
Ikinulong ng mga Walang Hiyang Anak ang Ina sa Kulungan ng Aso; Karma Tuloy ang Inabot Nila
“Nay! Ang sabi ko sa inyo huwag na kayong maglalalabas! Ang kulit-kulit niyo naman eh!” sigaw ni Aljon sa inang si Daday. May naghatid na naman kasi na kakilala dito. Nakita raw ang nanay niya na nakaupo sa gilid ng daanan ng bus kaya’t inihatid na ito pauwi.
“Hinahanap ko ang kuya mo nga,” paliwanag pa ng sisenta anyos na matanda.
“Wala nga sa Kuya Ariel! ‘Di ba nasa abroad nga dahil doon nagtatrabaho! Paulit-ulit naman eh!” dabog ng bente kwatro anyos na lalaki sabay pasok sa kwarto. Naiwan sa sala ang inang si Daday na lungkot na lungkot.
Ilang taon nang kinakikitaan ng pag-uulyanin si Daday. Madalas ay bigla-bigla na lang ito nawawala dahil naglalakad sa labas at hindi na matandaan ang daan pauwi. Maraming beses na rin itong muntik nang maaksidente dahil sa karamdaman, ngunit ang dalawang anak na kasama nito sa bahay na si Aljon at Alvin ay tila walang pakialam. Wika nila ay dala lang naman daw iyon ng katandaan at wala na silang magagawa.
Kapwa walang trabaho ang dalawa kahit pa nasa edad na ang mga ito. Pareho-pareho silang nakaasa lang sa panganay na si Ariel na nagtatrabaho sa Dubai. Mula pa noon ay talagang paboritong anak si Ariel dahil madalas ay ito ang tumulong sa ina sa mga gawaing bahay at paghahanapbuhay. Ngayong nasa malayo ito ay talagang labis itong namimiss ni Daday.
Nang mapuno ulit nang pag-aalala para sa panganay ay muli na namang tumayo si Daday at tumungo palabas ng pinto. Sakto naman na nakita siya ni Aljon agad at hinaklit ang kaniyang braso.
“’Nay ano ba?! Saan na naman kayo pupunta?! Sabi nang magpirmi na lang kayo dito sa bahay eh!” dagundong ang boses ni Aljon sa buong bahay. Pilit namang nagpupumiglas si Daday ay nagsimulang magsisisigaw.
“Pupuntahan ko si Ariel! Bitaw naaa!” parang batang sabi nito.
“Napano na yang si nanay? Ay siya ipasok mo na nga iyan doon! Nakakahiya sa mga kapitbahay,” sabi naman ni Alvin nang madaanan ang komosyon sa may pintuan.
Sa inis ni Aljon ay pilit na hinila ang ina sa loob ng bahay. Doon sa kulungan ng dati nilang aso niya ito ikinulong upang sana ay takutin lang itong huwag nang lumabas.
“Nakakakunsumi na kayo! Hayan, diyan muna kayo kung matigas ang ulo niyo!” Kinando nito ang kulungan at inis na inis na bumalik sa paglalaro sa cellphone. Habang ang kaawa-awang ina ay nag-iiiyak sa kulungan ng aso.
Nang gabing iyon ay pinalabas na nila si Daday sa kulungan upang utusang makapagluto. Tuyo na ang mga luha nito at walang imik na naghanda sa kusina.
“Oh, magtatanda na kayo ‘nay ha? Para hindi na naming kailangan pa kayo ikulong, tigas kasi ng ulo eh,” sabi ni Alvin habang ngumunguya, halata mong nakatira. Walang ganang nakatitig lang si Daday sa pinggan.
Pagkatapos kumain ay kaniya-kaniyang alisan na ang dalawa. Si Alvin ay pumunta sa mga tropa nito sa kanto, si Aljon ay balik sa kwarto nito kasama ang mga tropang kilala bilang mga nagbebenta ng droga. Muli na namang lumabas si Daday at natagpuan ng isa pang kapitbahay.
