Marami sa mga nakakikilala kay Isko ang nagtaka kung sa papaanong paraan ay bigla na lamang itong yumaman nang husto. Noon kasi ay isang kahig, isang tuka ang araw-araw na buhay nito at ng kaniyang buong pamilya, na halos mahirap pa sa daga.
Maraming nagtatanong sa kaniya kung ano nga ba ang sikreto ng biglaang pagganda at pag-ayos ng buhay niya nang hindi namamalayan ng mga taong nakapaligid sa kanila.
Napuno ng kuro-kuro ang mga tsismosa. Lahat sila ay may kung anu-anong konklusyon ukol sa nangyaring iyon kay Isko, ngunit walang ni isa man sa kanila ang nakaaalam ng katotohanan…
“Inay… bakit ba ayaw akong tanggapin ng sarili kong ama? Bakit at paano niya natitiis na pabayaan tayong mawalan ng ulirat nang dahil sa matinding gutom? Paano niya nakakaya ʼyon, inay?” lugmok na lugmok ang noon ay disiotso anyos na si Isko habang kausap ang sariling ina. Kagagaling lamang niya sa bahay ng kaniyang tunay na ama, ngunit itinaboy lamang siya nitoʼt ni ayaw kilalaning anak.
“Pasensiya ka na, anak. Kasalanan ko ang lahat ng ito. Hindi kayang tanggapin ng ama mo na nagkaroon siya ng anak sa isang babaeng bayarang katulad ko,” lumuluha namang sagot ng kaniyang ina kay Isko.
“Inay, huwag nʼyo hong sisihin ang sarili ninyo! Hindi totoo ʼyan. Ang isang tunay na lalaki, hindi kayang abandonahin ang kaniyang pamilya nang dahil lang sa nakaraan nito. Huwag kayong mag-alala, ʼnay. Ako mismo ang magbabangon sa inyo sa hirap. Ako ang gagawa ng paraan para hindi tayo pumanaw sa mundong ʼto nang hindi man lang nakatitikim ng pagkaing masarap.”
Matapos ang pag-uusap nilang iyon ay ipinangako ni Isko sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat upang maialis ang kaniyang ina sa hirap na kanilang kinasasadlakan. Isinumpa niyang darating din ang araw na hindi na nila kakailanganin pang kumain ng tira-tira, galing sa basura, para lang hindi tumirik ang mga mata nula nang dahil sa gutom. Hindi na sila manghihingi pa ng tulong sa mga kakilala nilang halos ipagtabuyan sila sa tuwing silaʼy manlilimos.
“Anak, balak mong magnegosyo?” Gulat na gulat si Aling Linda nang sabihin ng anak na si Isko na balak nitong magnegosyo upang mayroon silang regular na kita. Tutal ay tuluyan naman nang tumigil ang binata sa pag-aaral nang makatapos ito ng highscool ay balak daw nitong magnegosyo na lamang.
“Opo, Inay.” Tumango si Isko.
“Pero saan naman tayo kukuha ng ipampupuhunan natin, anak? Alam mong wala tayong pera,” nalulungkot na sabi pa ni Aling Linda.
“Gagawa ho ako ng paraan, inay. Huwag ho kayong mag-alala.”
Matagal na pinag-isipan ni Isko ang gagawin bago siya nagpasiyang ituloy iyon. Alam niyang malaking sugal ang kaniyang gagawin, ngunit para sa kaniyaʼy isa naman talagang malaking sugal ang buhay at nasa sa iyo kung matatalo ka o mananalo. Anuʼt-ano man ang kahinatnan ng kaniyang mga gagawin, alam niyang may plano ang Diyos. Kayaʼt lahat ng iyon ay ipinagdasal na lamang niya.
Ibinenta ni Isko ang isa sa kaniyang mga bato o kidney. Doon ay nagawa niyang makakuha ng malaki-laki ring halaga bilang pampuhunan sa negosyong balak niyang itayo… walang iba kundi maliit na kainan. Naisip ni Isko na kapag pinagsama ang galing ng kaniyang ina sa pagluluto at ang kaniyang sipag at tiyaga at kaunting kaalaman sa pagnenegosyo na natutunan niya mula sa pag-o-obserba sa maraming tao ay baka sakaling maging matagumpay ang kaniyang plano… at doon ay hindi nga siya nagkamali.
Ang ilang bahagi ng kanilang kinikita sa kainan ay ipinapasok niya sa binuksan niyang account sa bangko upang magkaroon ng interes. Samantalang ang iba naman ay ipinaiikot niya sa kaniyang negosyo, habang ang iba ay ginamit niya upang makapagpatuloy ng pag-aaral ng vocational.
Sampung taon lang ang lumipas at talagang lumago nang lumago ang negosyo ni Isko. Kung dati ay walang pakialam ang kaniyang mga kakilala sa kanila, dahil walang-wala sila noon, ngayon ay halos dumagsa naman ang mga ʼdi umanoʼy ‘kaibiganʼ daw nila na palaging nagsasabing…
“Mayaman na kayo, baka kakalimutan nʼyo na ako, ha?”
Minsan ay napapailing na lang si Isko sa tuwing maririnig niya ang mga katagang iyon sa mga taong nagtaboy sa kanila noong silaʼy nangangailangan ng tulong, ngunit ipinagpapasa-Diyos na lamang niya iyon.
Ang mahalaga, ngayon ay maayos na ang buhay nilang mag-ina.