Mula nang isilang ang ngayo’y pitong taong gulang nang si Alicia ay wala siyang ibang naranasan sa sariling pamilya kundi pasakit. Hindi siya mahal ng kanyang lolo at lola- bunga kasi siya ng pananamantala.
Oo, ang balita sa buong baryo ay nilapastangan ng isang diyablo ang kanyang ina kaya bigla na lamang lumaki ang tiyan nito.
Nakatira sila sa liblib na parte ng probinsya, iilan lamang silang magkakapitbahay at ang mga tao ay malaki ang paniniwala sa mga laman lupa, engkanto at kababalaghan. Ang kanyang nanay na si Paulina ay kinagigiliwan ng lahat, marami ang nagtangkang manligaw rito dahil sadya itong maganda at mahinhin. Ubod pa ng bait- isang perpektong halimbawa ng magiging mabuting may bahay, ‘ika nga ng kabinataan.
Kaya ganoon na lamang ang pagkawasak ng puso ng mga taga-roon nang mabuntis si Paulina. Ayon dito, nanaginip daw ito isang gabi na nakahiga ito sa gitna ng kakahuyan. May humaplos sa binti nito na mabalahibong kamay at ang kasunod noon ay kadiliman- ‘di na nito namalayan ang nangyari. Basta raw paggising nito ay wala na itong pang ibaba at pawis na pawis.
Nang isilang si Alicia ay pula ang kanyang buhok, na ayon sa iba ay maaaring tanda ng apoy- ang kapangyarihan ng ama nitong demonyo. Hindi rin tulad ng sa mga ibang bata na kayumanggi, kasi ang kutis niya ay maputla.
“Nanay! Pwede po ba akong pumasok sa eskwela sa bayan? Kasi ay… naringgan ko ho sina Melchor na ihahatid daw ng tatay nila para mag-aral. Kaya ko naman hong maglakad na mag-isa sa kakahuyan-”
“Tumigil ka nga Alicia! Ang lakas ng loob ng batang ito na mag-isip ng ganoon, hindi mo ba alam na ikinahihiya ka namin?” wika ng kanyang lola.
Napatungo ang bata, “Edi maaari ko naman hong sabihin na hindi ninyo ako kaano-ano. Gusto ko lang po kasi talagang mag-aral.”
“Hah! Bakit pa? Gagastusan ka pa namin. Saan ka kukuha ng baon mo aber? At ng bayad sa proyekto sa eskwela kung sakali? Ni singko ay wala kang mapapala sa aking salot ka,” sabi naman ng kanyang lolo.
Tumingin si Alicia sa kanyang ina pero tulad ng dati, ‘di ito umimik. Tumayo ito mula sa pagtanaw sa bintana at lumuluhang pumasok sa kwarto.
“Anak!” sabi ng kanyang lola at sinundan ito.
“Ayan, bwisit ka kasi! Alam mo ikaw ang buhay na alaala sa kawawa naming si Paulina kung paano siya nilapastangan ng diyablo. Bakit ba kasi hindi ka pa nalaglag sa sinapupunan niya?” galit na sabi ng kanyang lolo.
Tila nagkataon naman dahil eksakto sa sigaw nito ay kumidlat nang malakas. Nasindak ang matanda, parang nagagalit ang ama ni Alicia na pinagagalitan ang supling nito.
Nagngingitngit na tiningnan ng masama ng lolo ang bata. Napaluha na lamang sa isang gilid si Alicia.
Lahat ng kamalasang nangyayari sa baryo ay isinisisi ng mga tao sa kanya. Malakas na bagyo, tagtuyot- lahat iyan ay iniisip nilang dala niya.
Hanggang sa isang hapon, pumalahaw ng iyak ang kanilang kapitbahay na si Aling Salve.
“Anak! Diyos ko po, gumising ka!”
Ilang araw nang inaapoy ng lagnat ang anak nito pero ‘di pa rin dinadala sa klinika sa bayan. Tanging mga dahon-dahon at kung anu-anong orasyon ang ginagawang panggamot dito. ‘Di na kinaya ng katawan ng bata kaya bumigay na.
