Tinulungan ng Guro ang Kaniyang mga Estudyante sa Abot ng Kaniyang Makakaya; Isang Surpresa ang Handog ng mga Ito sa Kaniya

Hingal na hingal si Sir Simeon nang makarating sa pintuan ng kaniyang classroom. Paano ba naman e halos isa’t kalahating oras din ang ginugol niya sa paglalakad makarating lamang sa tamang oras.

Unang araw kasi ng klase. Isa siyang volunteer elementary teacher sa isang liblib na lugar sa Pilipinas.

Tila nawala ang kaniyang pagod nang makitang halos kumpleto na ang bilang ng kaniyang estudyante.

Bago pa man siya makapagsimula ng klase ay isa pang batang lalaki ang dumating.

“Good morning, sir, good morning, classmates! Sorry I’m late,” tila nahihiyang bigkas ng batang lalaki. 

“Good morning, halina’t pumasok ka na nang makapagsimula na tayo!” Masiglang yaya niya sa bata.

Agad naman itong tumalima.

Minasdan niya ang mga munting bata na makakasama niya sa isang taon. Bagaman pawang malilinis ang mga ito, bakas sa mga ito ang kahirapan. Halos pawang mga lumang bag, tsinelas, at uniporme ang nakikita niya sa mga ito.

Advertisement

Hindi naman ito kataka-taka dahil alam niyang mahirap na bayan talaga ang kinatatayuan ng eskwelahan na iyon.

“Magandang umaga, class! Mabuti naman at nakarating kayo sa tamang oras kahit na mahirap pumasok dito. Ako ay halos dalawang oras naglakad e,” pangungumusta niya sa mga bata bago magsimula ang klase.

“Opo, Sir! Alas singko pa lang po ay naglalakad na kami ng kapatid ko!” Bibong sagot ng isang cute na batang babaeng nagpakilala na si Mimi.

“Ako nga, tumawid pa ng ilog,” pagyayabang naman ni Jasper.

“Tama ‘yan, ‘wag kayong mapapagod, dahil mainam na makapagtapos kayo ng pag-aaral para mas may tiyansang guminhawa ang buhay!” Naaaliw na sagot ng guro sa mga bata.

“Ano ba ang gusto niyo maging, paglaki niyo?” Usisa niya sa mga ito.

“Sir, gusto ko po maging maging mayaman, para marami na kaming pagkain!” Sigaw ng isang nakangiting bata sa dulo.

“Sir, sundalo po!” Sigaw naman ng may kalusugan ngunit cute na estudyante sa kaniyang harapan. 

Advertisement

“Sir, doktor po! Gusto ko pong magamot yung kapatid kong may sakit!” Wika naman ng patpating batang babaeng nakatali ang buhok. 

“Wow! ‘Wag kayong susuko ha? Gusto kong makita na magtagumpay kayo. Meron ba gustong maging teacher dito?” May pag-asam sa mata ng batang guro.

“Ako po!” Nakataas ang kamay ng gwapong batang lalaki sa likod.

Aliw na aliw ang guro sa mga bagong estudyante. Mukhang mag-eenjoy siyang turuan ang mga ito.

Ngunit hindi nagtagal ay nakita rin ng guro ang mga problemang kinakaharap ng mga batang gustong makatapos ngunit nasa isang mahirap na lugar. Sa mga murang edad ng mga ito, hindi niya inasahan ang mga dahilan ng mga ito sa tuwing lumiliban sa klase.

“Sir, kailangan ko po kasi alagaan yung mga kapatid ko dahil mag-aani sa bukid sina nanay at tatay,” malungkot na wika ni Sally.

“Sir, kailangan ko po kasi sumama kay tatay mangisda kasi nagkasakit po yung kuya ko na kasa-kasama ni tatay,” isang araw ay paalam naman ni Arman. 

“Sir, wala po kasi akong pambaon,” ang pinakamadalas niyang naririnig sa mga estudyante.

Advertisement

Kaya naman ginagawa ni Sir Simeon ang lahat upang makatulong sa kaniyang mga estudyante.

“Bukas, hindi niyo na kailangan magdala ng baon, kasi magdadala ako ng pagkain na pagsasaluhan natin. Regalo ko ‘yun sa inyo dahil matataas ang marka ninyo sa pagsusulit.”

Nagsigawan naman ang mga bata. Kita sa mga mukha nito ang labis na saya sa kaniyang munting regalo.

Gusto niya naman na makatikim ng masarap na pagkain ang mga bata. Nakita kasi niya ang estado ng mga ito sa buhay.

“Gusto ko kapag may problema kayo, sabihin niyo agad sa akin para naman masubukan natin gawan ng paraan. Maliwanag ba?” pakiusap niya sa mga mahal na estudyante.

“Opo, Sir!” Masigla’t sabay-sabay na sagot ng mga bata.

Kinabukasan ay tuwang-tuwa ang guro dahil kumpleto ang kaniyang mga estudyante. 

Nagsigawan naman ang mga ito nang makita ang mga pagkaing inihanda niya. Sinadya niya talagang damihan ito para makapag-uwi ang mga bata. Gusto niya na makatikim din ang mga pamilya nito ng masarap na pagkain.

