Hindi Inaasahan ng Dalaga na Lalapitan Siya ng Lalaking Matagal Niya Nang Iniibig; Ito Na Pala ang Simula ng Pagkawasak ng Kaniyang Puso

Abalang-abala si Patricia habang ginagawa ang assignment niya sa major niya sa Accounting. Nasa unang taon kasi siya ng kolehiyo at BS Accountancy ang kinuha niya. Pangarap niya kasing maging isang CPA o Certified Public Accountant. Kaya naman kahit hirap na hirap sa kursong kinuha ay ginagawa niya ang lahat at pilit na nilalaban ang pangarap niya.

Ito ang pangarap niya ngunit hindi inakala ng dalaga na ang kursong napili din pala ang makakapagpaiyak sa kaniya ng todo. Halos humagulgol siya parati sa tuwing hindi niya nababalanse ng mga gawa niya, at kulang naman magpaparty siya sa tuwing nasasagutan niya ng tama ang mga katanungan. Ganun ang naging epekto ng Accounting sa dalaga.

Hindi napigilan ni Patricia ang umiyak dahil hindi nagbalanse ang gawa niya. Ilang oras niyang ginawa tapos mali pala! Wala siyang pakialam sa kaniyang paligid kahit na lumalakas na ang iyak niya. Paano ba naman wala na siyang oras ulitin iyon dahil malapit nang mag-time at next subject niya na ang Accounting!

Napatigil siya sa pag-iyak nang bigla na lang may nag-abot sa kaniya ng isang panyo. Pero mas nagulat siya nang makita kung sino ang nag-abot nito sa kaniya, pakiramdam niya’y umurong yung mga luha na lalabas pa lang dapat sa mga mata niya. ‘Yong crush niya! Inaabutan siya ng panyo ng lalaking matagal niya nang tinatanaw mula sa malayo.

Sa sobrang hindi makapaniwala ang dalaga sa nangyayari ay napatitig lamang siya sa mukha ng binata, kaya naman ito na ang nagpunas ng kaniyang mga luha. Pagkatapos nitong punasan ang kaniyang mukhang puno ng luha ay naupo ito sa kaniyang harapan. Sobrang gwapo pa rin talaga ng binata at sobrang lakas ng dating. Hindi talaga makapaniwala si Patricia sa nangyayari.

Doon sila nagsimulang maging malapit sa isa’t isa. Natutuwa rin kasi ang binata sa dalaga kasi nakikita niya talagang mahal nito ang kurso nito kasi kahit sobra itong nahihirapan ay hindi ito sumusuko. Madalas man itong umiyak ay hindi niya naman narinig kahit isang beses na umayaw ito o ginustong sumuko na dahil sa nahihirapan siya. Kitang-kita niya kung paano lumaban ang dalaga para sa pangarap niya.

Parati namang pinapalakas ng binata ang loob ni Patricia na naging sanhi ng lalong pagkahulog ng loob ng dalaga sa binata. Lagi siya nitong tinutulungan at pinapatahan sa tuwing nahihirapan siya sa kurso niya.

Hanggang sa hindi niya na mapigilan ang umamin sa kaniyang nararamdaman sa binata. Inamin niya sa binata ang kaniyang pag-ibig na nararamdaman para rito.

Advertisement

“Mahal kita. Matagal na kitang mahal,” pag-amin niya sa binata habang nakatitig sa mga mata nito.

Tinitingan lang siya ng binata at bigla kang napayuko. Hinawakan niya ang kamay ni Patricia at tinitigan siya sa mata, kitang-kita ng dalaga ang lungkot sa mga mata niya. Kinakabahan siya, pakiramdam niya ay hindi maganda ang sasabihin ng binata.

“Sorry Pat, pero alam mo naman na parang kapatid lang ang turing ko sa’yo ‘di ba? Sorry,” pakiramdam ni Pats ay nawasak ang kaniyang puso sa kaniyang narinig. Bigla namang binitiwan ng binata ang kaniyang mga kamay at naglakad palayo sa dalaga. Walang nagawa si Patricia kundi umiyak nang umiyak. Sobra talaga siyang nasaktan sa nangyari. Akala niya kasi may pag-asa eh.

