Inday TrendingInday Trending
Batang Pasaway!

Batang Pasaway!

“Tay, pwede po bang humingi ng baon na bente pesos?” tanong ng batang si Miggy sa kaniyang ama na si Ed.

Nag-aalmusal noon ang mag-ama habang hinihintay ang school bus ni Miggy na dumating. Samantalang ang ina naman nito ay nasa hardin at nagdidilig ng mga tanim nitong bulaklak.

“Sige, anak. Basta gagamitin mo lang ito kapag kinakailangan ha. Kumpleto ang baon mo para sa recess at lunch mo,” bilin ng ama habang inaabot sa anak ang bente pesos.

Bigla rin naman dumating ang school bus ni Miggy at tinawag na siya ng kaniyang nanay na noon ay nasa labas at nagdidilig ng mga halamang bulaklak.

“Anak, nandiyan na ang service mo,” sigaw ng nanay ni Miggy.

Nang makaalis ang anak ay agad naman gumayak si Ed para pumasok na sa trabaho. Paalis na sana ito ng maalala na wala palang lamang barya ang kaniyang wallet. Agad siyang nagtungo sa loob ng kanilang kwarto upang kunin ang natira niyang pera na nakalagay sa bulsa ng hinubad niyang pantalon kahapon.

Ngunit ng kapain niya ang mga bulsa ng marumin pantalon ay tanging bente pesos na lang ang laman nito.

“Hon,” tawag ni Ed sa asawa.

“Bakit, hon?” tanong naman ng asawa niya at nagtungo ito agad sa kaniyang pinaroroonan.

“May buong isang daan dito sa bulsa ko bago makauwi, nakita mo ba o kinuha?” nagtatakang tanong ni Ed.

Naalala pa kasi niya na bago siya bumaba ng tricycle ay ibinulsa na muna niya ang isang daan buo na kaniyang hawak.

“Wala akong napansin, hon. Hindi ko pa nga naayos ang mga marurumi nating damit,” sagot ng kaniyang asawa.

“Hay, baka nagastos ko lang siguro o kaya nalaglag ko dahil sa kagaslawan,” wika ni Ed na noon na kumuha na lamang ng barya sa ibabaw ng kanilang ref at agad ng umalis upang pumasok sa trabaho.

Akala ni Ed ay dulot lamang ng katandaan kaya nawala o hindi na niya mahanap o maalala kung saan napunta ang isang daang piso na pera sa kaniyang bulsa. Ngunit tila sunod-sunod na araw ng nawawala ang mga barya sa kaniyang hinuhubad na pantalon.

Hindi niya mawari kung butas lamang ang mga bulsa nito. Lagi naman niyang tinatanong ito sa kaniyang asawa, at paulit-ulit lang nitong sinasabi na hindi niya ito kinukuha o ginagamit. Alam naman niya kasi na nagsasabi ang kaniyang asawa, sa tuwing kumukuha ito ng pera sa pitaka niya o mga bulsa.

At kasabay ng pagkakapansin ni Ed sa nawawala niyang mga pera, napansin na rin nito ang madalas na paghingi ng pera ng kaniyang labing isang taong gulang na anak. Ayaw man nitong paghinalaan ang anak, ngunit kailangan niyang malaman kung si Miggy nga ba ang kumukuha ng mga ito. Dahil kung si Miggy nga ang kumukuha, kailangan niya itong mapagsabihan na mali ang ginagawa niyang ito.

Kaya isang umaga, bago nila gisingin si Miggy, nagset-up muna sila ng nakabukas na cellphone camera. Nakatapat ito sa kinalalagyan ng pantalon ni Ed. Ginising na nila ang anak at inutusan na gumayak na para pumasok. Nanatili ang mag-asawa sa labas ng kwarto para magkaroon ng sariling oras ang anak, nandoon naman sa loob ang umaandar na camera ng cellphone upang i-record ang pangyayari.

Nang makaalis na si Miggy at nasundo na ng kaniyang school service, agad na pumasok ang mag-asawa sa loob ng kwarto upang panuorin ang narecord na video ng anak. At laking gulat na lamang nila na tama pala ang kanilang hinala. Nakita nila sa video kung paano dahan-dahang inabot ni Miggy ang nakasampay na pantalon ng ama, at kumuha ng nga barya sa bulsa nito. Agad niya itong nilagay sa bulsa ng kaniyang bag.

Labis na nasaktan si Ed at kaniyang asawa. Hindi dahil sa galit at sa pangungupit ng anak nila, kundi sa labis na pag-aalala kung ano ang dahilan at nag-uudyok sa kanilang anak na gawin ang isang bagay na mali.

