Lumaki ang Ulo ng Babae Dahil Natupad na ang Kaniyang Nais na Makaalis sa Iskwater; Ganito Siya Ibababa sa Lupa ng Kapalaran

“Syrra, p’wede bang sa bahay niyo na lang tayo gumawa ng proyekto natin?” saad sa dalaga ng kaniyang kaklaseng si Mae.

“H-hindi p’wede kasi maraming bisita ang mama ko mamaya. Bukas naman ay naroon ang mga kaibigan ng ate ko. Kila Rachel na lang tayo!” tugon ni Syrra.

“Naku, lagi naman kayong may bisita. Laging hindi p’wede sa inyo. Hindi naman kami makikikain!” pangangantiyaw ng mga kaibigan.

Hindi na alam ni Syrra kung paano pa magdadahilan sa mga kaibigan at kaklase sa tuwing nag-aaya ang mga ito sa kanilang bahay. Hindi totoo na may bisita kasi ang kaniyang ina at nakatatandang kapatid. Ang totoo ay kinahihiya ng dalaga ang kanilang tirahan na matatagpuan sa isang iskwater area sa tabi ng isang sementeryo. 

Bata pa lamang sina Syrra ay dito na sila nakatira. Isa itong lihim na pilit niyang itinatago kahit kanino. Kung titingnan nga siya ay hindi mo masasabi na sa ganitong lugar siya nakatira. Maganda ang kaniyang postura at pananamit. May kaartehan din ito sa katawan na akala mo ay mayaman. Madalas din itong makisabay sa uso sa mga may kayang kamag-aral. 

Kaya ganoon na lamang ang pagnanais ng dalaga na makaalis sa kanilang tinitirahan.

Nang makatapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo ay agad siyang kumuha ng magandang trabaho. Naging HR staff siya sa isang mall. Isang dating kaklase ang humingi sa kaniya na tulong. 

“Syrra, baka meron kayong bakanteng trabaho diyan? Kasi ang anak ng katiwala namin ay naghahanap ng trabahong mapapasukan,” pakiusap ni Grace, dating kaklase ni Syrra. 

Advertisement

“Tamang-tama! Meron kaming opening para sa mga bagger. Sige, papuntahin mo siya dito sa mall at ipahanap mo ako. Pagdalahin mo na rin ng biodata saka huwag niyang kakalimutang manamit ng maayos,” tugon ng dalaga. 

Laking tuwa ng dating kaklase sa balita ni Syrra kaya agad niya itong sinabi sa kanilang katiwala. Agad nagtungo ang anak ng katiwala sa nasabing lugar upang mag-apply ng trabaho.

“Ako nga po pala si Richard. Hinahanap ko po si Bb. Syrra. Pinapunta po niya kasi ako rito para po mag-apply sa trabaho,” saad ng binata sa guwardya. 

Nang kausapain ng guwardiya si Syrra upang labasin ang binata ay itinanggi nito na may pinapapunta siya. Agad nagdahilan ang binata.

“Pakisabi po ako po ‘yung itinawag sa kaniya ng dati niyang kaklaseng si Grace,” dagdag pa ng binata.

“Taga-saan daw siya?” tanong ng dalaga.

“Taga Manotoc daw. ‘Yung iskwater sa tabi ng sementeryo,” wika ng guwardiya. 

Ngunit wala raw kilalang Grace itong si Syrra. Dahil dito ay umuwi na lamang ang binata na walang napala. 

Advertisement

Nang malaman ito ng dating kaklase ay hiningan niya ng dahilan si Syrra ngunit hindi man lamang ito tumugon sa kaniya. Hindi maiwasan ni Grace na makaramdam ng inis sa dating kaklase.

Ginawa ni Syrra ang lahat upang makaipon siya. Kumuha siya ng isang hulugang bahay at sa tulong ng kaniyang mga kapatid at magulang ay matutupad na ang kaniyang pangarap na makalipat ng bahay at makaalis sa sinasabing iskwater na iyon. 

Walang ginawa si Syrra kung hindi ipagmalaki ang kanilang bagong bahay. Talagang pilit na niyang kinalimutan ang dati nilang tinitirhan. Ipinamukha niya sa marami na nakakaangat na siya sa buhay.

“Pumasyal naman kayo sa bahay namin,” paanyaya niya sa kaniyang mga kaibigan.

“Naku, napakalayo naman ng bahay niyo, Syrra. Ikaw na lang ang dumayo sa amin tutal iisang lugar lang naman kami ng buong barkada,” wika ng isang kaibigan.

“Napakasikip sa bahay ninyo. Hindi ba kayo nagsasawa na lagi na lamang tayo sa bahay niyo, Rachel?” pagmamalaki ng dalaga.

“Pero sige, ako na lang ang luluwas. Baka wala kayong pamasahe,” wika pa ng dalaga.

Kapansin-pansin na ang pag-iiba ng igali nitong si Syrra. Ngunit pagdating naman sa ambagan ay wala pa rin itong maibigay kahit na ipinamumukha niya na mapera na siya. Unti-unting tinabangan sa kaniya ang kaniyang mga kaibigan. Marami na ring naiinis sa kaniya at madalas ay hindi na siya imbitahin sa mga salu-salo.

Advertisement

Isang araw ay hiningan siya ng tulong ng kaniyang isang barkada ngunit nang malaman niyang wala siyang mapapala dito na kapalit ay sinabi niyang abala siya.

Isang araw ay tumunog ang telepono ni Syrra habang nasa trabaho siya. Halata ang natatarantang boses ng kaniyang ina sa kabilang linya.

 “Ano po ang nangyari, ‘nay?” natatarantang wika na din ni Syrra sa ina. 

“Nasusunog ang bahay natin, Syrra! Huli na ang lahat. Wala na tayong naisalba. Mabilis na natupok ng apoy ang lahat ng ipinundar natin!” umiiyak na sambit ng ina.

Halos gumuho ang mundo ni Syrra sa kaniyang narinig. Agad siyang umuwi at doon ay nakita niyang ang bahay na kanilang pinaghirapang pag-ipunan ay natupok na lamang ng ganon. 

Nanghingi ng tulong si Syrra sa kaniyang mga kaibigan ngunit wala man lamang siyang malapitan. Ni wala man lamang nagpaabot ng tulong sa kanila.

Dahil kailangan muli nila na mag-ipon ay walang nagawa sila Syrra at ang kaniyang pamilya kung hindi muling bumalik sa dati nilang tinitirhan. Ang iskwater area na katabi ng sementeryo na kaniyang ayaw nang lingunin at sinusuka. 

Isang matinding aral ito para sa dalaga. Tiyak nga na ang taong mapagmataas ay ibinababa ng Diyos at ang taong hindi lumilingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.