Sinisisi ng Ama ang Anak na Binata sa Pagkawala ng Kaniyang Misis; Ito ang Ginawa ng Binata Upang Mahalin Siya Nito

“Tay, tulungan ko na po kayo,” humahangos si Alvin na tulungan anag kaniyang amang si Mang Ricardo habang papasok ito ng kanilang bahay na lasing na lasing.

Halos magkatumba-tumba na ang ama sa sobrang pagkalango nito.

“Bitawan mo nga ako! Lintek ka! Hindi ba sabi ko sa’yo ayaw kong makita ang pagmumukha mo rito sa bahay tuwing uuwi ako!” saad ng ama sa kaniyang anak na binata. 

“Tay, lasing na lasing kayo. Maupo muna kayo at kukuha ko kayo ng kape at pamunas,” wika ni Alvin na hindi na ininda ang masakit na sinabi ng kaniyang ama. 

“Nagpapaasikaso ba ako sa’yong animal ka? Hindi ka ba makaintindi? Malas ka na nga ang liit pa ng utak mo! Kakasabi ko lang na ayaw kong makita ang pagmumukha mo!” sigaw pa ni Mang RIcardo.

Kahit na patuloy ang pangmamalatrato ni Mang Ricardo sa anak ay patuloy pa rin ang binata sa pag-asikaso ng kaniyang ama.

Lubusan kasi ang galit ni Mang Ricardo kay Alvin sapagkat ito raw ang may kasalanan kung bakit sumakabilang buhay ang kaniyang asawa. 

Bata pa noon si Alvin at wala pang kamuwang-muwang. Kasama ito ng kaniyang ina sa palengke. Dahil sa bata at at likas na mausisa ay hindi na napansin ng kaniyang ina na unti-unti na pala itong nakalayo sa kaniya. Nang hanapin ng ina ay nakita na lamang niya ang batang si Alviin na nasa kalsada na at patawid. Agad itong tinakbo ng ginang ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasagasaan ito ng isang trak na nawalan ng preno. 

Advertisement

Nang malaman ni Mang Ricardo ang nangyari sa asawa ay lubusan niya itong ikinalungkot. Dagdag pa sa sama ng loob ng malaman niyang pilit na isilnalba ng ina ang anak mula sa isang aksidente.

Lumaki tuloy si Alvin na sinisisi ang sarili sa naganap sa kaniyang ina.

“Tay, tama na po ang pag-inom ninyo. Hindi po maganda sa katawan niyo ‘yan!” saad ng binata.

“Wala kang pakialam. Mas mainam na nga na masawi na rin ako nang magkasama na kami ng nanay mo. Kung hindi sana matigas ang ulo mo ay narito pa sana ang pinakamamahal ko!” sambit ng ama. 

“Bakit kasi hindi ka makaintindi? Hindi mo ba kayang manatili sa iisang lugar? Kung hindi ka sana nagpasaway ay narito pa ang nanay mo! Wala kang kwentang anak!” dagdag pa ng ginoo. 

Pinipilit ni Alvin na huwag ng magpaapekto sa sinasabi ng ama dahil tutal ay sanay naman na siya. Ngunit kahit anong pagtatakip niya sa kaniyang damdamin ay hindi niya maitanggi na nasasaktan pa rin siya. 

Pilit na pinupunasan ni Alvin ang mga luhang tumutulo sa kaniyang mga mata.

“Tay, ano po ba ang kailangan kong gawin para hindi na kayo magalit sa akin. Opo, inaamin ko na at inaako ko na ako ang may kasalanan sa pagyao ng ina. Pero kung maibabalik ko lang ang panahon, ‘tay, alam ng Diyos na hinding-hindi ko na iyon gagawin,” pahayag ni Alvin. 

Advertisement

“Ngayon ka magsasalitang ganiyan kung kailan huli na ang lahat. Ano pa ang magagawa ng mag sinasabi mo?! Hindi na maibabalik ang buhay ng nanay mo!” saad ng ama.

“Ang gusto ko lang ay huwag ka nang makita. Dahil sa tuwing nakikita kita ay naaalala ko ang kamalasan ko sa buhay na ito!” dagdag pa ni Mang Ricardo. 

Kahit na ganito ang palaging sinasabi ni Mang Ricardo sa binata sa tuwing malalasing ay palagi pa rin siyang inaasikaso ng anak. Patuloy pa rin sa pagmamalupit sa salita si Mang Ricardo kay Alvin. 

Hanggang isang araw ay bigla na lamang itong inatake sa puso. Agad siyang dinala ni Alvin sa ospital.

“Pangalawang atake na ito ng iyong ama sa puso. Malaki-laking pera ang kailangan mo, iho, para maisalang ang ama mo sa heart transplant. Ito na lamang ang tanging paraan upang mabuhay siya. Sa ngayon ay makina na lamang ang nagdudugtong sa kaniyang buhay. Kailangan nang magawa agad ng operasyon kung nais mong maisalba ang buhay ng iyong ama,” sambit ng doktor.

