Inday TrendingInday Trending
Bakit Ako Makikinig Sa Iyo?

Bakit Ako Makikinig Sa Iyo?

Bugbog na naman ang inabot ni Dan sa kaniyang Kuya Ashton. Nahuli na naman kasi siya nitong tumatambay sa kompyuteran habang oras ng klase, suot pa ang kaniyang uniporme.

“Kahit kailan talaga, hindi ka marunong makinig! ʼDi ba at sinabi ko na sa ʼyong tigilan mo na ang kabubulakbol mo? Bakit ba ganiyan kang bata ka?! Napakatigas ng ulo mo!” hiyaw ni Ashton na halos malagutan na ng litid sa sobrang pagsigaw.

“Palagi ka na lang sakit sa ulo. Paano ka ba titino? O baka naman gusto mong lumpuhin kita?!” banta pa niya, ngunit nanatiling walang imik ang binatilyong si Dan. “O, pagkatapos ngayon, wala kang masabi? Sabihin mo sa akin kung ayaw mo nang pumasok para hindi na kami nag-aaksaya pa ng pera at panahon sa ʼyo!” dagdag pa ni Ashton.

“K-kuya, alam mong ikaw ang idol ko,” mahina ngunit sapat lang para marinig ni Ashton na sabi ni Dan.

“Ano kamo?!”

“Kuya Ashton, alam mong yapak mo ang sinusundan ko simula pa noon… kayaʼt bakit ka pa nagtataka?”

Natigilan si Ashton sa narinig na sinabi ng kapatid. Pakiramdam niya ay tinakasan siya ng kulay sa sariling mukha. Hindi niya nagawang kastiguhin ang kapatid sa sinabi nito, dahil ang totoo ay hindi niya inaasahang sasabihin nito iyon.

“Kuya, bago mawala noon si Papa, sinabi mo sa akin na gagawin mo ang lahat para maging pinakamahusay na kuya. Inidolo kita. Lahat ng ginagawa mo ay ginagawa ko rin. May matataas kang grades, may maayos kang reputasyon sa school, may maganda kang pangarap at may maayos na kinabukasang naghihintay sa’yo noon… hanggang sa dumating ang araw ng aksidente ni papa na siya niyang ikinapanaw. Simula noon, nagbago ka na!” mahaba pang litanya ni Dan kay Ashton habang patuloy sa pagdugo ang pumutok nitong labi dahil sa suntok ng kaniyang kuya.

“Simula nang sirain mo ang buhay mo, hindi mo inisip kung ano ang madarama nina mama o naming mga kapatid mo. Kaya, bakit ka magtataka kung ganito ngayon katigas ang ulo ko? Ikaw ang unang naging ganito, kuya, kaya bakit ako makikinig saʼyo?”

Matapos sabihin iyon dali-daling pumasok si Dan sa kaniyang kwarto at nag-lock ng sarili. Samantalang si Ashton naman ay nanatiling tulala sa mga narinig na kataga ng kapatid.

Nagtungo siya sa banyo ng kanilang bahay at naghilamos ng mukha, nang hindi inaasahang mapagmasdan niya ang kaniyang sarili…

Kilala noon si Ashton bilang isa sa pinakamalinis at gwapong estudyante ng kanilang campus. Dapat lang, dahil doktor ang kanilang ama at pinalaki sila nitong malinis sa katawan. Ngunit sa nakikita niya ngayong repleksyon niya sa salamin ay para bang hindi na niya makilala pa ang kaniyang sarili.

Pinarumi na ng ibaʼt ibang klase ng tattoo ang kaniyang mga braso, dibdib at likuran. Pinaitim na ng sigarilyo ang datiʼy mapupula niyang labi at pinabigat na ng hinagpis, galit at panghihinayang ang kaniyang kamao kaya ngayon ay nagagawa na niyang pagbuhatan ng kamay ang kapatid na si Dan. Nang mga sandaling ʼyon ay natauhan si Ashton sa kaniyang mga kasalanan. Agad niyang kinatok si Dan sa kwarto nito para kausapin.

Nang pagbuksan siya ni Dan ng pintuan ay agad niya itong dinamba ng yakap na agad namang ikinagulat ni Dan.

“Patawarin mo ako, bunso. Nabulag ako ng lungkot. Hindi ko namalayang kasabay pala ng pagsira ko sa buhay ko ay ang pagsira ko na rin sa buhay ng mga taong nagmamahal sa akin, lalo na ikaw. Patawarin mo ako,” umiiyak na sabi niya sa kapatid na tila naestatwa naman sa kinatatayuan nito dahil sa mga ikinilos at sinabi niya.

“K-kuya Ashton!” Ilang sandali pa ay tumugon na sa yakap niya ang kapatid ay doon ay agad na bumuhos ang kanilang emosyon. Animo sila nagbaliktanaw sa madalas nilang gawin noong sila ay pawang mga bata pa.

Matapos ang pangyayaring iyon ay muling inayos ni Ashton ang kaniyang sarili. Itinuloy niya ang kaniyang huling taon sa kolehiyo upang ipakita kay Dan na kung kaya niyang gawin iyon ay kakayanin din ng kapatid. Lalong nagtibay ang kanilang samahan at walang pagsubok na silang hindi nalalampasan.

Labis ang naging tuwa ng kanilang ina sa kinahinatnan ng dalawang magkapatid at sigurado sila na kahit wala na ang kanilang ama ay natutuwa ito kahit na saan mang lugar ito naroroon ngayon.

Advertisement