“Nanay, bili po tayong ice cream!”
Narinig ni Aling Josie ang matinis na kampanilya ng mamang sorbetero kaya naman lumabas sila ng bahay upang ibili ng sorbetes ang kaisa-isa niyang anak na si Monmon. Nakita nilang maraming kalalakihan ang bumibili ng sorbetes.
“Manong, isa nga hong tsokolate,” sabi ni Aling Josie.
“Naku ineng, pasensya ka na, naubusan na eh…” nangingiming sabi ng sorbetero.
“Ang bilis naman ho,” reklamo ni Aling Josie. Parang kanina lamang ay nakapila pa rito ang mga lalaki sa kanilang eskinita.
“Ito kasi ang huling eskinita na napuntahan ko. Kanina pa ako naglalako,” paliwanag ng mamang sorbetero. Binuhat na nito ang kariton at umalis na.
Ikalawang beses na ito na nauubusan ng sorbetes si Aling Josie sa tuwing magpapabili sa kaniya si Monmon. Nagtataka naman siya kung bakit napakabilis maubos ng tindang sorbetes ng mama.
Sa mga nagdaang araw, napansin ni Aling Josie na sa tuwing darating ang mamang sorbetero, dumadagsa rito ang kalalakihan, lalo na ang mga tambay, lasenggero, manunugal, at mga kilalang durugista. Kapag bata at babae ang bumibili, sinasabi nitong ubos na ang sorbetes. Naghinala si Aling Josie na may kakaiba sa paninda ng sorbetero.
Ikinuwento niya ito sa kanilang kapitbahay na si Aling Tale.
“Napapansin mo ba yung sorbeterong nagtitinda rito? Wala ka bang napapansin sa kaniya?” tanong ni Aling Josie sa kapitbahay.
“May napapansin ako sa kaniya. Puro mga lalaki ang kaniyang customer. Kapag bata at babae ang bumibili, lagi niyang sinasabi na wala na. Nakakapagtaka, hindi ba?” tugon ni Aling Tale.
“Naku, pareho tayo nang naobserbahan. Sa palagay ko ay may kakaiba sa itinitinda ng sorbeterong iyan. Ang mabuti pa, ipagbigay-alam natin sa awtoridad para sila ang makaalam.”
Sinabi ni Aling Josie sa punong barangay ang kanilang obserbasyon.
“Baka naman nagkakataon lamang, kayo naman. Wala naman kayong matibay na ebidensyang may mali sa itinitinda niya. Pero sige, iimbestigahan namin iyan,” sabi ng punong barangay.
Ngunit dumaan ang ilang linggo at hindi nagtinda ang mamang sorbetero sa kanilang lugar. Naisip ni Aling Josie na baka nakatunog ito kaya minabuti na lamang na huwag nang ituloy ang pagtitinda. Ikinatuwa ito ni Aling Josie.
Isang hapon, nagulat na lamang si Aling Josie nang marinig niyang muli ang batingting ng maliit na kampanilya ng sorbetero. Katulad ng dati, dinumog ito ng kalalakihan. Puro mga lalaki ang bumibili sa kaniya.
Tinawag niya si Aling Tale na noon ay nag-aalaga ng kaniyang apo.
“Aling Tale, nandiyan na naman yung sorbetero. Anong gagawin natin? Subukin kaya nating bumili? Kapag hindi tayo napagbilhan, tawagin na natin si kapitan. Malakas ang hinala ko na may kakaiba sa ice cream niya,” hikayat ni Aling Josie.
“Ano sa palagay mo ang itinatago niya?” tanong ni Aling Tale.
“Malay mo may bawal na gamot pala sa ice cream, o kaya sa apa. Kaya puro mga lalaki ang bumibili. Halika na…” aya ni Aling Josie sa kapitbahay. Karay-karay ni Aling Tale ang apo. Nagtungo sila sa sorbetero. Katulad ng dati, tinanggihan sila nito.
“Ubos na ang ice cream ko. Sa susunod na lang,” nakangiting sabi ng sorbetero.
“Nakakapagtaka naman na kapag babae at bata ang bibili, lagi kayong walang stock. Ano ho ba ang tunay ninyong itinitinda manong? May itinatago ho ba kayo?” kompronta ni Aling Josie.
“Oo nga. Nakakahalata na kami sa iyo. Anong meron sa ice cream mo at puro mga lalaki lang ang pinagbibilhan mo? Siguro may bawal na gamot iyan ‘no?” bintang ni Aling Tale.
Kitang-kita ang pamumula sa pisngi ng sorbetero. Lumabas ang mga butil ng pawis sa noo nito. Maaaring dahil sa init o dahil sa sinabi ng dalawa.
“Anong sinasabi ninyo? May katibayan ba kayo sa ibinibintang ninyo sa akin?” tanong ng sorbetero sa dalawang ginang. Dumating na rin ang punong barangay kasama ang mga tanod nito.
Inanyayahan nila ang sorbetero sa barangay hall upang pagpaliwanagin. Isiniwalat nito ang lihim ng kaniyang ice cream.
“Para lang po sa mga lalaki ang aking ice cream. May kakaibang flavor po kasi ito,” pag-amin ng sorbetero at ibinulong sa punong barangay. Natawa naman ito nang marinig ang sinabi ng sorbetero.
“Sige, bigyan mo ako ng ice cream mo. Titingnan ko kung mabisa sa misis ko,” sabay kindat ng punong barangay sa sorbetero.
Ang ice cream pala na itinitinda ng sorbetero ay para sa mga lalaki dahil may flavor ito na pampagana sa pakikipagtal*k! Ibinebenta lamang ito ng sorbetero sa mga ama ng tahanan, lalo na sa mga hindi na “tinatayuan” ng kanilang kaibigan.
Natawa na lamang ang dalawang ginang sa nalaman at nagpasyang sa ibang sorbetero na lamang bumili ng ice cream.