Ang Ama ang Nagbayad Para sa Kasalanan ng Anak; Sa Araw ng Kaniyang Paglaya Isang Sorpresa ang Naghihintay sa Kaniya

“Anak nasaan ka na ba? Nag-aalala na ang mama mo sa’yo—“ biglang inilayo ni Julio ang cellphone sa tainga dahil sa malakas na ingay sa kabilang linya.

“’Wag niyo na ko hintayin pa! Panira kayo ng gabi eh. Sige na!” biglang pinutol na ng anak na si Carlos ang tawag.

Lungkot na lungkot naman ang inang si Malou sa inaasal na anak. Simula nang magkolehiyo ito ay naging malayo na ang loob sa kanilang mag-asawa. Nag-aalala lang siya dahil nitong mga nakaraan ay inuumaga na ito ng uwi galing sa eskwela, at ngayon ay halos dalawang araw nang hindi nagpapakita sa bahay.

Malalim na ang gabi ay napansin ni Julio na hindi pa rin mapakali ang asawa, kaya’t nagpasya siyang hanapin ang anak. Tinawagan niya ang ilang kaibigan nito at napag-alamang may isang bar itong madalas puntahan.

Muntik nang hindi papasukin si Julio sa bar, ngunit nadaan niya naman sa usapan iyon.

Pagpasok niya ay agad niyang nalanghap ang halo-halong usok at pabango, agad din siyang nahilo sa paiba-ibang kulay ng pat*y-sinding ilaw. Inikot niya ang paningin at agad namang namataan si Carlos na nakaupo at may kausap na lalaki sa ‘di kalauyuan.

Papalapit na siya nang biglang nagkagulo ang mga tao. Isang rambol ang nagsimula at mas lalong nagmadali sa paglapit si Julio nang makitang sangkot sa away ang kaniyang anak. Kitang-kita niya kung paanong dumukot ng patalim ang kasuntukan nito at itinutok iyon sa anak. Sa gitna ng karambola ay buong-lakas na itinulak ni Julio ang sarili upang maabot ang mga ito. Ngunit huli na ang lahat dahil paglapit niya ay nakahandusay na si Carlos, at sa ilalim nito ay ang kaaway nitong lalaki. Masaganang dugo ang nagkalat sa sahig ng bar. May nasaksak sa dalawa!

Nagmamadaling itinayo ni Julio ang anak, nang makitang wala itong sugat ay saka siya nakahinga nang maluwang. Doon niya lang napansin ang maraming taong ngayon ay nakapalibot sa kanila, ang iba ay kumukuha ng litrato.

Advertisement

Agad na nilapitan ni Julio ang sugatang lalaki at humingi ng tulong na tumawag ng ambulansya. Si Carlos ay tulala lamang na nakatayo sa may gilid. Naisugod sa ospital ang biktima na si Dan, kaklase at kaibigan ni Carlos, ngunit natamaan ng patalim ang puso at baga nito kaya’t agad binawian ng buhay.

Pumutok ang balita dahil sa dami ng taong nakasaksi.

“Ako ang may kasalanan! Walang kasalanan si Carlos. Nakita kong nagkakagulo na at sasaktan niya ang anak ko kaya’t nagtangka akong itulak siya, ngunit hindi sinasadyang siya ang natamaan ng patalim na hawak niya…” Iyan ang statement ni Julio sa korte na pilit pinagtakpan ang anak. Anak din pala ng mayamang politiko si Dan, naging tampulan ng media ang kaso. Hindi pinakinggan ng korte na baka self-defense din iyon at ang pagtestigo ng mga nakakita na si Dan ang unang naglabas at nagtangkang gumamit ng patalim. Nahatulan si Julio nang pagkakakulong ng 20 taon.

 “Anak… gusto kong mabuhay ka. Gawin mo ang lahat upang ituloy ang mga pangarap mo kahit wala ako, alagaan mo ang mama mo…” iyon ang mga huling salita ng ama bago ipasok sa selda.

Wala nang nagawa pa si Carlos kung hindi magsisi dahil sa nangyari. Kasalanan niya kung bakit nangyari iyon sa ama na walang ginawa kung hindi mag-alala para sa kaniya.

Napakahabang panahon ang 20 taon, ngunit ang galit na pumuno sa puso ni Carlos ay nagsilbing motibasyon niya para kumuha ng kursong law. Nais niyang paghigantihan ang nangyari sa ama, nais niyang makamit ang hustisya. At ngayon nga, isa na siyang ganap na abogado. Nagkaroon na rin siya ng sariling bahay. Ngunit sinadya niyang itago ang lahat ng iyon sa ama.

Ngayon ang araw ng paglaya nito. Nais niyang gawing sorpresa ang pagbabago ng kaniyang buhay dahil sa sakripisyo nito.

Mag-isang sinundo ni Malou si Julio sa kulungan. Hindi naitago ni Julio ang pagkadismaya nang makitang hindi man lang nag-abala ang anak na bisitahin siya. Sa loob ng isang taon ay minsan lang bumisita sa kaniya ang anak at mukha pang masama pa rin ang loob sa kaniya. Wala rin siyang naririnig na balita tungkol dito nitong mga nakaraang buwan. Nalulungkot siyang isipin na baka tuluyang napariwara ang buhay ng anak, lalo na dahil sa nangyari.

Advertisement

Nagulat si Mang Julio nang tila hindi makilala ang daang binabagtas nila.

“Saan tayo pupunta? Parang hindi naman dito ang daan papunta sa atin ha? Lumipat ba tayo ng bahay?” nagtatakang tanong ni Julio.

“Naiba lang ang daan,” sabi naman ni Malou. Pero ang totoo ay papunta sila sa bagong tayong bahay ng anak na si Carlos. Nais nilang surpresahin si Julio sa paglaya nito.

Nang makababa ng sasakyan ang matanda, gulat na gulat siya nang makita ang magarang bahay. At sa tapat noon ay ang kaniyang anak na nakangiti sa kaniya. Sinalubong siya nito ng isang mahigpit na yakap.

“Papa, I’m sorry kung hindi ako nakakabisita nitong mga nakaraan. Alam ko pong lagi kayong nag-aalala sa akin. Pero bilang kabayaran sa sakripisyo mo ay nagsikap ako, isa na po akong abogado ngayon,” masayang balita ni Carlos sa naluluha na ring ama.

“Patawad po na dahil sa akin kailangan niyong makulong, kung hindi ako naging suwail na anak sa inyo noon, hindi sana iyon nangyari… Hayaan niyo po akong bumawi sa inyo mula ngayon papa. Ako naman.”

Tuluyang naluha si Julio hindi dahil sa pagbawi ng anak, kung hindi dahil nakita niyang napabuti ang buhay nito at hindi nagpagapo sa trahedya ng kahapon. Iyon na ang pinakamagandang sorpresa sa buhay niya.

Nagsalo sa mainit na yakap ang pamilyang matagal na nawalay dahil sa kawalan ng hustisya. Ngayon mas natutunan nilang pahalagahan ang sakripisyo ng isa’t isa, at mas lalo pang ipinakita ang pagmamahal sa isa’t isa.