Baon na Baon na sa Utang ang Kanilang Pamilya Dahil sa Kasusugal ng Kaniyang Ama; Isang Trahedya ang Magpapamulat sa Kaniyang mga Mata

“Ano?! Isinugal mo na naman yung pera?!” sigaw ng nanay ni Milo sa kaniyang amang kararating lang galing na naman sa sugal.

“Hindi ko naman sinasadya eh. Dapat kasi panalo na yun, kaso biglang hindi pumabor sakin ang mga baraha, nakakainis! Sadyang minalas lang talaga, mahal. Huwag kang mag-alala, siguradong sa susunod ay panalo na ako,” sagot naman ng kaniyang ama.

“Nako, Martin, tigil-tigilan mo ako. Alam mo ba ang hirap ko para malikom lamang ang halagang iyon?! Paano na ngayon yan?! Wala na tayong pangbayad sa bahay at lupa nating isinanla mo! Saan tayo titira kung nagkataon?!” galit na galit na sigaw pa rin ng kaniyang inang si Aling Mila.

“Huwag ka nang magalit, mahal. ‘Wag kang mag-alala, mababawi ko rin iyon. Siguradong sa susunod ay mananalo na ako, okay?” malambing na saad ni Mang Martin sa asawa at niyakap ito para kahit papaano ay maibsan ang galit nito. Alam na alam ng kaniyang ama kung paano palalambutin ang puso ng kaniyang ina. Kaya kahit na halos maubos na ang kanilang mga ari-arian dahil sa pagsusugal ng kanilang ama ay walang magawa ang asawa dahil hindi niya naman ito matiis.

Nagsimula ang pagsusugal ng kanilang ama ng minsang isinama ito ng mga katrabaho sa isang Casino. Nawili ito masyado nang minsang manalo ng malaking halaga.

Magsimula noon ay naging gawain na ng ama ang pagsusugal, umaasang mananalo ulit ng malaking halaga sa isang bagsakan lamang. Hindi niya namamalayan na malaki na pala ang natatalo sa kaniya. Sa kagustuhang mabawi ang natalo ay isa-isa nitong isinangla ang kanilang mga lupain sa probinsya at iba pang mga ari-arian, ngunit taliwas sa kaniyang inaasahan ay mas nabaon lamang siya sa utang.

At ngayon nga ay ang bahay at lupa na lamang na kanilang tinitirahan ang natira sa kanila, kaya naman lahat ay ginawa talaga ng kanilang ina para makalikom ng perang pangtubos. Pero imbis na ipambayad ay ipinangsugal pa ito ng kanilang ama.

Lubog na lubog na ang kanilang pamilya sa utang at hindi na malaman ng kanilang ina kung saan pa kukuha ng pera para ipambayad sa mga ito. Nagsisimula na rin silang habulin ng kanilang mga pinagkaka-utangan.

Advertisement

“Ano?! Hindi! Hindi ka aalis ng bansa! Paano na lang kami ng mga anak mo, ha?” pagtutol ni Mang Martin sa asawa.

“Tingin mo ba gusto ko ring umalis, ha? Mag-aabroad ako hindi dahil gusto ko kundi dahil kailangan! Dahil lubog na lubog na tayo sa utang gawa ng kakasugal mo! Hindi ka ba naawa sa’min ng anak mo? Lalong lalo na kay Milo? Ito na lang ang tanging paraan para unti-unti tayong makabangon,” paliwanag naman ni Aling Mila sa asawa. Naisipan kasi ng ginang na magtrabaho na lamang sa abroad para makabayad sa mga utang nila, para mabawi rin nila ang bahay at lupa na naremata na dahil sa hindi nila ito nabayaran sa tamang oras.

Labag man sa loob nilang lahat ay wala na silang nagawa nang umalis ang kaniyang ina para magtrabaho sa abroad. Dahil sa pagkawala ng kaniyang ina ay unti-unti ring lumayo ang loob ni Milo sa kaniyang ama. Ito kasi ang dahilan kung bakit kinakailangang umalis ng kaniyang ina para mabayaran ang mga utang ng ama gawa ng pagsusugal nito.

Sa pagkawala ng asawa at paglayo ng loob sa kaniya ng kaniyang anak ay doon lamang napagtanto ni Mang Martin ang bigat ng kapalit ng kaniyang kapabayaan. Nang dahil sa kaniyang labis na pagkalulong sa sugal ay ang pamilya niya ang labis na nagsasakprisyo at naghihirap.

