Inday TrendingInday Trending
Sarili, Mahigpit Na Kalaban

Sarili, Mahigpit Na Kalaban

“O, anak, nakasimangot ka na naman d’yan! Ano na namang problema mo?” pang-uusisa ni Aling Lotty sa anak na nakahiga sa sofa at tulalang nakasimangot sa kisame.

“Paano kasi, mama. Nagdadalawang-isip isip ako kung itutuloy ko pa ang pangingibang-bansa ko,” sambit ni Mary saka nilamukos ang kaniyang mukha.

“Bakit naman? Eh, handa na lahat ng kailangan mo doon, diba? Araw ng pag-alis mo na nga lang ang hinihintay mo,” tanong pa nito saka naupo sa tabi niya.

“Eh, mama, baka hindi ko kaya ang trabaho doon. Tapos kilala mo naman ako, iyakin. Baka malungkot ako doon maigi tapos hindi rin ako makapagtrabaho ng maayos,” pangamba niya saka tinakpan ng unan ang kaniyang mukha.

“Naku, Mary, huwag mo isipin ‘yan! Kaya mo ‘yon!” pagpapalakas ng loob ng kaniyang ina. “Hindi ko makakaya ‘yon, mama!” pagsalungat niya.

“Bahala ka d’yan, oportunidad na ang lumapit sa’yo, aayaw ka pa! Aalis na ako, tanghali na, wala pa tayong ulam!” paalam nito, naiwan namang tulala pa rin ang dalaga. Labis niyang iniisip ang kaniyang sitwasyon.

Nag-iisang anak at tanging pag-asa ni Aling Lotty ang dalagang si Mary. Maaga kasing sumakabilang buhay ang ama nito at simula noon ay siya na ang kumayod para sa kinabukasan ng dalaga. Laking pasasalamat niya namang marunong ito sa buhay at patuloy na kumikilos upang matupad ang kaniyang pangarap.

Noon pa man, nais na ng dalagang makapagtrabaho sa ibang bansa bilang isang nars na ngayo’y abot kamay na niya. Ngunit tila nagdadalawang-isip siya dahil alam niya ang hirap na maaari niyang maranasan na paghiwalay niya sa kaniyang ina.

Tinitimbang niyang maigi kung ano ba ang makakabuti sa kanila ng kaniyang ina ngunit tila palaging lumalabas na ang pagpunta niya sa ibang bansa ang tanging magreresolba ng kanilang kahirapan.

Maya-maya pa, bumukas na ang kanilang pintuan. Buong akala niya’y nanay niya ito ngunit pagkakita niya, isang dalagang kamukha-kamukha niya dahilan upang mapabalikwas siya sa pagkakahiga. May dala-dala pa kasi itong kutsilyong may dugo sa dulo nito.

“Si-sino ka?” takot na tanong niya rito.

“Ako ay ikaw at nandito ako para bigyang linaw ang pag-iisip mo. Nararapat na tumuloy ka na sa pag-aabroad, huwag lang inutil, Mary. Dugo at pawis ang pinuhunan natin dito, ngayon ka pa ba aatras?” sambit nito saka tinuro ang dugo sa hawak niyang kutsilyo, “Huwag kang duwag, kung magpapakaduwag ka, mas mabuti pang tapusin ko na ang buhay mo, at ako na lang mabuhay para sa pangarap mo!” dagdag pa nito saka tumakbo patungo sa kaniya habang akmang isasaksak sa kaniya ang kutsilyong hawak nito.

“Mama!” ang tanging nasigaw niya na lamang at laking gulat niya nang may sumampal sa kaniya.

Pagmulat niya, agad niyang tiningnan ang katawan kung may tama nga ba siya ng kutsilyo. Napagtanto niyang panaginip lang pala ‘yon at tanging sarili niya ang maaaring makatapos sa buhay niya.”Nananaginip ka na naman, kung ako sa’yo kumilos ka na d’yan at ihanda ang ulam na nabili ko,” sambit ng kaniyang ina.

Agad naman niya itong niyakap at mangiyakngiyak na sinabing, “Mama, tutuloy na po ako.”

“Sigurado ka na ba d’yan?” paninigurado ng kaniyang ina.

“Opo, napagtanto ko sa panaginip ko na sarili ko pala talaga ang mahigpit kong kalaban. Dahil sa pangangamba ko, muntik ko pang hindi matupad ang pangarap ko,” paliwanag niya dito saka siya nito niyakap nang mahigpit.

Hindi nagtagal, nakaalis na nga ang dalaga. Nalulungkot man siya kung minsan, ang tangi niya laging iniisip, “Para sa pangarap ko at para sa mama ko, gagawin ko lahat ng makakaya ko.”

Lumipas ang mga buwan at nasanay na rin ang dalaga sa buhay doon. Tuwing gabi, palagi niyang tinawagan ang ina upang kamustahin. Labis naman ang saya nito dahil sa wakas, nagbunga na ang lahat ng kaniyang pagsasakripisyo at paghihirap para sa anak.

Unti-unting nakaipon ang dalaga hanggang sa makabili na sila ng sariling bahay. ‘Ika niya, “Kung nagpatalo pala ako sa sarili ko, bukod sa hindi ko maaabot ang pangarap ko, hindi ko pa masusuklian lahat ng paghihirap ni mama para sa akin.”

Simula noon, hindi na muling kinuwestyon ng dalaga ang kaniyang sariling kakayahan. Bagkus labis pa siyang nagtiwala sa sarili. Dahil alam na niya ngayong ang sarili lamang niya ang tanging makakapagpaangat at makakapagpabagsak sa kaniya.

Madalas nababalot tayo ng mga pangamba. Nawa’y lagi nating isaisip, basta’t nagtiwala tayo sa ating sarili, walang pangarap ang hindi natin makakamit.

Advertisement