Dahil Ipinamigay ng Ina ay Lubusan ang Galit ng Binata; Hindi Niya Akalaing sa Isang Asignatura Pala Niya Matatagpuan ang Ina

“Anak, ayos lang sa amin ng papa mo kung nais mong makilala ang tunay mong ina,” wika ni Aling Precy sa kaniyang binatang anak na si Raymond nang makita niya itong nakatingin sa kaisa-isang larawan ng kaniyang tunay na ina.

“Hindi na, ma. Hindi ko na siguro gustong makitang muli ang babaeng iyon. Kung gusto talaga kasi niyang makasama ko siya ay hindi dapat niya ako ipinamigay sa inyo sa umpisa pa lamang,” nayayamot nitong tugon sa kinilalang ina.

“Saka parang hindi rin naman niya ako hinahanap! Kaya pabayaan na lang natin siya sa buhay na gusto niya!” saad pa nito.

Tandang-tanda pa ni Raymond ang araw na nagtungo sila ng kaniyang tunay na ina sa simbahan. 

“Anak, dalhin mo lagi itong larawan ni nanay. Para kahit anong mangyari ay hindi mo ako malimutan,” saad ng tunay na ina ng batang si Raymond.

“Nay, kahit po wala po ang larawan na ito ay hindi ko makakalimutan ang itsura ninyo. Siyempre kayo po ang nanay ko at mahal na mahal ko kayo!” tugon niya.

Pagkatapos noon ay hindi na nakita pa ni Raymond ang kaniyang ina na tila naglaho na lamang sa dami ng mga parokyano sa simbahan.

Walang tigil sa kakaiyak hanggang sa nakita siya ng mag-asawang Tonyo at Precy. Hinanap nila ang ina ni Raymond ngunit nang maggagabi na ay iniuwi muna siya ng mga ito sa kanilang tahanan. 

Advertisement

Ilang buwan din na patuloy sa paghahanap sa kaniyang tunay na ina ang mag-asawa ngunit tila ayaw na talagang magpakita nito. Dahil wala ngang anak ang mag-asawa ay napagdesisyunan nilang ampunin na lamang si Raymond. 

Hindi nagkulang ang mga ito sa pagbibigay ng pangangailangan sa binata. Sa katunayan ay sa magandang eskwelahan pa siya nakapag-aral, at kasalukuyang kumukuha ng medisina. 

Para kay Raymond, wala na siyang mahihiling pa sa mag-asawang kumupkop sa kaniya.

“Ayos lang naman sa amin kasi ng papa mo talaga, anak. Napapansin kasi namin na napapadalas ang pagtingin mo sa larawan ng iyong ina. Kilala mo naman kami ng papa mo, lagi kaming nakasuporta sa iyo,” pagpapatuloy ni Aling Precy.

“Salamat, ma. Patawad po kung pati kayo ay nag-aalala sa akin. Minsan lang po kasi napapaisip ako, kung ano ang gagawin ko sa araw na magkita kami. Lalo na at magdodoktor ako, ma. Hindi malayo na isang araw ay maging pasyente ko siya,” sambit ni Raymond.

“Anak, hindi ko hinihingi sa iyo na patawarin mo kaagad ang iyong ina. Normal na makaramdaman ka ng sama ng loob. Pero tulad ng sinasabi lagi namin sa iyo ng papa mo, kung ano man ang dahilan ng tunay mong ina ay ipinagpapasalamat namin dahil dumating ka sa buhay namin,” pahayag ng ginang.

“Kaya palayain mo na ang lahat ng sama ng kalooban mo, anak. Maayos ang naging buhay mo at hindi magtatagal ay matutupad mo na ang pangarap mo na maging doktor. Palayain mo na ang sarili mo mula sa pait ng kahapon,” dagdag pa ng ina.

Ngunit kahit anong sabihin ni Aling Precy ay hindi ganoon kadali para kay Raymond na patawarin ang tunay niyang ina. Lubusan pa rin ang sama ng loob na kaniyang nararamdaman sa pagkakaiwan sa kaniya nito. 

Advertisement

“Para akong niligaw na pusa,” sambit niya sa sarili.

Dahil dito ay panandaliang nakalimutan ni Raymond ang kaniyang pagre-review para sa isang asignatura.

Kinabukasan ay maaga siyang pumasok kahit na wala pa siyang gaanong tulog.

“Raymond, nakahanap ka na ba kung saan tayo makakakuha ng ban*kay para sa Anatomy?” saad ng isa niyang ka-grupo. 

“Naku, pasensiya na at nakalimutan ko. Hayaan mo maghahanap ako mamaya,” tugon ni Raymond.

“Gusto mo makisabay na lamang tayo sa kabilang grupo. Sampung libong piso yata doon sa kukuhaan nila,” saad ng kaklase.

“Legal ba ‘yan?” pagsisigurado ng binata.

“Sabi ng kabilang grupo mga wala raw kumukuha sa bangk*y doon sa morgue, e,” muling tugon ng kaklase. Napapayag na rin si Raymond dahil alam niya kung gaano kahirap humanap ng bangk*y na kailangan nilang gamitin para sa pag-aaral ng mga parte ng katawan ng tao 

Advertisement

Makalipas ang isang linggo ay naihatid na rin sa kanila ang mga bangk*y. Nagkaroon muna sila ng seremonyas ng pagrespeto sa mga ito bago nila ito pag-aralan.

“Takpan daw muna natin ng puting tela ang mga mukha ng bangk*y sapagkat ito ang unang beses nating gagawin ito. Para hindi raw nakakailang,” saad ng kanilang lider. 

Habang pinag-aaralan nila ang mga parte ng katawan ng kanilang bangk*y ay hindi sinasadya na nahila ng isang mag-aaral ang telang nakatakip sa mukha ng bangk*y nila Raymond. 

Nang ibabalik na sana ito ng binata ay hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Kahit na nag-iba na ng bahagya ang itsura nito, siguradong-sigurado si Raymond na ito ang kaniyang tunay na ina.

Agad niyang inalam kung saang punerarya ito nanggaling upang malaman niya kung ano ang tunay na nangyari sa kaniyang tunay na ina.

“Kilala iyang si Magdalena dito sa lugar namin. Nag-iisa lamang sa buhay ‘yan at pakalat-kalat sa lansangan. Ang alam ko dahil sa gutom kaya nasiraan ng bait. Pero ang sabi ng iba, may anak daw ‘yan na laging hinahanap at iniiyakan sa may simbahan. Siguro ay nawala o kinidnap ang batang iyon, walang nakakaalam,” wika ng tagapangasiwa ng punerarya. 

“Kaya nang bawian siya ng buhay sa lansangan, hindi naman pwedeng pabayaan na lamang. Kaso wala ngang kumukuhang kamag-anak. Baka wala nga talagang kamag-anak o hindi alam kung ano na ang nangyari sa kaniya. Hindi naman p’wedeng mamalagi siya rito,” dagdag pa ng ginoo. 

Hindi alam ni Raymond ang kaniyang mararamdaman. Buong buhay niya akala niya ay walang puso ang ina na basta na lamang siya iniwan. Alam nito siguro na walang magandang bukas na mahihita sa kaniya ang anak kaya nagawa niya itong ipamigay. Mabuti na lamang ay sa may magagandang puso siya napunta.

Advertisement

Agad na ipinalibing ni Raymond at kaniyang pamilya ang bangk*y at binigyan nila ito ng respetadong libing upang sa huling pagkakataon ay maramdaman nito ang pagmamahal ng kaniyang tunay na anak.