Inday TrendingInday Trending
Sino si Tita sa Buhay Ko?

Sino si Tita sa Buhay Ko?

Wala pang isang taon ang nakalipas mula nang pakasalan ni Marie ang kanyang bestfriend, si Liam. Lumaki silang magkasama at dalawang taon rin naging mag-nobyo kaya masasabi niya namang kilalang-kilala na nila ang bawat isa. Pero iba pala talaga kapag magkasama na sa iisang bubong.

Darating ang panahon na kahit gaano mo kamahal ang isang tao ay maiinis kang makita siya. Tulad ngayon na nagda-drive pabalik ng probinsya si Marie. Nagkaroon sila ng ‘di pagkakaunawaan ng mister kani-kanina lang. Sa totoo lang ay maliit na bagay lang naman, na-bwisit lang siya kasi ay ‘di nito nabili ang pinapabili niya sa grocery kanina. Nagsimula sa maliit na tampuhan hanggang naungkat niya na ang mga kinikimkim niyang tampo rito tulad na lamang nang late itong umuwi noong nakaraan.

“Babe, let’s talk. Uwi kn please, sorry na.” Nabasa niyang text ng asawa. Isinara niya ang cellphone at nagtuloy sa pagmamaneho.

Ilang oras pa ang nakalipas ay narating niya rin ang bahay ng kanyang Lola Rosemarie. Kahit na nagpupuyos ang damdamin ay sandali iyong napayapa nang maramdaman niya ang sariwang simoy ng hangin. Ipinark niya ang sasakyan sa bakuran kung saan may naglalaglagang tuyong dahon mula sa puno ng mangga.

“Ma’am Marie!” sabi ng may edad na ring kasambahay.

“Si Manang naman, sabing Marie na lang eh,” nakangiti namang wika niya.

“Tena, tena ho sa loob,” yaya nito. Inabutan niya ang kanyang lola na nagkakape sa tabi ng bintanang matatanaw ang likod bahay. May mga tanim din doon, ah… kung hindi lang nakakairita ang mister niya e ‘di sana kasama niya ito ngayon.

“Aba ang maganda kong apo! Ano ang pinag-awayan ninyo ni Liam?” biro nito.

Napakamot tuloy ng ulo ang babae, “Si lola naman. ‘Di naman po kami nag-aaway – “

“Naku, kilala kita ano. Tsaka, maano ba ay normal naman sa mag-asawa ang ganyan. Kami man ng lolo mo ay may hindi rin pagkakaintindihan noon. Halika meryenda na muna, nagluto si Manang Esme mo ng sotanghon.”

Tumalima ang babae at nagsabi na ng totoo, “Nakakainis po kasi. Late na siya umuwi noong nakaraan.. kesyo na-lowbat daw ang cellphone at napilitang mag-OT. Puro dahilan! Tapos kanina, ang simple-simple… sabi ko bumili ng atis sa grocery at parang masarap ang atis, wala raw! Imposibleng wala!” naghihimutok na sabi niya.

“Kaya nilayasan mo na muna?” natatawa ito.

“Opo. Okay lang po bang dito muna ako matulog? Ayoko siyang makita. Ewan ko ba lola, minsan ay gusto ko nang magsisi sa mga desisyon ko.”

“Sshh. Galit ka lang apo, alam mo ganyan rin ang magulang ko noon,” nakangiting wika nito tapos ay tumingin sa bintana. Halatang sariwa pa sa alaala nito ang nakaraan.

Taong 1939

Sampung taong gulang pa lamang si Rosemarie, nag-iisa siyang anak. Ang kanyang nanay ay may-ari ng patahian habang ang ama niya naman… hindi niya alam. Nang magkaisip siya ay wala na sa piling nila ang lalaki.

Mabuti na nga lang ay ka-pisan nila sa bahay ang kanyang Tita Gerda, kapatid ng kanyang ina. Ito ang kaagapay ng babae sa pagpapalaki sa kanya. Sa totoo lang, mas malapit siya kay Tita Gerda kaysa sa nanay niya.

Ang nanay niya kasi ay matigas, palaging negosyo ang nasa isip at seryoso. Tahimik ang babae at tila may kinikimkim. Habang ang Tita Gerda niya naman ay palabiro, ito ang laging nagtatali sa buhok niya at tinuturuan pa siyang magsuot ng stockings na patok na patok sa mga dalagang taga-Maynila noon.

