Losyang Manamit ang Babae Dahil Hiling Daw Iyon ng Nobyo; Matiis Pa Kaya Niya ang Pagkaseloso Nito?

“Oh ikaw mars! Pili ka na rin dito sa mga pinapa-order ko! Palitan mo na ‘yang mga damit na pinamana sa’yo ng lola mo ‘no!” Malakas at matinis ang boses na sabi ni Katkat sa ka-opisinang si Loren.

“Eh alam mo naman si Ejay eh… At saka hindi naman masyadong mukhang pangmatanda ‘no,” pagtatanggol pa ni Loren.

“Alam mo ang OA talaga niyang jowa mo ha. Hindi niya ba iniisip na hindi komportable magsuot ng ganyan, at saka isa pa, ang sakit kaya sa mata!” dagdag pa ng beki nilang kaibigan na si Mario, Mari sa gabi.

Napanguso na lang si Loren sa sinabi ng mga kaibigan. Noong una’y maging siya ay ayaw baguhin ang pananamit niya, ngunit nagresulta lang iyon ng mga away sa pagitan nila ng nobyong si Ejay.

Magkatabi lang sila ng kompanyang pinagtatrabahuhan. Ipinakilala ito sa kaniya ng isa pang kaibigan, at sinagot naman niya agad ang lalaki dahil mabait ito at may itsura. Ilang buwan pa lang sila sa relasyon ay sinabi na nitong seloso ito. Kinikilig pa siya sa pagkaseloso nito noong una ngunit nang tumagal ay napagod na rin siya sa tampuhan nila. Kaya naman pinagbigyan na niya ang hiling nito na magbago ng istilo ng pananamit. Noong una ay kaunting pagbabago lamang, ngunit nang tumagal ay halos naiba na talaga ang laman ng kaniyang aparador.

Ang mga kaibigan niya ang nangungunang manukso at pumuna sa ginagawa niya sa sarili. Minsan ay naiinis din siya kay Ejay dahil doon, ngunit iniisip niya na lang na ayos lang iyon basta di sila mag-away.

“Sigurado ka bang yan ang susuotin mo sa anniversary niyo? Naku kayo lang naman ang nandon, sino pa bang pagseselosan niya? Mag-ayos ka please!” tili ni Mari sa kaniya nang sabihing pupunta na siya sa celebration nila ng nobyo ng first anniversary.

Nakumbinsi naman kaagad si Loren sa mungkahi ng kaibigan. Katwiran niya ay sila lang naman ang naroon kaya’t okay lang naman siguro kay Ejay na magsuot siya ng dress at heels. Bukod pa doon ay disente pa rin naman ang mga iyon. Inayos ni Mari ang buhok niya habang si Katkat naman ay nagpumilit na lagyan siya ng kaunting make-up.

Advertisement

Nang sunduin siya ng nobyo ay matamis na ngiti ang isinalubong niya rito. Napawi ang kaniyang ngiti nang bigla siyang hablutin nito sa braso at hilahin sa kotse. Magkasalubong ang mga kilay nito at malakas ang boses.

“Sinabi ko na sa’yong ayoko sa mga babaeng ganyan manamit ‘di ba?! Hindi ka talaga nakikinig! Ano? Gusto mong pagselosin ako kapag may nakakita sa iyong ibang lalaki, ha?!” galit na galit na sabi ni Ejay habang niyuyugyog ang kaniyang balikat.

“Ano ba, Ejay! Nasasaktan mo na ako!” Pinilit kumawala ni Loren ngunit tila ba hindi normal ang galit ni Ejay. Naitulak siya nito at naumpog ang ulo niya sa bintana ng kotse, at tuluyan nang nagdilim ang kaniyang paningin.

Nagising siya sa hospital at nakabantay sa kaniya ang ina at mga kaibigang si Katkat at Mari.

“Sabi ko na nga ba’t may topak iyang jowa mo eh! Naku! Sinasabi ko sa’yo kapag nakita ko talaga ‘yan!” Gigil na gigil si Mari na sinulsulan pa ni Kath.

“Kapag ikaw Loren nakipagbalikan pa doon ewan ko na lang ha,” banta pa sa kaniya ni Kath.

Galit na lang din ang nararamdaman ni Loren kay Ejay. Nagpapasalamat siyang naiuntog nito ang ulo niya dahil tuluyan na siyang nagising. Ngayon niya nakikitang hindi normal ang pagkontrol nito sa susuotin niya, mga bibilhin, minsan nga ay kahit sa kakainin niya. Hindi na siya masaya sa relasyon nila.

Pagkalabas ng ospital ay tuluyan nang nakipaghiwalay si Loren kay Ejay. Humingi ng tawad ang binata ngunit hanggang sa huli ay pinuna pa rin ang kaniyang hitsura.

Advertisement

“Kumain ka ng marami Loren, tingnan mo nga’t ang payat payat mo na. Huwag muna ang mga fast food, huwag kang sumabay sa uso, hindi naman healthy. At saka alam kong hindi na tayo pero bakit naman dress yang suot mo, hindi bagay—“

“Tama na nga Ejay! Sabi mo nga tapos na tayo kaya wala ka nang pakialam sa mga ginagawa ko. At isa pa napakalaitero mo! Sana mabago yang ugali mo or else maiinis lahat ng tao sa’yo! Bye!” Iyon lang at inis na inis na tinalikuran ni Loren ang lalaki.

Simula noon ay ibinalik ni Loren ang dating gawi ng pag-aayos sa sarili. Ang mga kaopisina niyang nakakita sa kaniya ay hangang-hanga sa kaniyang angking ganda na natabunan dahil sa kapal at haba ng suot niyang damit noon. Mas maginhawa na rin ang pakiramdam ni Loren, hindi lang dahil komportable na ang kaniyang pananamit, kundi dahil natututunan na niyang magpakatotoo sa sarili.

Mahalaga sa relasyon ang respeto sa kagustuhan ng bawat isa, at gayundin ang magtulungan upang hindi masira ng mga pagkakaiba ang binuong pagmamahalan. Ngunit dapat din nating malaman na ang tunay na pagmamahal ay nagmamalasakit at tumitingin sa kung ano ang makakabubuti sa iba, higit pa sa ating mga sarili.