Sobrang lungkot ni Siena sa araw na iyon. Wala siyang ganang magtrabaho sa opisina. Maya-maya ay hindi na niya napigilan ang mga luhang pumatak sa kanyang mga mata.
“Please, tama na,” naibulong niya sa sarili.
Muli niyang ibinaling ang kanyang tingin sa harapan ng kompyuter ngunit wala talagang ibang pumapasok sa utak niya kundi ang kalungkutan. Ipinikit na lamang niya ang mga mata para patagong umiyak.
“Siena? May problema ba?” tanong ng kanyang supervisor na si Ms. Alcantara.
Dahan-dahang idinilat ng babae ang kanyang mga mata at nakita ang babae. Nakakunot ang noo nito, halos salubong na ang kilay.
“W-Wala po, ma’am,” sagot niya.
Mabilis na nag-ayos ng sarili si Siena. Napatingin din sa kanya ang mga ka-trabaho niya. Ang iba naman ay mahinang tumatawa.
“Ms. Castro hindi ka binabayaran ng kumpanya para tumunganga lang. Magtrabaho ka,” mahina nitong sabi ngunit may diin.
“Pasensya na po ma’am. May iniisip lang po ako.”
Hindi na sumagot pa ang babaeng supervisor at naka-ismid na umalis sa kanyang pwesto at bumalik sa mesa nito.
“Oy, Siena. Ano bang nangyayari sa’yo?” bulong ni Amy, isa sa mga ka-trabaho niya.
“W-Wala, Amy,” mahina niyang sagot. “Ayos lang ako.”
“Bakit ba parang puyat na puyat ka? Huwag mong sabihing nag-Facebook ka naman magdamag at nagselfie-selfie?
Biglang nanlaki ang mga mata ni Siena sa sinabi ng ka-trabaho. Ang kanyang buong katawan ay nagsimulang manginig.
“Selfie tayo!”
Kinilabutan si Siena nang may marinig siyang boses na nagsabing ‘selfie tayo’. Napalingon siya sa kanyang likuran. Napansin niya sa pintong salamin ang isang babaeng nakasuot ng puting damit. May mahabang buhok na tumatakip sa buong mukha nito. Kumakaway sa kanya ang babae. Tinatawag siya.
“Tara, selfie tayo!” wika ng babae na tumagos sa pintong salamin ang boses nito.
“Tama na!” sigaw ni Siena at biglang napaiyak. Hinablot niya ang kanyang bag na nasa tabi niya at binuksan ang zipper ng bulsa sa harapan. Mabilis niyang inilabas ang kanyang cell phone at pinindot ang camera icon.
“Ito na! Masaya ka na ba?” Itinaas niya ang kanyang kamay na may hawak na cell phone at itinutok ito sa kanya. Sa LCD screen ay makikita ang kanyang mukhang para bang papel na nilamukos.
“Ito na! Tigilan mo na a—“
Biglang may humablot sa hawak na cell phone ni Siena.
“Ms. Castro? Anong nangyayari sa iyo? Nasisiraan ka na ba?!” tanong ng kanilang supervisor.
“M-Ma’am. A-Akin na po yung cell phone ko. Kailangang-kailangan ko po iyan.” Pilit inaabot ni Siena ang kanyang cellphone na itinatago naman ng babae sa likuran nito.
“At bakit? Para magpicture?” Nanlalaki ang mga mata ng babae. Pati ang butas ng ilong nito ay lumalaki-lumiliit. “Para mag-selfie sa oras ng trabaho?”
“Ma’am. Hindi niyo po naiintindihan,” halos hindi na maintindihan ang sinasabi ng dalaga dahil sa paghagulgol nito. “Kailangan ko po iyan. Kailangan ko pong mag-selfie ngayon.”
Hindi maipinta ang mukha ni Ms. Alcantara sa inaasta niya.
“Sorry, pero alam mo naman ang patakaran sa opisinang ito na bawal gumamit ng cell phone kapag oras ng trabaho. Itatago ko na muna ito, kunin mo na lang sa akin mamayang uwian,” sabi ng babae.
Lalo siyang pinag-usapan at pinagtawanan ng mga ka-trabaho niya. Sari-saring bulungan ang narinig niya sa mga ito tungkol sa kanya. Muli siyang napatingin sa pintong salamin, naroon pa rin ang babaeng nakasuot ng puti at may mahabang buhok na napansin niyang papalapit na sa pinto at tangkang papasok sa loob ng opisina.
Tumayo sa pagkakaupo si Siena at nagmamadaling tinungo ang fire exit.
“M-Ms. Castro? Saan ka pupunta?” pasigaw na tanong ni Ms. Alcantara.
