Dalawa ang anak ni Samuel at Faye, masaya naman sila nung una. Ngunit isang suliranin ang sumubok sa pamilya nila. Nagkasakit ng malubha ang kanilang bunsong si Fina. May c*ncer ito sa dugo at mula noon ay pabalik-balik na sila sa ospital upang ipagamot ito.
Nagtatrabaho siya habang ang kaniyang asawa naman ang nag-aalaga sa mga anak nila. Ngunit isang araw ay bigla na lamang itong umalis si misis nang walang paalam. Iniwan nito ang dalawang anak sa ospital at mula noon ay hindi na ito nagpakita pa. Naapektuhan ang trabaho niya dahil nahihirapan siyang hatiin ang sariling oras. Gusto niyang hanapin ang asawa ngunit hindi niya magawa dahil hindi niya maiwan ang kaniyang trabaho at ang kaniyang mga anak sa ospital.
“Sunny, bantayan mong maigi ang kapatid mong si Fina ah. Magtatrabaho lang si papa,” kausap niya sa panganay niyang anak na lalaki.
“Opo papa. Huwag na po kayong mag-alala dahil babantayan ko po si Fina,” nakangiting wika naman ni Sunny.
Iniiwan niya ang dalawang anak sa Hospital dahil kailangan niyang magtrabaho para matustusan ang pangangailangan nilang tatlo, lalong-lalo na si Fina. Napapabayaan na niya ang kaniyang trabaho dahil wala siyang katuwang para sa mga ito. Madalas kasi siyang tawagin ng mga tauhan sa ospital lalo na kapag nagkakaroon ng kumplikasyon si Fina.
“Kung ganiyan ka nang ganiyan, Samuel, mapipilitan akong tanggalin ka sa trabaho,” kausap sa kaniya ni Mr. Harold ang kaniyang amo.
“Pasensiya na po talaga kayo, sir. Nahihirapan din po ako ngayon. Pero mas lalo akong mahihirapan kapag wala na akong trabaho. Parang awa niyo na po sana, huwag niyo akong tanggalin,” nagmamakaawang pakiusap ni Samuel.
“Samuel, kahit gaano ka pa kagaling sa trabaho. Kung puro kapalpakan ang ginagawa mo ay natatabunan nito ang katotohanang magaling ka. Naiintindihan ko ang sitwasyon mo. Pero sana maintindihan mo rin na hiwalay ang trabaho sa personal na buhay natin,” malungkot na wika ni Mr. Harold tsaka tinapik ang balikat niya at nagpaalam.
Hindi na alam ni Samuel kung ano pa ang gagawin. Dahil sa lagi niyang pag-absent at pag-alis sa trabaho upang pumunta sa ospital at sa laki na rin ng utang niya sa kumpanya ay hindi na siya pinapayagang mag cash advance pa. Kinukulit na rin siya ng ospital dahil patong-patong na ang utang niya sa pagpapagamot kay Fina. Sobrang gulo nang isipan niya at hindi na niya alam ang gagawin. Gusto na rin niyang isuko ang pagiging ama. Gusto na rin niyang tumakas sa mga problemang hindi na niya alam kung paano pa masosolusyunan.
“Sir Samuel, kailangan na nating salinan ng dugo si Fina. Pero hindi natin magagawa iyon kung hanggang ngayon ay may balanse pa rin kayo dun sa nakaraan mong bayarin. Pwedeng maging delikado ang buhay ng anak mo kapag hindi ka pa naghanap ng paraan ngayon,” kausap sa kaniya ng isang staff sa ospital.
“Pasensiya na po kayo, sir. Humahanap naman po ako ng paraan,” malungkot na wika ni Samuel. Ginawa na niya ang lahat ng paraan ngunit talagang wala na siyang maisip takbuhan. Pakiramdam niya’y tinalikuran na siya ng mundo.
“Hindi namin magagamot ang anak mo sa pasensiyang sinasabi mo Samuel,” masungit na wika nito tsaka siya tinalikuran.
“Papa, alam niyo po ba na ang bait ni Fina at hindi siya nagpapasaway? Sinusunod niya kung ano man ang sinasabi ko,” masayang bungad sa kaniya ni Sunny.
“Ganun ba? Mabuti naman kung ganun anak,” pilit ang ngiting wika ni Samuel, tsaka niyakap ng mahigpit ang anak. “Sunny, huwag kang mapagod alagaan si Fina ah,” kausap niya rito.