Nagsiksik si Alicia sa isang gilid ng kanilang kubo dahil tiyak na siya na naman ang masisisi. Na siyang tama nga, kasi ilang sandali lamang ay galit na kumakatok sa kanila ang asawa ni Aling Salve.
Nang pagbuksan ito ng lolo niya ay may dala palang itak ang lalaki.
“Nasaan? Nasaan ang batang anak ng diyablo?!”
Napaatras ang lolo niya sa takot at nakita siya ng kapitbahay.
“M-Mang Dencio, ‘wag ho!” sabi ng bata.
Para siyang hindi naririnig ng lalaki, dire-diretso ito sa loob at hinaltak ang kanyang braso palabas.
Nanlaki ang mata ng bata nang makita ang mga kapitbahay na nasa tapat nila, may mga hawak na sulo.
“Bakit nag-abala pa kayo mga kapitbahay? Anak ng diyablo ang batang ito, sanay ito sa apoy!” wika ng lalaki.
“O edi ibalik na natin sa piling ng ama niya!” sigaw ng isa.
“Oo nga! Bago pa masundan ang nangyari sa anak mo! Maraming bata rito sa atin, tiyak kong maghahasik iyan!” udyok ng isa pa.
Itinali nila ang bata sa kawayan, ang lolo at lola ay walang pakialam na nakatanaw.
Iyak nang iyak si Alicia, isinisigaw ang pangalan ng kanyang ina. Pero wala ang babae, pumunta ito sa bayan kaninang umaga.
Nangangatog siya lalo pa nang dumampi sa kanyang balat ang apoy. Kitang-kita niya kung paano nasusunog ang kanyang mga paa. Nang umakyat iyon ay tuluyan na ring binawian ng buhay si Alicia.
Tupok na ang kanyang katawan nang dumating ang humahangos na si Paulina. Napaupo na lamang ito sa lupa. Tulala at tuloy-tuloy ang daloy ng luha.
Magsasalita sana ang isang kapitbahay pero natahimik ito nang makita ang lalaking nakatayo sa likod ng ginang.
Pulado ang mukha ng lalaki, tiim bagang at lumuluha. Katulad ni Alicia, pula ang buhok nito at maputla ang kutis. Mukha itong… kano.
“Where is my daughter?! What the hell did you do to my daughter?!” sigaw nito.
Walang nakaimik ni isa. Nagtatanong ang mata ng mga tao.
“N-Nay! Tay! Diyos ko patawarin ninyo ako! Napakamakasarili ko! Diyos ko po!” paulit-ulit na iyak ni Paulina. “Gawa-gawa ko lang ho ang kwento para ‘di ako malintikan sa inyo! Ang totoo ay kinikita ko sa bayan itong si Greg noon, isa siyang manlalakbay. Naging nobyo ko siya at nabuntis ako pero kinailangan niyang magbalik sa Amerika. Hindi ko malaman saan siya hahagilapin kaya naggawa-gawa ako ng kwento para iligtas ang sarili ko.
K-Kay Alicia ko rin naibuhos ang sama ng loob ko sa ama niya. Iniisip ko na tama lang na magdusa siya. Hanggang… hanggang bumalik si Greg at saka ko lang naipagtapat na may anak kami. Diyos ko po.”
Parang binuhusan ng malamig na tubig ang mga tao, tinapos nila ang buhay ng isang inosenteng bata.
Nabitiwan nila ang mga sulo at isa-isang napaluhod sa langit, humihingi ng kapatawaran. Gayon din ang lolo at lola na walang ipinakita sa bata kundi kalupitan.
Labis ang kanilang pagsisisi pero huli na.
Galit na galit si Greg maging kay Paulina, ipinakulong niya ang mga sangkot sa malungkot na sinapit ng kanyang anak.
Bawat tao ay may karapatang pumili sa nais na paniwalaan, basta siguruhin lang na hindi makakasakit ng iba. Laging tandaan, nasa huli ang pagsisisi. ‘Wag hintayin na buhay pa ang maging kapalit bago magising.