“Hello ma, miss na miss na po kita. Kailan ka po ba uuwi rito?” naiiyak na tanong ni Milo sa ina habang kausap ito sa telepono. Ilang buwan na rin kasi simula ng umalis ang kaniyang asawa para magtrabaho sa abroad.

Aalis na sana si Mang Martin at tutuloy sa kwarto nila ng bigla na lamang bumagsak ang kaniyang anak pagkababa nito ng telepono. Agad na dinala niya si Milo sa pinakamalapit na ospital dahil inaapoy ito ng lagnat at nangangatog.

“Tatapatin na kita, may malubhang sakit ang iyong anak. Kinakailangan niya ng matinding pag-iingat at agarang operasyon,” saad ng doctor pagkatapos nitong tingnan ang kalagayan ni Milo.

“Magkano po ba ang kinakailangang halaga para maisagawa ang operasyon Doc?” tanong ni Mang Martin.

Advertisement

“Mahigit kumulang kalahating milyon.”

Labis na nanlumo si Mang Martin sa kaniyang narinig. Saan siya hahanap ng ganoong halaga? Nabawasan man ang mga utang nila ay malaki pa rin ang natitira kaya paniguradong hindi siya makakautang sa mga pinagkaka-utangan niya.

Halos mabaliw na si Mang Martin kakaisip kung saan pupulot ng perang pambayad para sa operasyon ng anak. Hindi niya na lamang namalayan na nasa simbahan na pala siya. Bigla na lamang siyang nakaluhod na para bang pagod na pagod na.

“Panginoon ko, patawarin Niyo po sana ako sa mga kasalanang nagawa ko. Alam ko pong napakamakasalanang tao ko, pero yung pamilya ko po? Hindi po nila nararanasan ang mga paghihirap na ito ng dahil lamang sa walang kwentang gaya ko. Kung maari lamang sana po ay ako na lang. Huwag na po ang anak ko parang awa Niyo na po.”

“Huwag niyo po muna siyang kukunin. Napakabata niya po. Marami pa po siyang hindi nararanasang gawin. Nangangako po akong magbabago na po ako at aayusin ko na po ang buhay ko at ang pamilya ko. Gagawin ko po ang lahat, iligtas Niyo lang po ang anak ko. Parang awa Niyo na po,” pagmamakaawa ni Mang Marti sa Diyos, “Isinusuko ko na po ang lahat sa Inyo. Kayo na po ang bahala sa’min.”

Pagkatapos magdasal ay hindi alam ni Mang Martin kung bakit pero bigla niya na lamang kinuha ang natitirang pera meron siya sa bangko at nagpunta sa Casino.

“O Diyos Ko, gabayaan Niyo po sana ako. Ito nalang po ang naiisip kong paraan,” sambit ni Mang Martin. Hawak-hawak ang huling perang mayroon siya ay nangangamba siyang pumasok sa Casino para sa huling pagkakataon ay makipagsapalaran sa kamay ng mga baraha.

Isang taon na ang nakalilipas magmula ng na-operahan si Milo. Pagkatapos ng operasyong pinagdaanan nito ay unti-unti ng gumaling ang bata hanggang sa tuluyan ng nanumbalik ang lakas at sigla nito. Nakatakda na ring umuwi si Aling Mila sa Pilipinas sa susunod na taon. Tinupad ni Mang Martin ang kaniyang pangako sa Diyos pagkatapos manalo ng isang milyon sa Casino ng gabing iyon.

Advertisement

Ginamit niya ang pera para sa operasyon ng anak at ipinambayad ang sobra sa ibang mga utang nila. Gaya ng kaniyang pangako ay ‘yon na ang huling beses na pumasok siya sa isang Casino at magsusugal. Tuluyan na itong nagbago at pilit na inaayos muli ang buhay nila. Unti-unti na naman silang nakakabangon.

Pansamantala mang naligaw ng landas ay hindi naman nawalan ng pag-asa si Aling Mila na magbabagong muli ang kaniyang asawa at babalik sila sa isang masayang pamilya, kagaya ng bago magsimula ang pagkalulong sa sugal ng asawa. Marami man ang pinagdaanan ay patuloy na nagpapasalamat parin ang kanilang pamilya sa pagkakataong ibinigay sa kanila ng Diyos para ayusin ang lahat.