Lagi Silang Wala sa Graduation Ko
“Sige, itetext ko ang tita mo para masamahan ka niya sa foundation day niyo,”
“Sinabihan ko na ang Tito mo na siya na ang kumuha ng card mo sa eskwela,”
“Pasasamahan na lang kita sa Auntie mo sa awarding day niyo,”
“Si Tita mo na lang ang pupunta sa graduation mo,”
Ito lagi ang mga salitang laging naririnig ni James sa kaniyang mga magulang sa tuwing sasapit ang graduation o awarding ceremony sa kanilang paaralan. Nasa elementarya pa lamang siya ay hindi na nito naranasan na ang kaniyang sariling magulang ang sumasama sa kaniya sa mga programa sa kanilang eskwelahan, mula sa foundation day, PTA meeting, kuhaan ng card tuwing end of quarter at maging sa graduation niya.
Laging sa mga kamag-anak na lamang siya binibilin na pasamahan dahil abala ang magulang niya sa pagtatrabaho. Ang ama niya ay madalas na nasa ibang lugar dahil sa iba’t ibang construction nito. Ang ina naman niya ay abala rin sa pamamahala sa kanilang grocery store.
Ngunit kahit na ganoon ay mas lalong pinagbutihan ni James ang pag-aaral. Lalo na nung inisip na baka kapag nagkaroon siya ng award ay mga magulang na niya ang sumama sa kaniya at sila ang magsasabit sa kaniya ng medalya. Subalit hindi ganoon ang nangyari.
“Ma, nakakuha ako ng award sa school. Eto po yung invitation para sa awarding ceremony, ma. Pupunta kayo ni papa di po ba?” masayang kwento ni James sa ina.
Third year high school na noon si James at siya ang hinirang na Top 1 student sa kanilang batch. Labis na inasahan ni James na sa pagkakataon ito ay mga magulang na niya ang sasama sa kaniyang pagmartsa upang sabitan ng mga medalya. Ngunit tulad ng dati nagkaroon na naman ng mas mahalagang gawain sa trabaho ang kaniyang mga magulang.
Nang mga panahon na ‘yon ay labis na nasaktan si James. Nabuo ang pagtatampo sa kaniyang puso.
“Kahit naman pala anong gawin ko, hindi pa rin ako mahalaga sa kanila. May award man o wala, balewala pa rin pala ako sa kanila,” inis na sabi ni James sa sarili habang nagkukulong sa kwarto.
“Kaya ko nga ginagalingan para maging proud sila sakin, para dumating yung araw na sila yung makakasama ko sa pagmartsa ko, kaso wala din naman palang kwenta sa kanila ‘yon,” patuloy na sabi ni James na labis ang sakit na nararamdaman.
Mula noon, hindi na naging bibo si James sa kaniyang mga magulang at hindi na niya pinapaalam sa kanila tuwing may programa na kailangan silang imbitahan at pumunta. Alam naman kasi niya na hinding-hindi pupunta ang mga ito kasama niya. Nagtapos ng high school si James na tanging tiyahin ang mga pinsan lamang ang kasama niya nung siya ay grumadweyt.
Kaya hanggang sa nagkolehiyo na si James, kinalimutan na niyang sabihan ang mga magulang sa tuwing may award or recognition siyang makukuha. Hindi naman nagbago ang pagsisikap ni James sa pag-aaral at sa katunayan nga ay mas ginalingan pa niya sa eskwelahan.
“Uy, anak. May bago kang certificate na nakasabit sa loob ng kwarto mo ha. Saan mo ‘yon nakuha?” tanong ng ina ni James.
“Ay. Wala po yun, ma. Nakuha ko lang po yun sa regional competition na sinalihan ko,” sagot ni James na tila matipid nang magkwento sa mga magulang.
“Ang galing naman pala ng anak ko. Lumalaban na ng regional. Kailan to, bakit hindi mo sinabi sa amin ng papa mo?” nakangiting bati ng ina ni James.
“Hindi naman na kailangan, ma. Hindi rin naman kayo pupunta kahit sabihin ko,” malamig na sagot ni James na noon ay bumalik na sa kaniyang kwarto upang ipagpatuloy na ang pag-aaral.
Sa pagkakataon na ‘yon, naramdaman na ng ina ni James ang pagtatampo ng anak. Unti-unti na rin nitong napansin ang matamlay na ugali ng anak sa tuwing sila ay magkakasama. Kahit hindi sabihin ng anak ay ramdan ng mga ito ang pagtatampo sa kaniyang mga mata.
