“Ginang Mendoza, dahil ikaw naman ay walang pamilya at bata-bata pa ang iyong edad, ikaw ang aking itatalaga na guro upang magsagawa ng ating programa sa taon na ito,” nakangiting wika ng prinsipal, na noon ay nakatingin sa pinakabagong guro sa kanilang paaralan.
Dahil sa kalayuan at mahirap ang tinatahak na daan papunta, madalang magboluntaryo ang mga guro na magturo sa lugar na ‘yon. Dalawa lang ang pagpipilian mo sa oras na doon sila magtuturo at yun ay kung araw araw kang aakyat ng bundok at maglalakad ng halos dalawang oras upang makapagturo, o doon ka muna maninirahan upang hindi na kakailanganin umuwi pa araw-araw.
Dahil nakabase ang paaralan na ito sa siyudad, mas nakakaangat ang pamumuhay ng mga tao rito. Kaya upang makatulong, gumawa ang mga guro sa paaralan na ito ng isang programa kung saan ay taon-taon ay may isang guro ang itatalaga nila na magturo sa isang munting eskwelahan sa may kabundukan, para matulungan ang mga tao roon lalo na ang mga batang katutubo na magkaroon ng kaalaman na magiging kapaki-pakinabang sa kanilang pamumuhay.
“Inaasahan ko ang matagumapay mo na pagtuturo, at sana ay makapagbahagi ka ng magagandang kaalaman sa ating mga katutubo,” dagdag na sabi ng prinsipal.
Nang mga sandaling ‘yon ay nakaramdam ng kaunting pagkainis ang guro na si Amy. Pakiramdam niya kasi ay pinaglaruan at pinagkaisahan siya ng mga matatandang guro dahil bago lamang siya sa paaralan.
Dumadagdag pa ang kaniyang pag-iisip ang magiging paglalakbay or paglalakad niya papunta sa kabundukan, at ang maaga niyang paggising lalo na sa umaga dahil dalawang oras din ang gugugulin niya sa pagpunta doon. Hindi naman niya magawang doon manirahan dahil kahit na walang asawa at anak, mayroon naman siyang ina na kailangan niyang tulungan at alagaan.
Ngunit dahil tawag ito ng kaniyang propesyon ay kailangan niyang tuparin ang kaniyang sinumpaang tungkulin. Nais rin naman niyang makatulong, at sadyang matinding pagsasakripisyo lang ang kaniyang kailangan gawin upang makatulong sa mga katutubo sa kabundukan. Kaya kahit may kaunting pag-aalinlangan ay pinaghandaan pa rin ni Amy ang mga kaniyang aralin at leksyon na ibabahagi sa kaniyang magiging bagong mga estudyante.
Alas kwatro pa lamang ng umaga ay sinimulan na ni Amy ang pagbiyahe papunta sa paaralan na kaniyang tutulungan. Isang katutubo naman ang masipag na taga-hatid at sundo ng mga guro, upang samahan sila sa paglalakad. Kahit na inaantok pa ay pilit na nilalabanan ni Amy ito, at matiyagang nagpapatuloy sa paglalakad.
“Ma’am,” wika ng katutubong kaniyang kasama.
“Salamat po sa inyong mga guro. Napakalaking bagay po sa amin ang inyong pagtulong,” dagdag ng katutubo na tila ba bakas sa mukha nito ang labis na kasiyahan.
“Walang anuman po tatay. Isang karangalan ang matulungan po namin kayo,” sagot ni Amy ng nakangiting kahit halos kapusin na ito ng paghinga sa sobrang hingal.
“Kung hindi po dahil sa inyo, siguro ay habang buhay na lamang kaming panlalamangan ng mga tao sa bayan,” sabi ng katutubo na noon ay kinakitaan ni Amy ng lungkot sa kaniyang mukha.