“Hoy Alvin, yung nanay mo oh! Alagaan niyo naman at nakita naming muntik nang masagasaan sa kalye duon sa kanto,” sabi ng kapitbahay. Pahiyang-pahiya si Alvin dahil pati mga tropa niyang kasamang humihithit noon ay pinagtawanan siya nang makita ang nanay niyang parang batang umiiyak.
Pagdating sa bahay ay agad na binulyawan ng binate ang ina at ikinulong muli sa kulungan ng aso bilang parusa. Simula noon ay palagi nang kinakando nila ang ina sa kulungan lalo na kapag may kaniya-kaniya silang gagawin.
Ang walanghiyang mga anak ay walang pakialam sa pagdurusa at kalagayan ng ina sa kulungan. Hanggang isang araw ay sinampal sila ng karma.
Walang kaalam-alam ang dalawa na biglaang uuwi noon ang Kuya Ariel nila. Kapwa sila natulala nang biglang mapagbuksan nila ang nakangiti nitong mukha.
“Alvin! Aljon! Kamusta na! Tara sa loob, marami akong pasalubong sa inyo. Si nanay pala?” masiglang tanong nito. Kapwa namutla ang dalawa at nagkatinginan lamang, walang maisagot sa kapatid. Ilang sandali lamang ay namataan ni Ariel ang kulungan ng kanilang aso, at doon, ang kahabag-habag na hitsura ng kaniyang ina!
Nabura ang ngiti ng lalaki at malalaki ang hakbang na tinungo ang kulungan. “Nay! Nay! Ano’ng nangyari! Bakit kayo nand’yan?!” Iyak lang ang sagot ng matanda na halata ang pamumutla.
“Kayo?! Anong ginawa niyo kay nanay! Bakit siya nasa kulungan ng aso? Mga walanghiya kayo! Buksan niyo ‘to!” Nagmamadaling tumalima ang magkapatid. Nanginginig sa galit si Ariel ngunit piniling asikasuhin muna ang ina nang mailabas niya ito ay butil-butil ang pawis at putlang-putla ito. Isinugod niya ito agad sa ospital nang mahimatay ito.
Hinarap ni Ariel ang dalawang kapatid at nauwi iyon sa rambol. Pinatikim niya ang mga ito ng sapak dahil sa labis na galit.
“Ipapakulong ko kayo! Wala na kayong makukuha sa akin kahit isang kusing! Mga walang utang na loob! Kung alagaan at pagsakripisyuhan kayo ni nanay ay wagas tapos ngayon iyan ang isusukli niyo!”
Nabalita ang kasong ito dahil napag-alamang halos tatlong buwan na palang kinukulong ng magkapatid ang ina, at kapwa pala gumagamit ng ipinagbabawal na gamut ang mga ito. Pinatungan sila nang karampatang parusa sa ginawa at nakulong ng ilang taon.
Si Daday naman ay patuloy na nagiging mabuti ang kalagayan dahil sa alaga ni Ariel. Kahit ito ang biktima ay hiningi pa rin nito sa anak ang pagpapatawad.
“Alam kong mga kapatid ko sila ‘nay, ngunit mali pa rin bilang tao ang ginawa nila. Ibibigay ko sa kanila ang kapatawaran ngunit dapat managot pa rin sila sa batas,” sabi ni Ariel.
Mula noon ay pinili ni Ariel na sa Pilipinas na lang magtrabaho upang personal na maasikaso ang ina, gayundin ang mga kapatid na binibisita niya sa kulungan. Naniniwala siyang kaya pa namang magbago ng mga ito, at ikaliligaya rin ng kanilang buong pamilya kung magkakasama sila muli. Sa huli, pinili ni Ariel na magpakatatag at tumayong haligi ng tahanan para sa mga taong mahal niya.