Lumipas ang mga araw hanggang sa nabalitaan niya na lang na lumipat na pala ng eskwelahang pinapasukan ang binata. Iyak siya nang iyak nang mabalitaan niya iyon. Ganoon na lang ba kaayaw sa kaniya ng binata para lumipat pa talaga ito ng eskwelahang pinapasukan. Nawawalan na ang dalaga ng focus sa pag-aaral dahil sa kaiiyak hanggang sa isang araw habang nakatingin siya sa salamin sa CR ng kaniyang kwarto ay nakapagdesisyon siyang babaguhin niya ang sarili niya. Babangon siya. Magiging CPA siya gaya ng kaniyang pangarap.

Nagsikap si Patricia hanggang sa makatapos siya at kumuha ng board exam na nagawa niya rin namang maipasa. Nagpaganda rin siya, ginawa niya ang lahat para pumuti at kuminis. Nang sa susunod na magkita sila ng binata ay baka magustuhan na siya nito. Kaya kahit marami na ang nakakandarapa sa kaniya ay ang binata pa rin talaga ang laman ng puso’t isipan niya.

Naging isang ganap na CPA na siya at nag-apply sa iba’t ibang kompanya. May isang kompanya siyang in-applyan na parang pamilyar ang pangalan sa kaniya. Natanggap siya sa kompanyang iyon at ito rin ang naging una niyang kompanyang pinasukan.

Ngunit laking gulat ng dalaga ng makita niya ang binata sa kompanya nila isang araw. Bagama’t nagulat din ito ng makita siya ay nginitian din naman siya nito.

“Pats? Ang laki na ng pinagbago mo ha? Ay, congrats pala! Nabalitaan kong CPA ka na! Sabi ko naman sa’yo kaya mo eh,” nakangiting saad ng binata kay Patricia. Ngumiti lang si Pats. Pinaghalong saya at lungkot ang nararamdaman niyang kaharap niya na ulit ang binata.

Advertisement

“Salamat,” maikli niyang sagot sa binata habang nakatingin sa mga mata nito. Kay tagal niyang ginustong sabihin iyon sa binata. Isa kasi itong malaking dahilan kung paano siya nakaabot kung nasaan man siya ngayon.

“Para saan naman? Wala naman akong ginawa ha?” sagot nito sa dalaga.

“Dahil ikaw lang ang naniwala saking magiging CPA ako noon. Noong kahit sarili kong pamilya ay hindi nagawang maniwala na kaya, ikaw yung naniwala sa’kin. Kaya salamat. Maraming maraming salamat sa’yo, Alex,” puno ng sinseridad niyang pasasalamat sa binata.

Napag-alaman niyang ang pamilya pala ni Alex ang nagmamay-ari ng kompanyang kaniyang pinasukan. Kaya naman pala medyo pamilyar sa kaniya. Naging magkatrabaho sila hanggang sa nagkalapit ulit sila ng loob.

Nagpaliwanag ang binata sa totoong nangyari bago ito lumipat ng eskwelahan. Sinadya talagang lumipat ni Alex para mailayo siya sa pamilya ng binata. Natakot kasi siya na may gawin ang kaniyang pamilya sa dalaga. Nakatakda kasing ikasal ang binata sa anak ng isang business partner ng kaniyang papa, at dahil nga sa madalas silang makitang dalawa na magkasama ay natakot siya sa maaring gawin ng mga ito sa dalaga. Matagal na rin pala siyang mahal ni Alex, kaya naman ginawan niya muna ng paraan ang nakatakdang kasal na para sa kaniya.

Mabuti na lamang at may mahal ding iba ang babaeng nais ipakasal sa kaniya kaya naman nagkasundo ang dalawa na gumawa ng paraan para hindi matuloy ang kasal. Nagpabuntis sa lalaking kaniyang minamahal ang babaeng nakatakda sa kaniya na siyang naging dahilan ng tuluyang pagkaputol ng koneksyon ng dalawang pamilya.

Halos walang tigil ang luha sa mga mata ni Patricia ng marinig ang pag-amin sa kaniya ni Alex. Muli silang nagsimulang dalawa, at sa pagkakataong ito ay wala nang hahadlang pa sa pag-iibigan nila. Madami man silang pinagdaanan, ngunit sa huli ay sila pa rin pala ang magkakatuluyan. Ganiyan talaga ata ang tunay na pag-ibig.