“Opo papa, kasi gusto kitang tulungan lalo na ngayong tayo na lang dalawa ang nag-aalaga kay Fina kasi iniwan na tayo ni mama. Kaya aalagaan ko po talaga ang kapatid ko. Kasi iyon lang ang kaya kong ibigay na tulong sa’yo,” nakangiting wika ni Sunny pero malungkot itong nakatingin sa mga mata niya.
Gustong humagulhol ng iyak ni Samuel dahil sa sinabi ni Sunny. Punong-puno ito nang pag-asa habang siya naman ay ubos na ubos na at hindi na niya alam kung ano pa ang gagawin. Pagod na siya at hindi na niya kaya. Nakita na lang niya ang sarili umaakyat sa pinakamataas na bahagi ng ospital habang walang tigil sa pag-agos ang luha.
Walang-wala na siya kaya ito na lang ang naiisip niyang paraan upang matapos na ang lahat. Niyuko niya ang baba ng gusaling halos langgam na ang mga sasakyang nakikita niya sa baba dahil sa taas ng gusaling kinatatayuan. Kapag tumalon siya mula rito hanggang sa baba ay malabong mabubuhay pa siya. Tatalon na sana siya ng biglang may pumigil sa kaniyang braso.
“Huwag mong gawin ito, Samuel. Paano na lang ang mga anak mo?” nahihintakutang wika ng doktora ni Fina. “Hindi ito ang solusyon ng problema mo. Hindi lang ikaw ang may mabigat na problemang dinadala sa mundo kaya huwag mong gawin ito,” dugtong pa nito.
“Hindi ko na po kaya, dok,” umiiyak na wika ni Samuel.
“Lahat tayo may pinagdadaanan. Hindi ‘yan ibibigay sa’yo kung hindi mo kaya. Sa tingin mo ba kapag nawala ka magiging ayos na ang lahat? Paano ang mga anak mo kapag nawala ka? Si Fina, paano na? Sino na ang mag-aalaga sa kaniya? Iiwan mo na lang sila, tatakas ka kasi hindi mo na kaya. Isipin mo ang maiiwan mo Samuel, bata pa ang mga anak mo at hindi nila kakayanin kung pati ikaw ay iiwan sila,” wika ni Dok Anna na labis na nagpagising kay Samuel.
Tama ito. Naging makasarili siya. Hindi niya inisip na hindi matatapos ang mundo kapag nawala siya. Patuloy iyong iikot at paano na lang ang mga anak niya. Napaluhod siya dahil nanghihina na ang tuhod niya sa halo-halong emosyon na nararamdaman.
Mula nung araw na iyon ay naging matapang si Samuel na harapin ang lahat ng pagsubok. Pinagbutihan niya ang kaniyang trabaho kaya nanumbalik ang tiwala ng amo niya sa kaniya. Pinayagan na ulit siyang mag cash advance kaya natutustusan na niya ang pangangailangan ni Fina. Tinulungan din siya ni Dok Anna, naging guarantor niya ito kaya pinayagan siya ng ospital na hulog-hulogan ang kaniyang utang. Ito na rin ang nagbabantay sa mga anak niya habang nasa trabaho siya. Lumipas ang dalawang taon ay binawian din ng buhay ang kaniyang bunso. Hindi nito napagtagumpayan ang malubhang sakit.
“Dok, sobrang laki po ng utang na loob ko sa inyo. Kung hindi dahil sa’yo baka kung ano na ang nangyari sa mga anak ko. Kahit po na ganito ang nangyari kay Fina ay tanggap ko na. At least ngayon hindi na siya nasasaktan at nahihirapan. Mahabang taon din ang nilaban niya,” malungkot na wika ni Samuel.
“Walang anuman iyon, Samuel. Mag-iingat kayo ng anak mo. Sana kung dumating man ulit ang pagkakataon na panghihinaan ka ng loob at matatambakan ng problema. Tandaan mo lagi na hindi solusyon ang pagpapak*matay. Lagi kang manalig sa Diyos at ipaubaya sa kaniya ang lahat ng paghihirap mo,” nakangiting wika ni Doc Anna.
“Opo dok, maraming-maraming salamat po talaga,” nakangiting wika ni Samuel.
“Paalam Sunny, mag-iingat ka ah,” paalam ni dok Anna sa anak niya.
“Maraming thank you po Dok Anna, paalam na po,” masayang paalam ni Sunny rito bago sila tuluyang umalis.
Naging mahirap man ang lahat, ang mahalaga ay nalampasan iyong lahat ni Samuel. Hindi pa nagtatapos ang buhay dahil ito pa lang ang simula nilang dalawa ni Sunny na magkasama. Pero sigurado siyang malalamapasan niya ang lahat.