Di Ko Kayang Mabuhay Kung Wala Ka!
“Anak, hindi ba dapat dalawa kayong nag-aayos ng kasal na ‘yan? Bakit ikaw lang ang nakikita kong abala?” tanong ni Aling Norma, ang nanay ng dalaga.
“Ma, hindi naman. Ako lang talaga ang nakatoka, alam niyo naman po na sa bahay lang ako nagtratrabaho. Si Elvis ay palaging nasa opisina, kaya ako ang mas nakakagalaw,” paliwanag naman ni April habang kausap ito sa video call.
“Anak, alam kong gusto mo nang ikasal pero sana, hindi lang ikaw ang may gusto. Sana desisyon niyong dalawa ‘yan,” saad naman muli ni Norma at halatang malungkot ang boses nito.
“Ma, alam kong hindi po kayo boto kay Elvis, pero maniwala po kayo. Mahal ako nung tao at mahal na mahal ko rin po siya, kapit lang po kayo at magkakaroon na rin ako ng sarili kong pamilya,” masayang pahayag nito sa kaniyang ina.
“Sana nga, anak, mahal na mahal ka namin,” pahayag ng ale at saka natapos ang kanilang pag-uusap.
Sampung taon nang magkarelasyon sina Elvis at April. Kolehiyo pa lamang ang babae ay nahumaling na siya sa kaniyang nobyo. Kauna-unahang nobyo niya si Elvis at sa tinagal-tagal ng kanilang naging relasyon ay tanging ito lamang ang naging lalaki sa buhay niya.
Marami na silang pinagdaan, nagsama na rin sila sa iisang bubong bilang mag-asawa. Halos basbas na lang ang kulang kung susumahin kaya naman ngayon na isang buwan na lang ay sa wakas, makakapagsuot na ng trahe de boda ang babae at magiging legal na silang dalawa.
“Mahal, papasok ka na ba sa work? Tanghali ka na yata,” bati ni April sa kaniyang nobyo nang maabutan ito sa kanilang kwarto na nakatingin sa aparador.
“Gusto mo bang ipili kita ng damit?” dagdag pa ng babae at mabilis na tumayo kahit na pupungas-pungas pa ito.
“April, ayaw ko na,” mahinang wika sa kaniya ng lalaki. Narinig ito ni April ngunit sinubukan niyang balewalain. “Hindi, April, ‘wag, kalma ka lang,” paulit-ulit na niyang binubulong sa sarili.
“Itigil na natin ang kalokohang ito. Ayaw ko na, walang kasal na magaganap dahil may iba na akong mahal,” dagdag pa ni Elvis.
“Ibang babae na naman ba ‘to, Elvis? Ikakasal na tayo, kaya ayaw ko na ng problema,” matigas na sagot ng babae.
“Hindi ka pa ba napapagod na isalba ‘tong relasyon na ‘to? Ang tagal na nating wasak, April, ang tagal na nating naglolokohan. Pasensya ka na pero hindi ko na talaga kaya,” baling muli ng lalaki.
“Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka, Elvis. Mamata*y ako! Magpapakamat*y ako! ‘Wag mong gawin sa’kin to,” mabilis na sagot ni April at saka lumuhod si harapan ng lalaki. Umiiyak at hawak ang mga tuhod ni Elvis, nagmamakaawa.
“Ihahatid kita bukas sa nanay mo, hindi mo kailangan gawin ‘to. Maawa ka sa sarili mo, April. Hindi ganyang klase ng babae ang minahal ko noon. Masyado na tayong nasaktan, lumayo ang loob sa isa’t-isa, nasakal, nagsawa, nagmahal, sinubukan ulit pero hindi na talaga. Wala na, April, hindi kasal ang magsasalba sa atin, kung ‘di kalayaan. Pakawalan mo na ako, pakawalan mo na ang sarili mo,” saad niya sa babae at niyakap ito.
Hindi malaman ni April kung paano siya nakatulog ng gabing iyon. Hindi niya alam kung kailan mauubos ang mga luha na papatak sa kaniyang mga mata sa tuwing magkakaroon siya ng malay. Ayaw na niyang magising at gusto nang sumuko sa buhay.
“Anak, bangon na, tara na. Umuwi na tayo, may nakabili na nitong bahay niyo,” wika ni Aling Norma sa kaniya.
“Ma, hindi ko na kayang mabuhay pa. Wala na si Elvis, dapat mawala na rin ako,” umiiyak na naman na saad ng babae. Halos dalawang buwan na ang nakakalipas nang makaalis si Elvis sa kanilang tinitirhan. Nakansela na rin nila ang kasal at nailipat ang mga gamit ng lalaki.
