Inday TrendingInday Trending
Nauna Pa ang Anak

Nauna Pa ang Anak

Isang taon na ang nakalipas mula nang tila magunaw ang mundo ni Aling Stella. Kasi ay pumanaw ang kanyang nag-iisang anak, si Marie. Mag-isa niya lamang itong pinalaki, para siyang nanalo sa lotto nang maka-graduate ang dalaga.

Ginawa nitong reyna ang buhay niya. Nakapagtrabaho ito bilang office staff sa Makati at dahil sadyang magaling ay mabilis na-promote. Kasalukuyan nga silang nagpapagawa ng bahay nang mabangga ang sinasakyan nitong kotse. Ilang buwan itong na-comatose at doon na rin naubos ang ipon nito hanggang sa iyon nga- binawian na ng buhay.

Hindi malaman ni Aling Stella kung paano magsisimula, minsan nga ay nais niya na lamang na sumakabilang buhay na rin. Ano pa ba ang silbi niya sa mundo? Wala na siyang dahilan pa para mabuhay.

“Aling Ste..” narinig niyang tawag ng isa sa kanyang mga kapitbahay. Ito ang nagde-deliver ng mga chicharon na siya namang inilalako niya sa bangketa.

Kung hindi siya kakayod ay hindi siya kakain.

“Pakibaba mo na lang d’yan Gina, thank you ha. Bukas ang bayad ha? Wala akong pang-abono,” wika niya.

“Sigurado ho ba kayong maglalako kayo ngayong araw? Eh mukhang nahihilo na naman kayo,” sabi ng babae.

“Oo ano! Ayos lang ako, tubig lang ito. Ipagdasal mo na lang na sana ay huwag umulan dahil mababasa ang mga chicharon. Malulugi ako,” nakangiting wika niya.

Ilang minuto pa ang lumipas ay bitbit na ng ale ang isang plastik ng chicharon. Binabaybay niya ang kahabaan ng Maynila at nag-aaluk-alok kahit na sa mga nakatigil na sasakyan dahil sa traffic.

Kadalasan nga, bagsak presyo na. Basta makaubos lang siya.

Hindi niya maiwasang mapalingon sa mga mag-inang nakikita niyang kalalabas lamang ng simbahan ng Baclaran. Palibhasa ay Miyerkules ngayon- Baclaran Day kaya maraming tao. Parang kailan lang ay gawain rin nila ni Marie ang magsimba tapos ay diretso na sa pamimili sa palengke.

May pera na ang anak niya noon, pero kaligayahan niya na kasi ang magtingin-tingin sa mumurahing bilihin kaya sinasamahan siya ng dalaga.

Hindi niya rin maiwasang mainggit, bakit ang daya ng buhay? Mabuti naman silang tao. Pinalaki niya na mabait at may malasakit sa kapwa ang anak. Wala rin silang inapakan kahit pa gaano kahirap ang buhay. Bakit naman kinuha ito sa kanya?

Napukaw ang kanyang atensyon nang makarinig ng ilang pagtawag.

Napansin niya ang isang babaeng kanina pa pala nakatingin sa kanya. Nakasakay ito sa napakagarang kotse.

“A-Ay. Pasensya na ho. Kinse pesos po ang isa,” wika niya. Lumapit siya rito at ipinakita ang mga bitbit na chicharon.

Hindi sumagot ang babae, sa halip ay nakatitig lamang sa kanya. Medyo nailang naman si Aling Stella kaya naglakad na siya palayo.

Ganoon na lamang ang kaba niya nang maramdamang sinundan siya ng kotse. Nagpunta siya sa mas mataong lugar at doon nagsumiksik. Pero ‘di nakuntento ang babae, ipinark nito ang sasakyan sa simbahan at naglakad patungo sa direksyon niya.

Budol-budol ba ito? Bakit naman siya pa ang naisip na biktima, hindi siya mayaman!

“A-Aling Stella?” wika nito.

Napakunot ang kanyang noo, paano siya nakilala ng dalaga? Dahan-dahan siyang lumingon.

“Kilala ninyo ako?” nananantyang tanong niya.

Sandali itong nag-isip, “Sabi ko na nga ba ho kayo iyan. Kaibigan ko si Marie.”

Pagkarinig sa pangalan ng anak ay parang hinaplos ang puso ng ale. Kasi naman ay lumaking mahiyain ang dalaga, ni wala ngang nagpunta maski na isang kaibigan nang iburol ito. Lalo siyang nalungkot noon para kay Marie. Kaya ang malamang may kaibigan pala ito ay labis na nakapagpasaya sa kanya ngayon.

Nang yayain siya ng babae na kumain sa labas ay ‘di na siya tumanggi pa. Sabik siya sa mga kwento nito tungkol sa kanyang anak, kahit man lang roon ay mabuhay ang alaala ng kanyang unica hija.

“P-Paano kayo nagkakilala ni Marie?” tanong niya habang kumakain sila.

“Alam ninyo ho ay walang-wala ako noon. Kasi nasunugan kami eh. Tapos tinanggal pa ako sa trabaho gawa ng ‘di nga ako nakakapasok. Siyempre, wala akong pamasahe eh. Akala ko nakalimutan na ako ng mundo pero kung sino pa po yung hindi ko inasahang darating, siya pa ang lumapit sa akin. Sumulpot na lang bigla sa bahay namin si Marie.

May bitbit siyang pagkain para sa pamilya ko. Tapos po pinahiram niya pa ako ng malaking halaga para makapagsimula. Pwede raw na ‘wag ko nang bayaran pero kung nahihiya ako ay ibalik ko na lang daw po kapag nakakaluwag na. Ginamit ko ang perang iyon bilang placement fee. Nag-abroad po ako at doon na nagsimula ang aking swerte. Si Marie po ang naging dahilan sa aking tagumpay.

Kaya nga iyak rin ako nang mabalitaan ko ang nangyari sa kanya. Ni hindi ko alam ang bahay ninyo kaya ‘di ko kayo mapuntahan. Pero… natatandaan ko naman po ang inyong mukha dahil bukambibig kayo ng inyong anak at ipinapakita pa ang larawan ninyo palagi,” kwento ng dalaga.

Hindi namalayan ni Aling Stella na tigib na pala ng luha ang kanyang mga mata. Napalaki niya nang maayos si Marie, mabuti ang puso ng kanyang anak at proud na proud siya. Nasaan man ito sa langit, sana ay alam nito iyon.

“Salamat, kahit na paano nabuhay siya sa alaala. Pinagaan mo ang loob ko ineng,” wika niya, hinaplos ang kamay nito.

Akala niya pagkatapos kumain ay magpapaalam na ito pero hindi pa pala. Ibinalik kasi nito ang nahiram na pera sa kanyang anak, triple pa! Bukod doon, binigyan rin siya nito ng negosyong maliit na grocery kaya ‘di na siya kailangan pang maglako sa bangketa.

Nayakap niya ito nang pagkahigpit-higpit pero ayon naman sa babae, kulang pa raw iyon dahil binago ni Marie ang buhay nito.

“Salamat anak,” nakangiting wika niya sa puntod ng dalaga.

Wala man ito sa kanyang tabi, hindi pa rin naman siya nito pinabayaan. Alam niyang ginagabayan siya ng kaniyang anak.

Laging piliing gumawa ng mabuti sa kapwa dahil totoo ang karma. Kadalasan ay hindi sa atin ang balik noon kundi sa ating mga mahal sa buhay. Dahil sa kabutihan ni Marie ay guminhawa ang kalagayan ng kanyang nanay.

Advertisement