Ang Kwento Ng Pulubi Sa Kanto
“Huwag na huwag kayong lalapit dun ha! Sige kayo, nangunguha ‘yon ng bata,” pananakot ni Aling Teresita sa mga batang noon ay naglalaro sa may tindahan malapit sa kanto.
Narinig ni Jenna na nagtanong ang mga bata kung sino ba daw iyong lolo na laging nakaupo sa may kanto. Ang sabi-sabi ay baliw daw ang matanda na nakatakas sa mental, meron namang kwento na dati raw itong bilyonaryo at nang maubos ang pera sa sugal ay naging pulubi na lang sa kanto. Marami pang ibang chismis ang kumakalat tungkol dito ngunit walang nakakaalam ng katotohanan.
Sakto naman ang pagkakataong iyon para kay Jenna. Meron kasi siyang proyekto para sa school na kailangan niyang maghanap ng misteryo sa kanilang lugar at magsaliksik ukol doon. Bata pa lang siya ay talagang nahihiwagaan siya sa matanda. Isang araw kasi nang madaanan niya ito, nakita niyang ganoon pa rin ang posisyon nito ngunit may luha ang mga mata nito. Simula noon ay hindi na niya maalis sa isip ang tanong.
“Sino ba talaga ito?” bulong ni Jenna sa sarili. Dala ang kaniyang kwaderno at ballpen, lumapit siya sa matanda. Tulad ng dati ay nakaupo ito sa gilid ng kalye. May maliit itong silungan doon na inilagay na ng barangay. Kahit ano kasing paalis ng mga ito ay bumabalik at bumabalik pa rin doon ang matanda. Kaya sa huli, hinayaan na lang nila at nagmagandang loob pa ang mga kapitbahay na abutan ito ng pagkain araw-araw.
“Ah, magandang hapon po manong. Ako po si Jenna, maaarin ko po ba kayong maka-usap sandali? Para lang po sa proyekto ko sa eskwela,” magalang na sabi ni Jenna. Walang kibo ang matanda at tila hindi siya narinig.
“Ano… kung ayos lang po sa inyo. Magtatanong lang po ako ng ilang bagay…”
Wala pa ring tugon ang matanda kaya nag-iba ng taktika si Jenna. Inasahan na niya ang mga ganitong pagkakataon kaya’t naghanda siya. Iniabot niya dito ang isang bote ng tubig at supot ng tinapay.
“Manong? Meron akong dinalang pagkain, pasensya na po sa istorbo pero pwede ko ho ba kayong maka-kwentuhan sandali?” Nang wala pa ring kibo ang matanda ay pinanghinaan na ng loob si Jenna. Siguro ay babalik na lang siya bukas, baka sakaling nasa wisyo na itong makipag-usap. Pagtayo niya ay nalaglag ang kwadernong dala niya. Pinulot niya iyon ngunit nagulat siya nang maunahan siya ng matanda.
“Si Mico. Mahilig din ‘yon sa pusa,” sabi ng matanda habang nakatingin sa kaniyang kwaderno. Umupo siyang muli sa harap nito at nakitang may luha sa mga mata nito.
“Sino po si Mico?” tanong niya. Sana naman ay magkwento na ito.
Sa unang pagkakataon ay tumingin sa kaniya ang matanda. Ngayon niya lang din natitigan ang mukha nito. Madungis at kulubot, ngunit ang talagang umantig sa kaniyang puso ay ang mga mata nitong puno ng pangungulila.
Tumanaw muli ang matanda sa malayo. Hawak pa rin ang kaniyang kwaderno, nagsimula itong magkwento.
Maraming taon na ang lumipas, kasama ang isang anak na lalaki, si Mico, at ang asawa nito, lumipat daw ang mga ito sa bahay malapit lang sa kantong iyon. Hindi sila ganoon karangya ngunit masaya at maayos daw ang pamilya nito. Hanggang isang araw, nagpasya siyang sumubok sa isang negosyo kasama ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan. Naging maayos iyon sa umpisa, ngunit nang malugi na ay dinaya siya ng kaibigan at kinamkam ang kanilang mga natitirang pera sa bangko.
Ang masaklap ay tinakbuhan pa siya nito kaya’t siya ang sumalo sa lahat ng utang ng kanilang negosyong itinayo. Unti-unting nalubog sa utang ang pamilya kaya lagi daw silang nag-aaway na mag-asawa. Isang araw ay nagsabi ang asawa nito na uuwi daw muna sa probinsiya sa mga magulang nito. Ngunit dahil nasaling ang pride, nagalit siya at hindi sinasadyang napagbuhatan ito ng kamay.
Tuluyan na siyang nalugmok kaya’t nilunod niya ang sarili sa alak gabi-gabi. Kung dati ay malambing siya sa anim na taong gulang na anak na si Mico, nang mga panahong iyon ay lagi itong umiiyak na nagsusumbong sa ina dahil lagi niyang nasisigawan dahil sa kalasingan.
Hanggang isang gabi, matinding pag-aaway ang namagitan sa kanilang mag-asawa dahil pinaaalis na sila sa bahay at sinisingil na rin sila ng bangko sa utang. Humantong ang pag-aaway sa batuhan ng masasakit na salita, dahil sa kalasingan ay nasampal niya ang asawa. Kinaumagahan, nagising na lang siyang wala na ang mag-ina niya.
“Dahil sa kapabayaan ko, tuluyan na akong iniwan ng aking pamilya. Kung saan-saan ko sila hinanap ngunit hindi ko sila natagpuan. Nawala ang lahat sa akin…” sabi ng matanda na basa na ang pisngi sa luha.
Maging si Jenna ay napaiyak na rin. Tunay na napakasaklap ang nangyari dito. Habang hinuhusgahan ito ng mga tao, matinding lungkot pala ang hinaharap nito araw-araw.
“Eh bakit ho nandito pa rin kayo? Hindi niyo po ba pinlanong magsimula na lang ulit?” tanong ni Jenna. Lumingon muli sa kaniya ang matanda, dahan-dahan ay isang mapait na ngiti ang umukit sa labi nito.
“Hija.. kapag may naiwan kang mahalagang bagay, di ba binabalikan mo?” matalinhagang tanong nito sa kaniya.
“O-oho?” naguguluhang sagot ni Jenna.
“Umaasa akong may halaga pa rin ako sa kanila. Umaasa akong babalik sila sa akin kaya kahit anong mangyari ay hindi ko kailan man iiwan ang lugar na ito. Hangga’t hindi sila bumabalik.”
Nagpasalamat siya sa matanda at binigyan ito ng isang yakap. Siguro ay tutuktukan siya ng magulang kapag nakita siya pero nababatid niya na iyon ang pinakakailangan ng matanda sa mga oras na iyon.
Hindi na naisulat ni Jenna ang buong kwento ngunit sigurado siyang hinding-hindi niya iyon makakalimutan. Iyon na siguro ang pinakamalungkot na kwentong narinig niya sa buong buhay niya. Isang amang nagkamali, nawalan ng lahat ng bagay, iniwan ng pamilya, ngayon ay nagsisisi at matiyagang umaasa sa isang himala.
Paguwi sa kanilang bahay ay sinalubong niya ng yakap ang kaniyang mga magulang na nanonood sa sala. Na-realize niya kung gaano kalungkot ang mabuhay ng mag-isa at wala ang mga ito. Ipinalangin niya sa Diyos nang gabing iyon na sana nga ay sagutin na nito ang mga dasal ng matandang pulubi sa may kanto.