“Gerda! Sampung taong gulang pa lamang si Rosemarie, pang-dalaga na iyang itinuturo mo sa bata. Ikaw? Pumanaog ka nga at ituloy mo ang pagbabasa sa terasa! Hindi iyong kung anu-anong inaatupag mo. Hindi naaayon sa iyong edad!” pinipigil ang sigaw na sabi ng kanyang ina.

Nagkamot ng ulo ang batang si Rosemarie, “Ang mamang naman. Hindi naman ho ako lalabas ng bahay, isinusukat lamang namin ni Tita Gerda ito. Kay ganda kasi-“

“Wag kang matabil, Rosemarie! Sundin mo ang sinasabi ko.” matapang na sabi ng kanyang ina kaya sumunod na lamang ang bata.

Habang tumatagal, lumalayo ang loob niya sa kanyang nanay. Pakiramdam niya kasi ay wala naman itong pakialam sa kanya. Hanggang isang gabi ay naringgan niyang nag-aaway ang dalawa. Nagkubli si Rosemarie sa kahoy na pader.

“Nasisiraan ka na ng bait, Gerda. Bakit ka pa pupunta ng Amerika? Delikado iyang iniisip mo,” sabi ng kanyang ina.

Bumuntong hininga si Tita Gerda, “Ano ba ang masama Gilda kung sundin ko naman ang kaligayahan ko? Makasarili ba iyon?”

Narinig ni Rosemarie na humikbi ang kanyang ina, “Makasarili? Ako pa talaga ang tatanungin mo ng ganyan? Marami akong nais na sabihin sayo, gusto kitang sumbatan alam mo ba? Pero mas nangingibabaw ngayon ang pag-aalala ko sa binabalak mo.”

Hinawakan ni Tita Gerda ang pisngi ng kanyang ina, “G-Gusto kong magka-pamilya. Gusto kong mabuntis, manganak… magpalaki ng bata. Gusto kong maging ina,” madamdaming wika nito.

Para namang hinaplos ang puso ni Rosemarie, karapatan naman ng tita niya iyon hindi ba? Hindi dahil kapatid ng Tita Gerda ang kanyang ina ay pwede nang hadlangan nito ang mga desisyon ng babae sa buhay. Oo nga naman, sino ba naman ang gustong tumandang mag-isa? Makasarili talaga ang nanay niya, hah! Baka nga kaya ito iniwan ng kanyang ama ay dahil rin sa ugali nitong iyon.

“Pamilya? Hindi mo ba kami pamilya Gerda? Ano kami ni Rosemarie sa iyo?” umiiyak ang nanay niya.

Mahabang katahimikan ang sumunod. ‘Di na narinig pa ni Rosemarie… tahimik siyang naglakad palayo dahil parang nakahalata ang dalawa na nakikinig siya.

Basta ang alam niya, ilang araw ang makalipas ay lumipad patungong Amerika si Tita Gerda. Masayang-masaya siya para rito habang para namang pinagbagsakan ng langit at lupa ang kanyang ina.

Naku, tiyak ni Rosemarie na doon kikitain ng tiyahin ang lalaking nagpapatibok sa puso nito. Paano kaya nakilala ng tita niya ang ma-swerteng binata… sa pamamagitan ng liham?

Nawala ang lahat ng magaganda niyang pangarap nang makalipas ang dalawang buwan ay umuwi ang kanyang tiyahin. Sinalubong pa nila ito sa airport, payat na payat ang babae at ni hindi magawang tumayo. Naka-stretcher ito at inaalalayan ng ilang guwardya.

Maputla ang labi nito at nangingitim ang ilalim ng mga mata. Nang makauwi ito sa bahay ay panay lamang ang tanaw sa bintana. Ang kanyang ina naman, iyak lang nang iyak.

“H-Hindi ba at nabanggit ko na? Delikado ang gagawin mo. Panginoon ko Gerda, ano ang gagawin ko kung mawawala ka?” wika ng babae.

Ngumiti ang kanyang tita at kahit hirap na hirap ay pinahid ang luha ng kanyang ina. Napansin siya nito na lumuluha rin sa isang gilid kaya sinenyasan siyang lumapit.

“T-Tita…”

Tumayo sa kama ang kanyang ina at lumabas sandali. Naiwan si Rosemarie at ang babae.

“Tita, ano ba po ang nangyayari? Hindi ba ho at malusog naman kayong umalis? Akala ko nga ho, pagbalik ninyo ay ipakikilala ninyo na ang inyong mapapangasawa. M-May sakit ka po ba?”