“Noon po ay hindi kami marunong magbilang at hindi man lang namin alam ang itsura ng pera. Pero dahil nais magkaroon ng hanapbuhay, ibinababa namin ang mga ani naming gulay at prutas mula sa bundok pababa sa bayan. Doon ay inaalok namin ang aming mga ani. At dahil kulang o walang kaalaman, ang isang sakong gulay or prutas ay pinapalit lamang nila sa tatlong sardinas,” kwento ng katutubo habang patuloy silang naglalakad paakyat sa bundok.
“Kaya simula po noong magsimula ang ang inyong paaralan na magtayo na munting eskwela sa aming lugar, natulungan niyo po kaming magkaroon ng kaalaman tungkol sa pagbebenta ng aming mga ani at higit ang mga halaga ng mga ito,” patuloy na pagkwento nito.
Tila ba kumurot sa puso ni amy ang narinig na kwento. Napagtanto niya na malaking bagay para sa mga katutubo ang pagsasakripisyo na kanilang ginagawa upang maturuan lamang ang mga ito. Habang patuloy na nagku-kwentuhan, hindi namalayan ni Amy na narating na pala nila ang maliit na bayan sa loob ng kabundukan. Dito ay nakita niya ang mga bata na sabik sa kaniyang pagdating habang nakatayo sa labas ng isang maliit na kubo, na tila ba nagsisilbing paaralan sa mga ito.
“Maligayang pagdating Ginang Mendoza!” malakas na pagbati ng mga katutubo kay Amy.
Nang matapos ang inalok na almusal ay sinumulan niya na ang pagtuturo sa mga bata. At di niya sukat akalain na masaksihan kung gaano ka kulang ang mga gamit sa pag-aaral ng mga bata. Kulang sa lapis at mga papel, da-dalawa lamang ang libro na pinaghahatian ng labing dalawa estudyante, lumang pisara at nag-iisang tsok na panulat.
Ngunit kahit na kulang sa kagamitan ay pilit pa rin nagturo si Amy sa mga bata. Nang maubos ang tsok na panulat, ginawan na lamang niya ng kwento ang kaniyang leksyon upang kahit walang nakikitang sulat ay mae-engganyo pa rin ang mag bata na makinig na lamang sa kaniya. Natapos na ang klase at nakangiting binati ng mga bata si Amy ng pasasalamat.
Bakas sa mga ngiti ng mga ito ang kasiyahan at pananabik na pagdating ng bukas ay muli na naman silang magkikita at makakapagaral. Kaya habang pababa si Amy pauwi sa bayan, naiisip nito ang kalagayan ng mga estudyante sa taas ng bundok. Na kahit labis ang kakulangan ng kagamitan sa pag-aaral ay sabik pa rin ang mga ito na matuto.
Nang makabalik sa bayan ay agad siyang nagtungo sa kanilang paaralan at kinausap ang prinsipal. Noon ay humingi siya ng kaunting pondo upang makabili ng mga lapis at notebook para sa bawat estudyante niya sa bundok. Humingi rin siya ng permiso sa prinsipal kung maari niyang mahingi ang mga pinaglumaang libro na kanilang paaralan na nakatambak na lamang sa bodega. Hindi na nagdalawang isip at agad na pinayagan ng prinsipal si Amy sa kaniyang mga kahilingan.
Kinabukasan, nagpatulong si Amy sa katutubong sumundo sa kaniya na dalhin ang mga pinamiling gamit at mga dalang lumang libro.
“Naku ma’am, matutuwa po ang mga bata pag nakita ang mga ito,” wika ng katutubo.
“Kaya nga po eh. Ngayon po ay malinaw na sa akin kung gaano po kahalaga ang aming propesyon para sa mga taong katulad po ninyo,” saad ni Amy.
At tulad nga ng sabi ng katutubo kanina, hindi maipinta ang labis na kasiyahan sa mga mukha ng mga bata nang makahawak ang sarili nilang lapis, notebook at libro. Mas lalong naging magiliw ang mga ito sa pag-aaral.
“Ma’am Amy,” tawag sa kaniya ng isang batang babae, mas ninais na ni Amy na yan ang itawag sa kaniya ng mga bata para hindi masyadong maging pormal.