Hindi alam ni Alvin kung saang kamay ng Diyos kukuhain ang malaking halaga na sinasabi ng mga doktor upang maoperahan ang kaniyang ama. Hindi rin niya alam kung saan kukuha ng puso para ipalit sa puso ng ama.

Ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Alam niya na makakaisip siya ng paraan para maisalba ang buhay ng ama. At sa pagkakataon na iyon alam niyang makakabawi na siya sa lahat ng sama ng loob na kaniyang nadala sa pagkawala ng kaniyang ina.

Makalipas ang tatlong araw ay nagising na lamang si Mang Ricardo sa ospital. Agad siyang kinausap ng mga nars at doktor sa tunay na nangyari sa kaniya.

Advertisement

“Maligaya po kami, Mang Ricardo, na naging matagumpay po ang operasyon. Makalipas po ang tatlong araw na wala kayong malay ay masasabi naming bumubuti na ang inyong kalagayan,” saad ng mga doktor. 

“O-operasyon? Anong nangyari sa akin?” pagtataka ni mang Ricardo. 

“Inatake po kayo sa puso at isinugod po kayo dito sa ospital ng inyong anak. Kailangan po munang magpahinga kayo, Mang Ricardo, para bumalik ang inyong lakas at tuluyan na po kayong makauwi,” dagdag pa ng mga doktor. 

Palinga-linga ang ginoo sapagkat hinahanap niya ang kaniyang anak. Napagtanto niya na kahit pala palagi niyang pinagmamalupitan si Alvin ay hindi siya nito magagawang pabayaan. Dahil dito ay nais niyang magpasalamat sa anak. Nais din sana niyang humingi ng kapatawaran dito. Ngunit hindi niya alam kung paano. Hindi rin niya naman magawang hanapin ang anak sapagkat iniingatan din niya ang imahe sa anak. 

Ngunit ilang araw na ay wala pa ring Alvin na nagpapakita sa ospital.

“Baka ayaw niyang magpakita dahil baka akala niya ay bibigyan niya ako ng sama ng loob,” sambit niya sa sarili nang maalala niya ang mga huli niyang sinabi sa anak. Dahil hindi na siya nakatiis ay nagtanong siya sa isang nars.

“Nars, ‘di ba lalabas na ako bukas? Sa tingin mo ay susunduin ako ng anak ko?” tanong ni Mang Ricardo. 

“Ginoo, hindi po ako ang dapat magsabi nito. Tatawagin ko lamang po ang mga doktor. May kailangan po kayong malaman,” wika ng nars.

Advertisement

Pagdating ng mga doktor ay hindi nila alam kung paano uumpisahan na sabihan sa ginoo ang katotohanan. Kakaopera lang din ng ginoo at hindi pa tuluyang maayos ang kaniyang kalagayan. Ngunit nagpupumilit na ito na malaman ang nangyari sa kaniyang anak. 

“Mang Ricardo, ikinalulungkot po naming sabihin sa inyo na wala na po ang anak ninyo,” wika ng isang doktor.

“Ano ang ibig mong sabihing wala na ang anak ko?” gulantang na tanong ng ginoo.

“Nagpasagasa po si Alvin isang araw bago po ang operasyon ninyo. Nais po niyang ibigay sa inyo ang kaniyang puso para po kayo ay mabuhay. Para makabayad naman po sa lahat ng gastusin ninyo dito sa ospital ay ibinenta niya ang mga parte ng katawan niya na maaari pang magamit ng iba. Lahat po ito ay nakatala sa sulat na ipinadala niya sa aming opisina,” paliwanag ng doktor.

Hindi na nakapagsalita pa si Mang Ricardo. Nais niyang sumigaw ngunit walang tinig na lumalabas sa kaniya. Hindi niya napansin ang mga luhang patuloy na umaagos sa mula sa kaniyang mga mata.

Lubusan ang kaniyang pagsisisi sa kaniyang ginawa sa kaniyang anak. Ni hindi man lamang napakinggan ni Alvin ang ama na humingi ng kapatawaran. Ni hindi man lamang naipadama ni Mang Ricardo sa binata ang pagmamahal ng isang ama na matagal na nitong inaasam-asam.

Hindi niya akalain na lubusan ang pagmamahal sa kaniya ni Alvin na kaya nitong ibuwis ang buhay niya para lamang madugtungan ang buhay ng ama. Ngunit kahit anong pagsisisi ni Mang Ricardo ay huli na ang lahat. Wala na ang kaniyang kaisa-isang anak. 

Hindi na muli makakapiling pa ni Mang Ricardo ang kaniyang anak, ngunit mananatili ang puso nito sa kaniyang katauhan. Ipinangako niya sa sarili na aalagaan niya ito at pipiliting hindi mabuhay sa lungkot sapagkat mag-isa na lamang siya sa buhay.