Inday TrendingInday Trending
May Kinabukasan Ba ang Katulad Kong Dukha?

May Kinabukasan Ba ang Katulad Kong Dukha?

“Oh, ʼnay, ano hong nangyari diyan kay bunso?” tanong noon ng binatilyong si Jared sa kaniyang ina, nang maabutang umiiyak ang kaniyang pitong taong gulang na bunsong kapatid habang ginagamot ng kanilang ina ang sugat nito sa tuhod.

“Hayun. Nag-aakyat na naman silang magbabarkada sa bakod noʼng bahay ng mayamang intsik diyan sa kabila. Edi ipinahabol sila sa aso! Ito tuloy ang napala ng kalapatid mo, dahil nadapa,” may inis namang sagot ng kaniyang ina.

“Ho?!” agad na nabigla si Jared sa narinig. “Ipinahabol sila sa aso?!” ulit pa niya sa sinabi ng ina.

Tumango si Aling Teresita bilang sagot sa nabibiglang tanong ng panganay na anak na si Jared. Napaigtad pa siya nang bigla na lamang nitong ibalibag ang bag nito sa sahig.

“Talagang napakasama ng ugali ng Mr. Choy na ʼyan, inay!” anas ng nanggagalaiting si Jared. “Por que ba mahirap lang tayo, kayang-kaya na niya tayong ganiyanin? Abaʼy mga bata ʼyon, ah!” dagdag pa ng binatilyo.

“Wala tayong magagawa, anak. Ganiyan na talaga ang turing sa atin ng mayayaman. Kaya nga pinipilit kong pagtapusin ka ng pag-aaral, para kahit man lang sana sa mga darating na taon ay makatikim tayo ng ginhawa…” Napabuntong hininga pa si Aling Teresita bago nagpatuloy. “Kaya sana, anak, pakiusap ko lang sa ʼyo, mag-aral ka nang mabuti at sikapin mong makatapos kahit kapos tayo sa buhay.”

Palaging pinaaalalahanan ni Aling Teresita si Jared at ang bunso nitong kapatid tungkol sa mga dapat at tamang gawi. Dahil doon ay ʼdi kailan man naging sobrang sakit sa ulo ni Aling Teresita ang kaniyang mga anak. Lumaki ang mga itong marunong sa dumiskarte at marunong umintindi, ʼdi tulad ng karamihan sa mga kabataan ngayon na kung hindi bulakbol ay maluluho naman kahit alam nang hirap ang kanilang mga magulang.

Sa katunayan ay matataas ang markang nakukuha ni Jared sa school kahit pa minsan ay mas pinipili nitong s-um-ideline sa paglalako ng gulay para matulungan si Aling Teresita.

“Bunso, bakit ba kayo umakyat doon sa bakod ni Mr. Choy?” baling ni Jared sa kanilang bunsong si Atoy.

“E, kuya, gusto lang naman po naming manghingi ng manggang naroon sa labas ng bakod ni Mr. Choy, e. Umakyat lang naman po kami para maabot ʼyong puno,” sagot naman ng bata sa kaniya.

Napapalatak si Jared. “Sa susunod, huwag na kayong pupunta sa lugar ni Mr. Choy, maliwanag ba? Gustuhin man nating ireklamo siya dahil sa ginawa niya sa inyo, wala tayong laban doon dahil mayaman ʼyon.”

Tumango na lamang si Atoy sa sinabi ng kaniyang kuya.

Kinabukasan sa eskuwela, napansin ng kaniyang guro ang pananamlay ni Jared habang nagkaklase. Hindi naman ganito ang binatilyo noon dahil isa ito sa pinaka-aktibo pagdating sa kooperasyon sa klase.

“Jared, may problema ka ba? Pʼwede kang magsabi sa akin,” tanong ni Mrs. Aguire sa binatilyong tulala.

“W-wala naman po, maʼam. May iniisip lang po,” sagot naman ni Jared.

“Ganoon ba? I-share mo naman kung anoʼng iniisip mo para naman gumaan ʼyang pakiramdam mo. Mukha kasing bigat na bigat ka na sa dinadala mo, e.”

“Maʼam, kasi po, naisip ko lang…” Humugot muna ng malalim na buntong hininga si Jared bago nagpatuloy. “Sa tingin po ba ninyo, may pag-asa pa ang katulad kong dukha?”

Napakunot-noo si Mrs. Aguire sa narinig mula sa bata. “Abaʼy oo naman, anak! Bakit mo naman naisip ang ganiyang bagay?”

“Parang ang imposible po kasi, e. Sobrang hirap po ng sitwasyon namin ngayon. Pati nga po ʼyong kapatid ko, napapahamak na sa tinitirhan naming iskwater. Napakababa po ng tingin sa amin ng mga taong nasa mas mataas na antas sa buhay,” malungkot pang hinaing ni Jared.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa, anak. Kung sa tingin mo, lahat ng taong nakapaligid saʼyo ay mababa ang tingin sa inyo, lagi mo sanang tandaan na narito ako at ang iba mo pang guro. Nakikita namin kung gaano ka kasipag na bata kayaʼt sigurado akong malayo ang mararating mo.”

At talagang hindi nga nagkamali ang guro sa kaniyang paniniwala sa binatilyong si Jared… dahil makalipas lamang ang ilan pang taon ay nasaksihan nila ang pagkakamit nito ng pinakamataas na parangal sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo, sa tulong na rin ng scholarship ng binata.

Ngayon nga ay pinag-aagawan na ng malalaking kompanya si Jared, at sigurado si Mrs. Aguire na ito na ang simula ng pag-ayos ng buhay ng pamilya nina Jared, Atoy at Aling Teresita. Patutupad na ni Jared ang pangarap niyang maialis ang kaniyang pamilya sa hirap, sa squatterʼs area.

Advertisement