“Ate pakitingnan mo muna ang anak ko ha, may mahalagang meeting kasi ako mamaya sa kompanya.”
“Ate pwede bang ikaw muna ang tumao sa ospital? Nanganak na kasi ang asawa ko pero tuwing gabi lang ako makakapunta dahil sa trabaho eh.”
“Ate may handaan sa bahay para sa kaarawan ni bunso, pwede ba daw na ikaw na ang magluto?”
Iyan ang madalas na marinig ni Lita mula sa kaniyang mga kapatid. Meron na itong mga sari-sariling pamilya at matataas na ang naabot sa buhay hindi tulad niya, ngunit hanggang ngayon ay lagi pa rin siya nitong tinatawag para sa mga ganoong bagay.
Siya ang panganay sa apat na magkakapatid. Lumaki sila sa naghihikahos na pamilya kaya siya ang tumigil sa pag-aaral para tumulong sa gastusin ng pamilya noon. Ngayong matatanda na sila at wala na ang kanilang mga magulang, tila ba iyon pa rin ang responsibilidad na nakaatang sa kaniya. Ngunit tunay siyang masaya sa mga naabot ng tatlo niyang kapatid, pinagmamalaki niya ang mga ito at natutuwa naman siya at naaalala pa rin siya ng mga ito kahit ibang mundo na ang ginagalawan nila.
“Ate ha, may selebrasyon sa bahay namin para sa boss ko. Mapo-promote na ako kaya naman nais kong matuwa siya sa’kin. Kaya nga’t ikaw ang pinapaluto ko at hindi si Jasmin, ikaw kasi ang pinakamasarap magluto eh!” pambobola pa sa kaniya ng pinakabatang kapatid na si Junmar. Nakatapos ito ng kolehiyo at ngayon ay nagtatrabaho na sa malaking kompanya, likas talaga itong mabola at malambing sa kaniya.
“Naku! Napakagaking talagang mambola! Gusto mo bang sabihin ko iyan sa asawa mo?” panakot ng limampu’t limang taong gulang na matandang dalaga. Hindi niya ikinahihinayang na hindi siya nagkapamilya, katwiran niya’y igugugol na lamang niya ang oras sa mga kapatid hanggang kam*tayan niya.
Nang araw nga na iyon ay pumunta siya sa bahay nina Junmar. Bagong kasal lamang ito kaya wala pang anak. Sa murang edad ay may naipundar na kaagad itong magandang bahay. Hanga talaga siya sa talino ng tatlong kapatid, siya kasi ay hindi gaano kagaling sa eskwela noon.
Marami mang katulong ay si Lita pa rin talaga halos ang nagluto ng napakaraming putahe. Maya-maya lamang ay nagsidatingan na ang mga ka-opisina ni Junmar at boss nito. Halata sa porma ng mga ito na talagang mga propesyunal at kagalang-galang. Hindi na lamang lumabas si Lita sa kusina dahil baka mapahiya lang si Junmar sa mga bisita nito.
Maya-maya pa ay nagsikain na ang mga ito. Maya’t mayang nagpapalabas ng mamahaling alak ang kapatid dahil talaga daw na mahilig doon ang boss. Mukhang pagod na ang mga kasambahay kaya naman nagpasya siyang siya na mismo ang maglabas ng bote ng red wine na inutos ni Junmar.
Maingat na binuksan ni Lita ang bote pagkalapit sa matandang lalaki na boss nga ni Junmar. Ngunit dahil siguro sa kalasingan nito ay natabig nito ang kamay niya kaya naman tumapon sa damit nito ang pulang likido na ikinagalit nito.
“Anong– wala ka bang mga mata! Tingnan mo ang ginawa sa damit ko! Tonta!” pasigaw nito sa matanda na noo’y di na alam ang gagawin.
“Ah boss pasensya na po kayo–” hindi na natapos ang sasabihin ni Junmar ng galit na tumayo ang boss at humarap sa nanginginig na matanda.
“T*nga ka bang matanda ka? Mabuti ba kung mababayaran mo itong damit ko! Junmar, paalisin mo ang babaeng ito sa harap ko!” sigaw ng amo sa kaniya.
Umiiyak na ang matanda sa takot at pagkapahiya. Baka siya pa ang maging dahilan kapag hindi na-promote ang kaniyang kapatid. Tumingin siya dito at nagulat siya sa sinabi nito.