Pinilit ng mag-asawa na maging kalmado sa sitwasyon na ito. Hinintay nilang makauwi si Miggy at makakain ng hapunan bago nila ito kinausap.

“Anak, halika ka dito. May sasabihin lang si papa sayo,” malambing na tawag ni Ed sa anak, na agad-agad naman lumapit at tumabi sa kaniya sa may sofa.

“Ano po ‘yon, pa?” tanong ni Miggy.

“Miggy, anak. May nangbu-bully ba sa iyo sa eskwelahan?” panimulang tanong ni Ed.

“Wala naman po, papa. Marami na nga po akong mga bagong kaibigan eh,” nakangiting sagot nito sa ama.

“Anak, hindi galit si papa sayo ha. Pero gusto kita magsabi sakin ng totoo. Ayaw ko kasing tahakin mo ang maling daan, nak” malumanay na sabi ni Ed na noon ay mababakas na sa mukha ang lungkot at pag-aalala sa anak.

Natahimik naman si Miggy sa pagkakataong ‘yon. At unti-unti ng yumuyuko ang ulo nito.

“Anak, ikaw ba ang kumukuha sa mga pera ko sa pantalon?” pagtatanong ni Ed.

Nang marinig ang tanong na ito, tuluyan ng humagulgol si Miggy. Malakas ang pag-iyak nito na tila ba ay natatakot ito sa pwedeng mangyari.

“Anak…” pagpapatahan ng asawa ni Ed sa kanilang anak.

“Papa, sorry po!” saad ni Miggy habang patuloy na humahagulgol.

“Ako po yung kumukuha ng pera sa pantalon mo, papa. Dinadala ko po sa school,” pag-amin ni Miggy sa kaniyang magulang habang humihikbi na ng malakas dahil sa walang sawang pag-iyak.

“Wala po kasi akong kaibigan dati sa school. Lagi lang po akong mag-isa. Pero noong nalibre ko po ang mga kaklase ko sa canteen namin, nagkaroon na po ako ng mga kaibigan. Kaya kumukuha po ako ng barya sa bulsa ng pantalon mo, pa. Para magkaroon po ako ng pera, pambili po ng mga pagkain sa aking mga kaibigan para lagi po kaming magkakasama,” kwento ng anak ni Ed sa kaniya.

“Anak, mali ‘yon. Hindi dapat ganoon, anak. Lalong hindi dapat kumukuha ng pera na hindi mo pagmamay-ari,” paliwanag ni Ed sa kaniyang anak.

“Bibigyan naman kita, anak. Pero masama ang naglilihim, at hindi nagpapaalam,” patuloy na paliwanag nito sa anak na noon ay patuloy pa rin sa pag-iyak.

“Sorry po, papa. Natatakot po akong magsabi sa inyo, baka hindi niyo po kasi ako bigyan,” wika ni Miggy na maga na ang mata kakaiyak.

“Sorry, papa. Naging bad boy po ako,” patuloy ni Miggy na tila takot na makatikim ng palo sa kaniyang ama.

“Hindi ko na po uulitin, pa. ‘Wag niyo po akong paluin,” dagdag ni Miggy.

“Hindi ako galit sayo, anak. Galit ako sa maling ginawa mo. Hindi ka papaluin ni papa pero mangangako ka sa akin na hindi mo na ulit ‘yon gagawin,” wika ni Ed.

“Opo, papa. Promise!” sagot naman ni Miggy na napayakap ng mahigpit sa kaniyang ama.

“At lagi mong tandaan, miggy. Hindi nasusukat ng mga materyal na bagay ang pagkakaibigan. Kung tunay mong mga kaibigan ang mga kaklase mo sa eskwelahan, hindi mo kailangan na ilibre sila araw-araw para lang samahan ka nila,” pangaral ni Ed sa anak habang kandong-kandong niya ito.

“Kahit sa paglaki mo, maging aral sana sa iyo ito. Ang pagkakaibigan ay hindi nasusukat sa kung ano ang kayang mong ibigay para sa kanila, kundi sa kung kaya nilang tanggapin ka kahit meron o wala kang maibibigay sa kanila,” patuloy na pangaral ni Ed.

Mula noon ay hindi na muling nangupit pa si Miggy sa kaniyang mga magulang. Natuto na rin siyang magsabi ng tapat sa kaniyang magulang lalo na pag kailangan niya ng pera. Para naman hindi na mapilitan si Miggy na ilibre ang kaniyang mga kaklase, dinadagdagan na lamang nila Ed ang baon nitong mga pagkain para maibahagi niya ito sa kaniyang mga kaklase.

Advertisement