“Oh, Berta. Bakit? May nais ka bang itanong tungkol sa ating naging leksyon ngayong araw?” tanong ni Amy.
“Wala naman po. Nais ko po sana ipakita sa inyo itong larawan sa libro. Isa po siyang doktor, nais ko pong maging katulad niya paglaki ko ma’am,” nakangiting sabi ni Berta.
“Oo naman, matutupad mo ‘yan lalo na kung mag-aaral at magsisikap kang maigi,” sagot ni Amy na nagulat dahil bigla siyang niyakap ni Berta.
“Ma’am, salamat po dahil hindi kayo nagsasawa na turuan kaming mga katutubo lamang,” wika nito habang mahigpit na yakap nito ang gurong si Amy.
Nagpatuloy ang taon, walang sawa at matiyagang tinuruan ni Amy ang kaniyang mga estudyante. Tuwing magkakaroon siya ng malaki-laking sahod, binibilhan niya ng sariling mga gamit pang eskwela ang mga bata, tulad na mga may disenyong lapis, pantasa at pambura, mga makukulay na notebook at mga crayola. Galing man sa kaniyang bulsa at munti man ang mga regalo na ito ay alam niyang labis itong makakatulong at makakapag-engganyo sa mga bata na mas galingan sa pag-aaral.
Hindi namamalayan ni Amy na unti-unti ng natatapos ang taon, at kakailanganin na naman niyang bumalik sa siyudad upang doon magturo. Kaya habang may natitira pang sandali ay sinusulit ni Amy ang mga panahon na maturuan at matulungan ang mga katutubo sa kabundukan.
Hindi lang mga batang estudyante ang kaniyang tinuruan. Nagdaraos rin ito ng aralin para sa matatandang katutubo, tulad ng tamang pagbebenta at pagpresyo sa mga panindang ani ng mga ito, tinuruan niya rin ang mga ito ng iba pang mga gawain na maari nilang maging hanapbuhay tulad ng paggawa ng mga basahan, at pagtatahi ng mga damit.
Nang sumapit na ang huling araw ng klase ng dahil magbabakasyon na, hindi nakalimutan ni Amy na magdala ng mga regalo para sa kanila. Mula sa munting gamit sa bahay para sa mga nanay, gamit sa pagtatanim at pangangaso para sa mga tatay, mga laruan naman at mapaglilibangan para sa mga katabaan, sadyang pinag-ipunan ni Amy ang mga ito upang maihandog sa kanila. Para kasi sa kaniya, ang mga katutubong ito ang talagang nagturo sa kaniya sa loob ng isang taon.
Tinuruan siya ng mga ito na pahalagahan ang napiling propesyon at gamitin ito sa paraan na higit pa natin alam. Na ang pagtuturo ay hindi lamang nalilimitahan ng apat na pader ng eskwelahan, at na maaring siyang maging guro saan man siya mapunta.
Ikinagulat naman ni Amy ang hinandang sorpresa sa kaniya ng mga katutubo. Isang munting salu-salo, mayroong inihaw na manok at ginisang gulay na mula pa sa kanilang tanim, sagana rin sa prutas ang hapag-kainan ng pinagsaluhan nilang lahat.
Kanilang pinasalamatan ang kabutihan na ipinakita sa kanila ni Amy.
“Maraming Salamat po sa inyong pagmamahal at pagtuturo Ma’am Amy! Sana lahat ng guro ay kasing busilak ng puso po ninyo,” sabay na bati ng nga bata kay Amy bago ito tuluyang magpaalam.
At hinandugan rin ng mga katutubo si Amy ng munting regalo, mga gulay at prutas na pabaon nila sa guro. Bumaba si Amy ng kabundukan baon-baon ang pagmamahal na ipinaramdam sa kaniya ng mga katutubong aeta.
Hindi rin naglaon, hindi na kinailangan pumili pa ng prinsipal ng guro na ipapadala sa kabundukan dahil lagi ng nagboboluntaryo si Amy na doon magturo.