Hindi na siya narinig pa ng dalaga. Pababa na ito ng hagdan gamit ang fire exit ng opisina.
“Cell phone. Kailangan kong makahanap ng cell phone,” sabi ni Siena sa sarili.
Mabilis niyang narating ang ibabang bahagi ng gusali kung saan siya naroon. Dali-dali niyang nilapitan ang guwardiya na nagbabantay roon.
“E-Excuse me po. Pwede po bang makahiram ng cell phone?” tanong niya sa guwardiya.
“Aanhin mo ang cell phone hija?” tanong nito sa kanya. Sasagutin niya sana ang tanong nito ng may mga dumating na mga aplikante at kailangang asistehin ng guwardiya. Habang abala ito sa pagtsi-tsek ng bag ng mga aplikante ay mabilis niyang kinuha ang cell phone ng guwardiya na nakapatong sa mesa, ipinasok sa bitbit niyang bag at nagmamadaling umalis.
Hindi na lumingon pa si Siena. Tumakbo na lamang siya ng tumakbo, nais na makalayo sa mga tao upang makapag-selfie.
Hingal na tumigil ang dalaga. Gulo-gulo na ang kanyang buhok at marungis na ang kanyang magandang mukha dahil sa luha at sipon. Agad niyang tiningnan ang kinuhang cell phone. Lumang modelo na ito ngunit may camera naman. Pinindot niya ang camera icon.
“Maawa ka, tigilan mo na ako,” bulong niya sa sarili.
Pinindot niya ang buton para kumuha ng litrato.
Walang nangyari.
Muli niya itong pinindot.
Ngunit wala pa ring nangyari.
Nanginginig ang mga kamay na nilapit niya ang cellphone sa kanyang mukha.
Nang biglang isang malamig na braso ang yumakap sa leeg niya mula sa likuran. Nangingitim na ito, nabubulok na.
Hindi makakilos si Siena. Para bang nawalan ng lakas ang kanyang buong katawan.
Isang kamay ang lumabas mula sa kanyang likuran. May hawak-hawak itong cell phone. Isang cell phone na sira-sira. Itinutok ng kamay ang cell phone sa kanyang mukha. Sa LCD screen ng cellphone ay nakita ni Siena ang kanyang walang kulay na mukha. Nakita rin niya ang mukha ng babaeng nasa likod niya, ang babaeng nakasuot ng puti at may mahabang buhok na nakayakap sa kanya.
“Selfie tayo!” bulong sa kanya ng babae.
“Klik!”
Iyon ang huling narinig ni Siena bago siya binawian ng buhay. Hindi niya napansin na tumigil pala siya sa gitna ng isang malawak at abalang highway. Hindi niya narinig ang mga busina ng mga sasakyang dumadaan. Hindi niya narinig ang sigaw ng mga taong tumatawag sa kanya.
At hindi niya naramdaman ang pagtama ng isang pampasaherong bus sa kanyang balingkinitang katawan.
Sa bandang huli ay nakamtan ng babae ang hustisya. Ang babae ay si Marinela. Ang dating ka-opisina ni Siena na walang ginawa kundi pagtawanan at apihin ng dalaga. Noon ay may hinahangang lalaki si Marinela sa Facebook. Naging kaibigan nito ang lalaki at naging madalas ang pag-uusap ngunit hindi ipinapakita ni Marinela ang totoong hitsura sa kadahilanang nahihiya ito. Ang hindi alam ng dalaga ay may lihim din palang pagtingin si Siena sa lalaki. Sa sobrang pintasera ni Siena at sa nais na siraan si Marinela sa nagugustuhan rin niyang lalaki ay ikinalat niya ang totoong mukha ni Marinela sa Facebook. Nalaman iyon ng lalaki kaya ang resulta, iniwasan na nito si Marinela. At dahil mahal na mahal na ni Marinela ang lalaki ay napakasakit sa dalaga na tuluyan na siyang iwasan nito. Nang malaman ni Marinela ang ginawa ni Siena ay isinumpa nito ang dalaga na hindi papatahimikin hanggang sa nagdesisyong magpatiwakal ang dalaga.
Mula nang pumanaw si Marinela ay palagi na itong nagpapakita kay Siena sa tuwing nagtatangka itong mag-selfie. Bago kasi lagutan ng hininga ay isinumpa ni Marinela ang ka-trabaho habang binibigkas nito ang mga katagang…
“Ang pagiging mahilig mo sa selfie ang magpapahamak sa iyo. Sinira mo ako sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, titiyakin kong iyon din ang magdadala sa iyong katapusan.”
Maging maingat sa paggamit ng makabagong teknolohiya dahil maaari itong maging daan para makagawa ng kasamaan sa kapwa.