“Sir, mawalang-galang na po. Ate ko po iyang sinasabihan niyo ng t*nga. Huwag ho sana kayong mangmata ng mga tao dito sa bahay ko, kahit na mga katulong. Pasensya na po sa nangyari sa damit niyo, papalitan ko na lang ho,” sabi ni Junmar na diretso ang tingin sa mata ng boss, at may galit sa tono.
Nataranta naman si Lita dahil mukhang lumalaki ang gulong kaniyang ginawa. Di niya alam ang gagawin kaya lumuhod siya at pinagsaklop ang mga palad.
“P-pasensya na ho kayo Sir. Tama ho kayo, kasalanan ko. Lalabhan ko na lamang ho iyan..” nanginginig na sabi niya. Tinangka niyang hawakan ito ngunit iniwas nito ang binti kaya napatumba siya. Nagulat siya nang bigla may malalakas na kamay na nagtayo sa kaniya mula sa pagkakaluhod. Iyon ang isa pa niyang kapatid na si Rafael na kararating lang dahil kasosyo rin pala ito ng boss ni Junmar.
“Wala ho kayong karapatang gawin iyan. Kung hindi niyo kayang rumespeto ng tao ay wala na akong balak makipagsosyo sa inyo,” malamig at puno ng galit na sabi nito.
“You stupid idiots! Hindi ko kailangan ng kompanya mo! At ikaw Junmar, you’re fired! galit na sabi ng napahiyang boss saka na umalis.
Dahil sa labis na takot at pag-aalala ay naghina ang tuhod ni Lita at tuluyan ngang nahimatay. Ang huling naalala niya ay ang nag-aalalang mukha ng mga kapatid bago nawalan ng ulirat.
Nagising siya dahil may humahaplos sa kaniyang buhok. Tumambad sa kaniya ang mukha ng kapatid na si Leslie na agad namang tinawag ang dalawa pang kapatid na natutulog lang sa may sofa.
“Junmar, Raf, gising na si ate!” sabi nito kaya naalimpungatan ang dalawa atsaka hinawakan ang magkabila niyang kamay.
“Ate, kamusta po ang pakiramdam niyo? Ayos lang ho ba kayo o may masakit pa ba?” natatarantang tanong ni Junmar.
“Ano ba kayo, wala lang ito. Naku at dinala niyo pa talaga ako sa ospital. Alam niyo namang wala akong perang pambayad dito eh,” sabi niya na pilit pinagagaang ang tono dahil sa nakikita niya sa mukha ng mga ito ang labis na pag-aalala.
“Ano ka ba ate? Wala naman tayong problema diyan eh, ang kalusugan mo na lang ang alalahanin mo ha?” sabi ni Leslie na parang maiiyak na.
“Dagdag gastos pa ako sa’yo Leslie, hayaan mo’t kapag may pera ay babayaran kita,” sabi ni Lita atsaka bumaling sa bunsong kapatid, “Patawarin mo ko Junmar. Dahil sa akin ay hindi ka na nga na-promote, nawalan ka pa ng trabaho. Hindi ko sinasadya, kaya sana ay maintindihan mo..” sabi niya na nagsimulang pumatak ang luha.
“Gayundin sa’yo Raf, nawalan ka pa ng kasosyo dahil sa kagagawan ko..” Sobrang sama ng pakiramdam ni Lita dahil parang naging pabigat siya sa mga kapatid.
Niyakap naman siya ng tatlo na gayundin ay mamasa-masa ang mata sa luha.
“Ate, simula pa noon ay kami lagi ang iniintindi mo. Kahit kailan ay hindi ka nagdamot sa pagmamahal at oras, pati nga kinabukasan at kasiyahan mo ay pinaraya mo para sa amin. Ngunit kahit minsan ay hindi ka nagtanim ng sama ng loob. Ano pa bang hihingiin namin sa’yo?” umiiyak na sabi ni Junmar.
“Ikaw ang dahilan kung bakit kami narito ngayon ate.. sana ay huwag mong maliitin ang sarili mo. Kahit kailan ay hindi ka naging abala o pabigat sa amin. Baka nga kami pa sa’yo eh” sabi ni Raf.
Nagsalo ang magkakapatid sa isang madamdaming yakap. Doon naramdaman nila ang halaga ng bawat isa sa pamilya. Laking swerte ng tatlo sa kanilang ateng sadyang may ginintuang puso at nagpapasalamat naman si Lita na hindi siya tinalikuran ng mga ito sa kabila ng mga naabot na tagumpay. Pinakamasaya ang pamilya kapag walang kumpetisyon at tanging pagmamahal at suporta lamang ang ipinararamdam sa isa’t isa. At ang pagmamahal at suporta ay maaaring iparamdam sa maraming paraan.