pangyayari.

Iniwasan na niya ang paggamit ng social media dahil sa takot na baka maulit ang dating pangyayari. Mahalaga ang social media sa modernisadong panahon na ito, pero magkaroon sana ng limitasyon ang pag gamit natin nito.

Maraming naitutulong, ngunit mayroon ding kalakip na panganib ang sobrang paggamit ng social media. Kaya ugaliin natin na mag-isip bago pumindot at magpaskil ng kung ano-ano, dahil baka ang akala nating hindi nakasasama ay siya pa palang magiging mitsa ng ating buhay.

More Stories