Nanggagalaiti ang Ginang sa Kaniyang Biyenang Pakialamera, Ito Pala ang Gigising sa Puso Niyang Malayo sa Kaniyang Anak

“Gener, ‘yang anak mo, napagalitan ko lang, ngumalngal na agad nang inam. Ayan tuloy, pinagalitan na naman ako ng nanay mo kanina,” sumbong ni Hilda sa asawang kakauwi lang galing trabaho.

“Eh, bakit mo ba kasi pinagalitan? Kakasermon mo lang sa kaniya kahapon dahil sa mga pinggan, hindi ba?” tanong nito. 

“Aba, Gener, ‘yang anak mo, may nobyo na at ang nanay mo pa ang unang pinagsabihan! Paano ako hindi magagalit?” bulyaw niya sa asawa, bakas sa kaniyang mukha ang labis na pagkagalit.

“Eh, paano niya nga sasabihin sa’yo kung lagi kang galit sa kaniya?” malumanay na sagot ng kaniyang asawa saka siya himas-himas sa likod upang bahagyang kumalma.

“Iyan talaga ang sasabihin mo sa akin, Gener? Hindi ka nagagalit sa ginawa ng anak mo? Alam mo bang katorse anyos lang ‘yon?” tugon niya sa asawa matapos niyang hawiin ang kamay nito.

“Bakit naman ako magagalit? Kung doon siya masaya, eh, tiyak naman akong hindi ako bibiguin ng anak ko kahit magkaroon siya ng nobyo,” sagot nito dahilan upang lalo pa siyang magalit.

“Ewan ko sa’yo, basta ako, hindi ako payag! Kapag dinala niya ‘yang lalaking ‘yan dito, mapapahiya talaga siya!” sigaw niya, nakita niyang narinig ito ng kaniyang anak, tumakbo ito’t yumakap sa biyenan niyang kakarating lang galing palengke dahilan upang mapairap siya sa inis at magkulong sa kanilang silid.

Magdadalawang dekada nang naninirahan sa piling ng kaniyang biyenan ang ginang na si Hilda. Bagamat solong anak ang kaniyang asawa, hindi nila magawang iwan at pabayaan ang naturang matanda.

Advertisement

Wala naman talagang problema para sa kaniya ang pakikisama rito. Sa katunayan pa nga, palagi niya itong kasama sa lahat ng gawaing bahay. Palagi niya pa itong nililibre sa paborito nitong restawran noong siya’y nagtatrabaho pa.

Ngunit nang siya’y magkaanak na, nagsimula na itong mangialam sa mga desisyon nila sa buhay dahilan upang unti-unti na siyang manabang dito’t mainis.

Lalo pa siyang nainis dito nang magsimula nang magdalaga ang kaniyang anak. Halos lahat kasi ng ginagawa ng kaniyang anak, sinusuportahan nito kahit pa taliwas sa kaniyang kagustuhan katulad ng maagang pagpasok sa relasyon.

Ilang araw lang matapos nilang magtalo ng kaniyang asawa, nadatnan niyang nasa kanilang sala ang nobyo ng kaniyang anak na labis niyang ikinagalit.

“Talaga bang hindi mo ako papakinggan?” mataray niyang sambit dahilan upang mataranta ang kaniyang anak pati ang nobyo nito.

“Eh, mama, hindi ko naman po papabayaan ang pag-aaral ko,” nakatungong tugon ng anak.

“Sigurado ka? Paano kapag nabuntis ka? Makakapag-aral ka pa ba? Ilagay mo nga sa lugar ang kalandian mo, ha? Ang bata bata mo pa, maharot ka na!” bulyaw niya dahilan upang mapatakbo ang kaniyang anak sa kwarto, “O, ano pang ginagawa mo rito? Umuwi ka na, masyado ka pang bata,” sambit niya sa nobyo ng anak dahilan upang kumaripas din ito nang pag-alis.

Magsisimula na sana siyang magluto nang bigla siyang hilahin ng kaniyang biyenan saka siya binungangaan. “Kaya ‘di kayo magkasundo ng anak mo, dahil masama ang tabas ng dila mo! Anak mo ‘yon, sasabihan mong malandi? Para mo na ring nilait ang sarili mo!” sigaw nito sa kaniya, “Katorse anyos ka rin naman noong ipakilala ka ng anak ko sa pamilya namin, hindi ba? May narinig ka bang pangmamaliit sa akin? Kita mo, kahit bata ka pa noon, nakapagtapos ka, nakahanap ng magandang trabaho, bago ka nagkapamilya. Nasa gabay ng magulang ‘yan, Hilda! Eh, kung ganyan ka, tiyak mapapahamak talaga ang anak mo!” dagdag pa nito na labis na nakapagpagising sa kaniya, “Kung galit ka sa pagiging pakialamera ko sa pamilya niyo, wala akong pakialam doon, pero dapat, ‘wag mong hayaang kainisan ka ng anak mo!” huling hirit nito saka siya nilayasan. 

Advertisement

Doon niya napagtantong tama ang kaniyang biyenan. Simula kasi nang mapahiya niya ang kaniyang anak sa harapan ng nobyo nito, hindi na siya kinibo nito na labis na dumurog sa kaniyang puso dahilan upang gawin niya ang lahat upang maibalik ang amor nito sa kaniya.

Palagi niya itong binibilhan ng mga paborito nitong pagkain at mga usong gamit ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin siya pinapansin nito katulad ng dati.

Kaya naman, naisipan niyang hanapin ang nobyo nito upang sila’y pag-ayusin.

Abot tainga ang ngiti ng kaniyang anak nang makitang kasama niya sa kanilang bahay ang binatang minamahal nito. Masaya niyang pinagmasdan ang anak niyang ngayon na lamang muling ngumiti at humalakhak. Tila lumambot naman ang kaniyang puso nang yakapin siya ng kaniyang anak saka sinabing, “Hindi ko po kayo bibiguin, gabayan niyo lang po ako,” dahilan upang siya’y mapaluha. Nakita naman niyang nakangiting nakatingin sa kaniya ang kaniyang biyenan na labis niya pang ikinasaya.