Inday TrendingInday Trending
Sa Muli Nating Pagkikita

Sa Muli Nating Pagkikita

“Ah, eh, yung pa-pa-plano po ng Diyos ay hi-hindi kailanman maka-ka….” hindi na natapos ni Wilbert ang kaniyang sinasabi sa kanilang talakayan dahil sa labis na tawanan ng kaniyang mga kaklase, napaupo na lamang siya at bahagyang natungo dahil sa kahihiyan.

“Hoy, Wilbert! Nasa kolehiyo ka na, bulol ka pa rin! Baka gusto mong ipahila sa nanay mo ‘yang dila mo para tumuwid!” kantyaw ni Franco dahilan upang magsihagalpakan ang kanilang mga kamag-aral.

“Oo nga! Kapag hindi mo ‘yan pinahila panigurado, wala kang makukuhang magandang trabaho kahit pa tapos ka ng kolehiyo!” panunukso pa ng isa niyang kamag-aral na si Velric dahilan upang umalma na ang binata.

“Hi-hindi to-totoo yan! Magtata-tatagumpay a-ako sa buhay!” depensa nito saka hinampas ng kamay ang lamesa. Todo saway naman ang kanilang guro ngunit hindi sila nagpatigil.

“A-a-asa ka!” sabay na ‘ika ng dalawa saka malakas na naghagalpakan dahilan upang umalis na ng silid ang binata kahit hindi pa tapos ang kanilang klase. “Pikunin!” habol pa ng dalawa.

Palaging laman ng tuksuhan ang binatang si Wilbert. Tila pilipit kasi ang dila nito at palaging nabubulol sa tuwing nagsasalita. Matalino naman ang binata ngunit palagi siyang naaapektuhan ng mga tukso dahilan upang kung minsan, hindi niya naisin pumasok.

Nang malaman ito ng kaniyang ina, kaagad siyang pinalipat ng unibersidad na pag-aaralan. Sayang naman daw kasi ang talino ng kaniyang anak kung maaapektuhan lamang ng mga mapanghusgang mga estudyante.

Labis namang nalungkot ang dalawang magkaibigan nang malaman ito. Wala na kasi silang pagtatawanan at kukutyain.

“Nakakainis naman, umalis pa si Wilbert! Ang lamya tuloy ng talakayan kanina, ano? Wala man lang tayo nakantyawan!” iritableng ‘ika ni Velric sabay kamot sa kaniyang ulo.

“Oo nga, eh. Hayaan mo na, panigurado naman ako, kahit saan dalhin ng nanay niya ‘yon, pagtatawanan pa rin ‘yon! May wisyo na, bulol pa rin!” tugon naman ni Franco saka sila malakas na nagtawanan.

Lumipas ang tatlong taon at tuluyan nang nakapagtapos ng kolehiyo ang dalawang magkaibigan. Ganoon na lamang ang saya nila nang mahawakan na ang kanilang diploma.

Ngunit tila doon pa lang pala nagsisimula ang kanilang pagsubok sa buhay. Kahit kasi nakapagtapos na sila, hirap silang makahanap ng trabaho. Sa katunayan nga, isang taon na simula noong makapagtapos sila at hanggang ngayon, wala pa silang trabaho. Bukod kasi sa may mga bagsak silang grado, hindi nila makayanang makapagsalita ng ingles at natatameme tuwing iniinterbyu na sila.

“Nakakainis naman! Bakit kasi hindi ako marunong mag-ingles! Tapos nabablangko pa ako kapag iinterbyuhin na!” inis na sambit ni Velric habang naglalakad sila patungo sa susunod nilang aaplyang kumpanya.

“Ayos lang ‘yan, sigurado naman akong hindi lang tayo ang nakakaranas ng ganito. Ano na lang yung nararanasan ni Wilbert, diba? Sigurado ako wala pa ring trabaho yung bulol na ‘yon!” tugon naman ni Franco ngunit nagulat siya ng bigla siyang patigilin ng kaniyang kaibigan.

“Sa-saglit, si Wilbert ba yung nasa dumaang kotse? Ayun o, papasok na ng gusaling pag-aaplyan natin!” hindi makapaniwalang sambit nito.

“Asa namang si Wilbert ‘yon!” sagot niya saka nagpatuloy sa paglalakad, hindi pa rin makapaniwala ang kaniyang kaibigan at napatigil pa sa harap ng sasakyang binabaan ng sinasabi niyang si Wilbert.

Pagkapasok na pagkapasok nila sa gusaling ‘yon, nakita na nila agad si Wilbert, may kausap itong isang foreigner at nag-iingles sila.

Gulat na gulat ang dalawa. Hindi nila alam ang gagawin, kung magtatago ba sila o magpapanggap na doon nagtatrabaho.

“Baka mag-aapply rin ‘yan! Halika, lapitan natin!” bulong ni Franco.

Nilapitan nga nila ito at laking gulat nila nang magsalita ito ng diretso. Napangiti naman ito nang makita silang gulat na gulat.

“Mag-aapply ka rin ba dito?” pagbasag ni Franco sa katahimikan.

“Ah, hindi, hindi naman sa pagmamalaki, pero ako ang may-ari nito, mag-aapply ba kayo? Halika, doon tayo sa opisina ko,” halos mabato ang dalawa sa mga narinig, hindi sila parehas makapaniwala na ang dating bulol nilang kaklase, may-ari na ng isang kumpanya at magiging boss pa nila.

Nagdalawang-isip na si Franco kung tutuloy pa, tila malaking kahihiyan ito sa kaniyang pagkalalaki pero agad siyang sinalunghat ng kaibigan at sinabing humingi na lamang sila ng tawad dito at panigurado, magkakatrabaho na sila. Dahilan upang sumunod sila sa naglalakad na lalaking halata ang tagumpay sa buhay.

Pagkadating nila sa opisina nito, agad nitong kinuha ang kanilang mga requirements at tinatakang, “Hired” na labis na ikinagulat ng dalawa.

“Wilbert, hindi mo man lang ba kami papahirapan? Hindi ka ba galit sa panunukso namin sa’yo noon?” pagtataka ni Franco.

“Hindi, sa katunayan nga dapat pa akong magpasalamat sa inyo. Kayo kaya ang naging inspirasyon ko para magpursigi sa buhay. O, sige na, marami pa akong gagawin, eh. Magsimula na kayo bukas, bawal ang late, bawal ang maloko. Galingan niyo!” sambit ni Wilbert saka sila tuluyang lumabas ng opisina.

Ganon na lamang ang konsensyang bumalot sa dalawa. Ang lalaking niloloko nila ngayon ay siyang tumulong sa kanilang magkatrabaho. Kaya naman upang makabawi, ginawa ng dalawa ang lahat ng kanilang makakaya upang maging maayos ang kanilang trabaho.

Sa huli, naging magkakaibigan ang tatlo at hindi sa trabaho natatapos ‘yon, kahit pa wala na sila sa trabaho, paminsan silang lumalabas upang magkamustahan.

Bukod sa natuto na ang dalawa, nagkatrabaho pa sila’t nagkaroon ng bagong kaibigan.

Mag-ingat kung sino ang iyong ibababa dahil mapaglaro ang tadhana, baka bukas kainin mo lahat ng panghuhusga mo sa kaniya.

Advertisement