Ngunit kahit na ganoon ay nakita nila na patuloy pa rin na nagsisikap ang kanilang anak na maging magaling sa napiling kurso. Sunod sunod ang mga award na nakukuha nito, ngunit tila hindi na niya ito ipinapaalam pa sa kaniyang mga magulang. At hindi nila sukat akalain na kahit ang araw ng graduation ng anak ay hindi na rin ipapaalam sa kanila. Ang tanging alam lang nila ay buwan ng Marso ito magmamartsa.
Laking gulat na lang din nila ng makita nila si James na bumili ng bagong sapatos at damit upang gamitin sa kaniyang graduation, gamit ang sarili niyang pera. Unti-unti nang nakakaramdam ng sakit ang kaniyang nga magulang dahil sa pagbalewala na ginagawa ni James sa kanila, ngunit pilit pa rin nila itong inuunawa. Aminado rin ang mga ito na nagkulang sila sa kanilang anak, lalo na sa panahon kailangan ng anak ang presensiya nila.
Kinailangan pang tumawag ng ina ni James sa kaniyang eskwelahan upang ipagtanong ang mismong araw ng graduation ng anak. At nang dumating nga ang araw na ito, hindi na talaga sinubukan ni James na ipaalam or paanyayahan ang mga magulang na samahan siya sa kaniyang graduation. Umalis lang ito ng bahay na nakasinoleng damit na tila ba may lakad lang ito na pupuntahan.
“Labis ang sama ng loob ng anak natin sa atin para balewalain niya tayo ganito,” wika ng ama ni James na nalulungkot.
Nang mga sandaling iyon, nag-ayos na ang mag-asawa at nagtungo sa graduation ng anak kahit na hindi ito alam ni James. Sa pagkakataon na ito, nais nilang sorpresahin ang anak kahit huli man ito sa lahat ng graduation at event ng anak na kanilang pinalampas. Nagsimula ang graduation at pinagmamasdan ng mga magulang ni James ang kanilang anak na magmamartsa. Kahit nakangiti ay batid sa mukha nito ang lungkot dahil lahat ng estudyante na nagmamartsa ay may pamilya kinakawayan o nginingitian bukod lamang sa kaniya.
Ngunit di sukat akalain ni James na kasabay ng pagtawag sa kaniyang pangalan upang kunin ang kaniyang diploma at award, sabay din na biglang may tumayong mag-asawa sa may likod ng audience. Dito ay bigla siyang napangiti nang masilayan ang mukha ng kaniyang ina at ama na tumatakbo papalapit sa kaniya, upang samahan siya sa taas ng entablado.
“Ma! Pa!” sigaw ni James habang kinakawayan ang mga magulang na papalapit sa kaniya. Malaki ang ngiti niya sa kaniyang mukha dahil sa labis na saya ang pagkagulat.
Sa mga sandaling iyon, masaya ang mag-anak na umakyat sa entablado. Maiyak-iyak si James dahil ito ang unang pagkakataon na kasama niya ang mga magulang sa napakahalagang pangyayari sa kaniyang buhay. Naiyak din ang kaniyang ina habang sinasabit sa kaniyang anak ang mga medalya na nakuha nito.
At ng tuluyan ng makababa ng entablado ay doon na bumuhos ang kanilang mga luha.
“Anak, patawarin mo kami ng papa mo sa mga panahon at pagkakataon na aming pinalampas. Sa mga panahon, wala kami sa mga importanteng pangyayari sa buhay mo. Sobra kaming proud na proud sa iyo, anak,” tumatangis na sabi ng ina ni James.
“Inuna namin ang pagtatatrabaho, na nakakalimutan namin na bukod sa marangyang buhay ay mas higit mong kailangan ang presensiya at pagmamahal namin ng iyong ina,” dagdag na sabi ng kaniyang ama na naiiyak na rin sa labis na saya.
“Ma, Pa, patawarin niyo ako dahil nagawa kong magtanim ng sama ng loob sa inyo. Akala ko po kasi hindi ako mahalaga sa inyo. Nakalimutan ko pong ipaalala rin sa aking sarili na ang mga bagay na ‘yon ay sinasakripisyo niyo upang maitaguyod ang ating pamilya at mabigyan ng masaganang buhay,” umiiyak na sabi ni James na halos magmukha nang bata sa paghagulgol.
“Mahal na mahal ka namin, anak. Kulang ang nga salita at kilos upang maparamdam namin sayo kung gaano ka namin kamahal,” patuloy na pag-iyak ng ina ni James.
Dahil sa nangyari ay mas lalong pinahalagaan ng bawat isa sa kanila ang pagbibigay ng oras sa kanilang pamilya. Naging katuwang si James ng kaniyang ama sa pagpapatakbo ng kanilang construction company. At dahil mas madalas silang magkasama, lagi nilang binibigyan ng oras ang kaniyang ina upang parehas nilang masusulit ang bawat panahon na sila ay magkakasama.