Umiling si tita Gerda, nakangiti. “Rosemarie, iingatan mo ang nanay mo ha? Napakabuti niyang tao,” bilin nito.

“A-Ang tita Gerda naman, ‘wag ka naman pong magsasalita ng ganyan. Hindi ko ho maisip ang buhay ko rito kung wala ka na. Isa pa, mas mahal kita kaysa sa mamang. Ikaw na nga ang itinuturing kong ina,” hagulgol niya.

Humigpit ang hawak nito sa kanyang kamay. “Bago ako mawala, may kailangan kang malaman. H-Hindi mo ako tiyahin,” umiiyak na sabi nito.

Gulat na gulat naman ang bata. Kaibigan lang ito ng nanay niya? Hindi kamag-anak? Puwes lalo siyang humanga dahil ubod ng bait at hindi siya itinuring na iba! Pero laglag ang panga niya nang marinig ang kasunod nitong sinabi.

“D-Dalawang taon ka pa lamang noon nang matuklasan kong, iba ako. Mahal ko si Gilda pero hindi na sa paraang inakala ko nang pakasalan ko siya. At hinahanap ko pala ay kapwa ko lalaki, nang malaman iyon ng iyong ina ay wasak ang puso niya. Pero tinanggap pa rin niya ako rito sa bahay. Dinaanan niya ang lahat ng sakit lalo pa nang magsimula na akong magdamit babae.

Nang lantaran na akong nagpapakita ng interes sa ibang lalaki, lahat. Nanatiling matatag ang iyong ina at naging sandalan ko pa tuwing mabibigo ako. Ganoon kalakas si Gilda, Rosemarie. Kasi ayaw niyang lumaki kang wasak ang pamilya… ganoon ka niya kamahal. Na kahit masaktan siya ay ayos lang. Oo Rosemarie, isa akong lalaki. At ako ang tunay mong ama…

Nang sabihin ko sa kanya noong nakaraang buwan na nais kong magpa-opera sa Amerika para maging ganap na babae, tutol siya dahil ako pa rin ang kanyang iniisip. Ako pa rin…”

Pag hagulgol nito ay humulas ang make-up, natitigan ni Rosemarie na mayroon na nga itong patubong balbas at bigote.

Laglag ang panga ni Marie habang nakikinig. Pinahid ni Lola Rosemarie ang luhang tuloy-tuloyna pumatak mula sa mga mata nito.

“A-Ano po ang nangyari pagkatapos noon?” tanong ng babae.

“Hindi rin nagtagal ang aking ama. Hindi kinaya ng katawan niya ang operasyon, hindi na naka-recover pa. Alam mo kasi apo noong mga panahong iyon ay kulang pa sa gamot at kagamitan. Kaya parang tine-testing pa lamang ang lahat ng bagay.”

“At kayo po? Kayo ng nanay ninyo?”

“Lalo kong minahal ang aking ina. Niyakap ko siya nang pagkahigpit-higpit at nagpasalamat sa pagsangga sa lahat ng sakit para lang sa akin.

Alam mo apo, ganoon ang tao ‘pag nagmamahal. Ibibigay talaga lahat. Kaya lang hindi naman lahat sinuswerte tulad ng nanay ko. Dahil doon, kapag natagpuan mo na ang taong mahal mo at mahal ka rin… ‘wag mo nang pakakawalan. Minsan lang yan,” nakangiting sabi nito.

Napatulala si Marie. Nabasag ang katahimikan nang biglang bumukas ang pinto at bumungad ang pawis na pawis na si Liam.

“U-Umangkas lang ako sa tricycle sa may bayan. Nag-bus ako papunta rito, pagkaalis na pagkaalis mo ng bahay ay sinundan agad kita pero ang hirap palang mag-commute. Kaya natagalan ako. Sorry na mahal-”

Hindi na natapos pa ng lalaki ang sasabihin dahil sinugod ito ng yakap ni Marie, “Sorry rin.”

Diyos ko po, na-realize niya na katiting na issue lang ay pinalaki niya pa. Tama si Lola Rosemarie, swerte siya dahil natagpuan niya ang kanyang asawa.

Nakangiting minasdan ng matanda ang mga apo.

Makalipas ang isang linggo ay natuklasan ng mag-asawa ang dahilan kung bakit naging matampuhin si Marie, aba naglilihi na pala sa kanilang panganay!

Advertisement