“Binigay ko naman lahat. Simula ulo hanggang kaluluwa ko, binigay ko sa kaniya, mama. Pero bakit iniwan pa rin niya ako? Bakit ang sakit-sakit ng puso ko? Sobrang sakit na hindi na ako makahinga pa, hindi ko na alam kung kaya ko pa,” dagdag pa nito saka tinakpan ang kaniyang mukha habang nakasalampak sa sahig.
“Anak, inilabas kita sa mundong ito nang mag-isa at nabuhay ka lamang sa pagmamahal namin. Kaya alam kong kaya mo, nabuhay ka na noon na wala si Elvis kaya mabubuhay ka ulit kahit wala na siya,” sagot ng ale sabay yakap sa kaniyang anak.
Inuwi na niya si April sa kanilang bahay. halos limang taon na rin itong hindi nakauwi roon. Pagdating ng babae ay sinalubong siya ng kaniyang pamilya, gumaan ang kanyang pakiramdam at kahit papano ay naibsan ang sakit na nararamdaman. Inikot niya ang kanyang mga mata sa makukulay na dingding ng kanilang tahanan.
“Ako ba talaga lahat ng ‘yan?” tanong ni April habang namamangha sa kaniyang nakikita.
“Oo, anak, iyan ka nung wala pa si Elvis sa buhay mo. Iyan ka nung masaya pa kayo ni Elvis at naniniwala akong babalik ka sa dating ikaw kahit ngayong wala na kayo,” pahayag naman naman ni Mang Fidel, ang tatay ng dalaga.
Ngayon niya napagtanto ang buhay na pinagpalit niya para sa pagmamahal. Nakasabit sa kanilang dingding ang lahat ng mga medalya niya simula pagkabata. Consistent honor pala si April at nakapagtapos din bilang Summa Cum laude at isa rin siyang aktres sa teatro. Nagsusulat din siya ng mga kanta at tula noon na siyang kinalimutan niyang lahat noong pinili niya si Elvis.
“Anak, ang tamang pagmamahal, lalago ka bilang isang tao. Ihuhulma ka nito para maging maayos at mas maging mabuting tao hindi ‘yung hahatakin ka pababa,” dagdag pa ng kaniyang ama.
Nang unang mambabae noon si Elvis ay napagdesisyunan ni April na makisama agad sa nobyo kahit nga nag-aaral pa lamang sila. Takot na takot siyang mawala ang lalaki na hindi na niya namamalayang kinalimutan niya ang sarili. Wala siyang tinanggap na trabaho noon at mas pinili na sa bahay na lamang maghanap buhay para lagi niyang nababantayan ang lalaki. Hanggang sa naging mundo na niya si Elvis.
“Paano na, papa? May panahon pa ba ako? Hindi ba’t napaiwanan na ako dahil naubos na ang oras ko kay Elvis, wala na akong kwenta ngayon,” malungot na wika ni April.
“Hindi totoo ‘yan, anak, dahil nandiyan pa rin ang dating April. Wala kang dapat habulin, mabuhay ka lang sa ngayon, anak, at maging masaya. Dahil ‘yun ang importante, ‘yung masaya ka,” sagot naman muli ni Mang Fidel.
Niyakap na mahigpit ni April ang kaniyang mga magulang. Ngayon niya napagtatanto ang lahat ng mga bagay. Nabaliw siya sa pag-ibig na siyang naging kasiraan nilang dalawa kaya humantong sa hiwalayan. Masyado siyang nagmahal na ni kahit kaunti ay hindi na siya nagtira pa sa kaniyang sarili. Ginawa niyang mundo ang lalaking dapat itinuring niya lamang bilang tao.
Kaya ngayon, unti-unting bumabangon si April. Kasama ng kanyang pamilya at ng mga taong naniniwala sa talento at kakayanan niya. Mas nabigyan din niya ng panahon ang sarili at nakikipag-usap na siyang muli sa Panginoon.
“Ma, ‘pa, mas okay ako ngayon. Maraming salamat po sa inyo,” pahayag ni April sa magulang.
Ang pag-ibig at respeto, lahat ng ‘yan ay nanggagaling sa atin. Hindi sa ibang tao o sa kung sino pa man. Kaya kung gusto nating mahalin tayo ng taong mahal natin, mahalin natin ang sarili natin sa paraang gusto natin ituring tayo ng iba.