Advertisement

“Wow! Nanlalaki ang mata ng bawat isa habang isa-isa niyang inilalapag sa mesa ang mga dalang pagkain. 

May barbeque, spaghetti, chicken, hotdog, cake, ice cream, at iba pa.

Tuwang-tuwang nagpapalakpakan naman ang mga bata habang isa-isang kumukuha ng plato para makakain.

“Salamat, Sir! Ngayon lang ako nakakain ng mga ito!” Nangniningning ang mata ni Arman habang maganang kumakain ng cake.

Maganang kumakain ang lahat nang mapansin ng guro ang patpating si Anna na nakatingin lamang sa mga kaklase.

“O, bakit hindi ka kumakain, Anna?” Kunot noong tanong niya sa bata.

“Sir, gusto ko po kasi iuwi na lang sa kapatid ko yung pagkain ko. Simula kasi kagabi, hindi pa po kami kumakain,” mangiyak-ngiyak na sabi ng bata, bagay na kumurot sa puso ng mabait na guro.

“Naku, ano bang pinag-aalala mo, madaming pagkain, pwedeng-pwede kang kumain at uwian ang kapatid mo.” Masuyo niyang ginulo ang buhok ng bata, bago tinulungan ito kumuha ng pagkain. Ilang sandali lamang ay magana na itong kumakain.

Advertisement

“Kung gusto niyong mag-uwi ng pagkain, pwedeng pwede ha!” Paalala niya sa mga bata.

Tuwang-tuwa naman ang mga ito.

“Sir, salamat po ha? Siguradong matutuwa ang nanay ko dahil makakatikim na siya ng cake,” wika pa ni Jimuel bago ito umuwi. 

Iyon na yata ang pinakamasayang araw sa buhay ni Sir Simeon. Masaya niyang tinatanaw ang mga estudyante niyang naglalakad na pauwi sa kani-kanilang tahanan. 

Nang makaalis ang mga ito ay napasulyap siya sa kaniyang pudpod nang sapatos. Sa totoo lang, pambili niya ng bagong sapatos ang pera na ginasta subalit masaya pa rin siya dahil nakapagbigay saya siya sa kaniyang mga estudyante. 

Marami pang naging hadlang sa pag-aaral ng mga bata ng mga sumunod na buwan ngunit nagtiyaga nang husto ang guro upang masiguro na ang lahat ng bata ay matatapos ang baitang na iyon.

Bago pa man mamalayan ni Sir Simeon ay tapos na ang eskwela nang taong iyon.

Sa kanilang huling araw ay naghanda ng munting surpresa si Sir Simeon para sa mga bata.

Advertisement

“Wow! Salamat, Sir! Meron na agad akong magagamit sa susunod na taon.” Nagtatatalong sigaw ni Arman habang kipkip ang regalo ng guro. 

Hindi naman maiwasan ng guro na maging emosyonal habang minamasdan ang masasayang ngiti ng kaniyang mga estudyante dahil sa natanggap.

“Gusto ko na ‘yan ang gagamitin niyo sa susunod na taon, ha? Huwag na huwag kayong papatalo sa kahirapan. Dahil pag sumuko kayo, ‘yun na ang katapusan ng mga pangarap niyo. ‘Di ba meron dito gusto maging doktor? Maging mayaman? Maging sundalo?”

Nagulat siya ng sabay sabay na magsalita ang mga bata. “Gusto po namin maging teacher na kagaya niyo, Sir Simeon!”

Tumayo si Arman. Mula sa ilalim ng lamesa ni ay may kinuha itong isang kahon. Bahagyang tumahimik ang lahat nang lumapit si Arman sa guro at iabot ang kahon.

“Ano naman ito?” Naguguluhang tanong ng guro. Mukhang may pakulo rin ang kaniyang mga estudyante sa huling araw nila.  

“Buksan niyo po, Sir!” Naghihiyawan na ang mga bata. 

Nangilid ang luha ng guro nang makita ang isang bagong sapatos. Alam niya na hindi iyon mamahalin kagaya ng mga sinusuot niya, ngunit natuwa siya sa regalo ng mga bata.

Advertisement

“Bakit sapatos?” Tanong niya sa mga ito.

“Sir, pudpod na po kasi sapatos niyo. Lagi na lang po kami ang nakakatanggap ng kung ano-ano mula sa inyo, gusto namin na may maibigay rin po kami sa inyo,” masayang sagot ni Arman. Malaki ang ngiti nito, na tila ba ito ang nakatanggap ng regalo. 

“Sir, sana po ay hindi rin kayo mapagod na maglakad papunta dito sa school natin. Sana po madami pang bata ang mabigyan niyo ng inspirasyon,” dagdag naman ni Anna.

Si Sir Simeon ay napaluha naman. Punong-puno ang kaniyang puso. 

“Salamat, mga mahal kong estudyante!” Lumuluhang wika niya.

“Mahal ka rin po namin, Sir!” 

Masaya siya sa sapatos na regalo ng mga ito. Ngunit higit sa materyal na bagay, masaya siya na nakapagbigay siya ng inspirasyon sa kaniyang mga estudyante.