Biyayang Galing sa Trahedya

Sa hindi inaasahang pangyayari ay naaksidente si Marvin at ang kaniyang asawa na si Sonya habang pauwi silang dalawa sa probinsya upang dumalo sana sa gaganaping reunion ng pamilya nila. Kaya imbes na magsaya ay kabaliktaran ang nangyari. Kahit nanghihina pa ang buong katawan ay napilitan siyang isugod ang kaniyang pinakamamahal na si Sonya sa ospital. Limang buwan pa naman itong buntis at natatakot siyang baka may mangyaring masama sa asawa at sa anak niya.

“Dok, gawin niyo po ang lahat ng paraan. Iligtas niyo ang anak at asawa ko,” humihikbing pakiusap ni Marvin sa doctor na nagpakilalang si Paolo.

“Mister, gusto ko mang sabihin na huwag kayong mag-alala dahil ililigtas namin ang asawa’t anak mo, ngunit ayoko rin na umasa ka. Dahil simula pa lang marami na ang naging damage. Nasa comatose stage na ang lagay ng asawa mo at mukhang lumalaban naman ang fetus na nasa sinapupunan nito. Kaso kapag sumuko ang asawa mo, malaki ang tiyansang maapektuhan din ang baby niyo,” malungkot na paliwanag ni Paolo kay Marvin sabay tapik sa balikat nito.

“Gusto kong sabihin na maniwala ka sa milagro. Ngunit kahit ako’y hindi ko alam kung magkarugtong nga ba kaming mga doktor sa milagro. Pero hangga’t may paraan upang mailigtas namin ang asawa mo. Sisikapin namin,” wika ni Paolo at saka nilampasan si Marvin na ngayon ay humahagulhol na ng iyak.

Sa oras nang operasyon ay sinikap ni Doc Paolo na iligtas ang dalawang buhay na nanganib ng lubos. Komplikado at mahirap ang proseso. Pero masaya siya dahil naging tagumpay ang ginawang operasyon.

“Kumusta po doc?” nag-aalalang tanong ni Marvin.

Huminga muna ito ng malalim tsaka nagsalita. “Maayos naman ang operasyon, Marvin, kaso paprangkahin kita. Naging successful ang operation pero hindi ibig sabihin nun ay ligtas na ang asawa mo sa kapahamakan. Comatose pa rin siya at hindi ko masasabi kung kailan siya gigising pero ligtas naman sa ngayon ang fetus na nasa sinapupunan niya,” paliwanag ni Paolo kay Marvin.

“Pero gagaling naman siya ‘di ba, dok?” muling tanong ni Marvin.

Advertisement

“Walang kasiguraduhan ang lahat, Marvin. Ang masasabi ko lang ay ligtas silang dalawa sa ngayon at maayos ang operasyon. Walang makakapagsabi kung gigising pa ba siya o hindi na. Tibayan mo lang ang loob mo,” prangkang wika ni Paolo.

Walang makakapagsabi kung totoo nga bang may milagro at wala ring makakapagsabi kung hanggang kailan ang buhay ng tao. Doktor siya pero hindi niya hawak ang buhay ng mga pasyenteng ginagamot nila. Maraming salamat sa makabagong makina dahil nadudugtungan nito ang buhay ng taong naghihingalo na.

Minu-minutong ino-obserbahan ni Paolo ang lagay ni Sonya, habang hindi na halos umuwi si Marvin sa bahay nito dahil mas gusto nitong bantayan lamang ang mahal na asawa. Coma pa rin ang asawa nito at patuloy na lumalaban ang sanggol. Hanggang isang araw ay masinsin siyang kinausap ni Marvin.

“Nakapag-desisyon na po ako dok,” bungad ni Marvin pagpasok sa opisina niya. “Pinapatanggal ko na po ang life support ng asawa ko,” malungkot nitong sambit.

“Bakit naman? Baka nabibigla ka lang,” wika ni Paolo.

“Naisip ko na ang selfish ko pala dahil pinipilit ko siyang lumaban kahit alam kong nahihirapan na siya,” wika nito at nagsimula ng umiyak.

“Nasasaktan akong nakikita siyang lantang gulay at gustong-gusto nang sumuko,” dugtong ni Marvin.

“Marvin, hindi mo ba nakikitang pilit na lumalaban ang asawa mo? Kung hindi man para sa buhay niya, para sa anak niyo. Hindi siya sumusuko kaya dapat ganun ka rin. Maging matatag ka kahit mahirap dahil ganun din ang ginagawa ng asawa mo. Huwag mo silang sukuan,” payo ni Paolo kay Marvin.

Advertisement

Hindi na ito sumagot. Sa halip ay humagulhol na lamang ito ng iyak. Masakit at mahirap ang pinagdadaanan ni Marvin, pero kailangan nitong maging matatag.

Mabilis na lumipas ang panahon. Nanatiling lantang gulay si Sonya habang ang sanggol na nasa sinapupunan nito ay patuloy na lumalaki. Halos araw-araw naiiyak si Marvin dahil nakikita nito kung paano lumaban ang kaniyang mag-ina kahit alam niyang nahihirapan ang kaniyang asawa. Hanggang dumating ang takdang panahon.

“Nasa tamang buwan na ang sanggol, Marvin at maaari na nating ilabas ang anak mo sa sinapupunan ng asawa mo. Sa pagkakataong ito ay hindi ko maipapangakong silang dalawa ang kaya kong iligtas. Baka bumigay ang katawan ng asawa mo habang inilalabas namin ang anak mo,” kausap ni Paolo kay Marvin.

Naguguluhang tumingin sa mga mata ni Paolo si Marvin. “Basta iligtas niyo ang anak ko dok. Mahal na mahal ko ang asawa ko, pero alam kong maiintindihan niya ako kung bakit pinipili ko ang anak namin,” humihikbing wika ni Marvin.

“Magpakatatag ka, Marvin,” wika ni Paolo sabay tapik sa balikat nito at tuluyan na ngang pumasok sa operating room.

Ligtas at malusog na nailabas ang sanggol habang si Sonya ay tuluyang namaalam. Masakit sa kaniya ang nangyari ngunit kahit papaano ay masaya na rin siya. Mamahalin niya ang anak nila higit sa pagmamahal niya para sa asawa dahil nakita niya kung paano inilaban ni Sonya ang anak sa loob ng ilang buwan, mabuhay lamang ito.

“Mamahalin at aalagaan ko ang anak natin, Sonya. Paalam mahal,” malungkot na wika ni Marvin habang karga ang sanggol na kalalabas lamang galing sa sinapupunan ng kaniyang asawang ngayon ay wala ng buhay. Lumaban ito para sa anak nila, hindi nito hinayaan na maiwan siyang mag-isa. Isang biyayang natanggap ni Marvin galing sa asawa niyang coma.