Inday TrendingInday Trending
Ang Batik-batik Kong Katrabaho

Ang Batik-batik Kong Katrabaho

“Hoy, batik! Halika nga dito! Sabi sa’yo ibigay mo itong mga dokumento kay boss, eh. Mamaya niyan ako na naman papagalitan dahil sa’yo!” bulyaw ni Merly sa bago niyang katrabaho.

“Saglit lang po, Mrs. Merly. Marami ka pa pong inuutos sa akin, eh. Hindi pa po ako tapos dito sa mga pinapa-photocopy mo. Saka may pangalan po ako, hindi batik,” sagot naman nito saka inabot sa kaniya ang mga dokumentong mainit-init pa mula sa photocopy machine.

“Kanina ko pa kasi ‘yan inutos sa’yo tapos hanggang ngayon hindi mo pa naaasikaso. Inuna mo pa kasi ang pagkain mo kanina kaysa sa mga importanteng dokumentong ito. Dapat malaman mong mas importante ito kaysa sa sikmura mo! Saka wala akong pakialam sa pangalan mo! Mas bagay sa’yo ang batik! Tingnan mo nga yang balat mo parang aso, may batik batik na puti!” tugon nito dahilan upang mapatungo ang dalaga, “Kung ako sa’yo sumunod ka na lang para hindi kita mapagalitan at para hindi ako makapagalitan!” sigaw niya pa dito dahilan upang bilisan nito ang pagkilos.

Matagal nang nagtatrabaho sa isang sikat na kumpanya si Merly. Sa katunayan nga, marami na siyang nahawakang empleyado. Maayos naman ang pakikisama niya sa mga ito pwera na lamang sa bagong empleyadong dumating.

Tila mainit ang dugo niya dito dahil bukod sa mabagal ito kumilos, palagi pa itong nawawala at kapag tinanong niya kung saan ito nanggaling, palaging sagot nito, “Kumain lang po ako” o kung minsan “Uminom lang po ako,” na labis na nagpapataas sa kaniyang dugo.

Ito marahil ang dahilan kung bakit ganito na lang ang pakikitungo niya sa bagong empleyadong ito. Madalas rin kasi siyang napapagalitan dahil sa mga kapalpakan nito.

Kinabukasan, nakatanggap muli ng sermon si Merly sa kaniyang boss dahil hindi pa rin pala naibigay ng bagong empleyado ang dokumentong kailangan nito. Agad niyang hinanap ang dalaga ngunit hindi niya ito makita. Nangagalaiti na siya sa galit. Sinuyod niya ang buong gusali makita lamang ang dalagang ‘yon.”Nakakainis! Baka kumakain na naman ‘yon! Oras ng trabaho puro tiyan ang inaatupag!” sambit niya sa sarili.

Napadaan siya sa kanilang kantin at nakita niyang pumasok sa palikuran ang dalaga. Nagmamadali ito at parang kinakapos ng hininga. “Baka nabulanan, ayan katakawan mo ‘yan!” bulong niya sa sarili saka sinundan ang dalaga upang sermunan.

Pagkapasok na pagkapasok niya sa palikuran, nagsimula na siyang magbunganga ngunit tila ubos na ang kaniyang mga sasabihin, hindi pa rin lumalabas ng cubicle ang dalaga dahilan upang silipin na niya ito sa itaas.

Labis ang kaniyang pagkataranta nang makitang wala na itong malay. Agad-agad siyang tumawag ng tulong at sa kabutihang palad naman, nadala kaagad sa ospital ang dalaga.

Doon niya nalaman ang sakit nito sa balat na tinatawag na vitiligo na kapag na-istress siya ay dumadami at kapag hindi niya na nakayanan ang stress, kinakapos siya ng hininga dahilan upang mawalan siya ng malay.

Ganoon na lamang ang pagkakonsensyang naramdaman ni Merly nang malaman lahat ng ‘yon. Doon niya napagtanto lahat ng masasama niyang pang-aalipusta dito na marahil nakadagdag sa stress na nararamdaman ng dalaga.

Habang hindi pa nagkakamalay ang dalaga, matiyaga niya itong binantayan. Isinantabi niya muna lahat ng kaniyang trabaho sa kadahilanang nais makabawi dito.

Maya-maya pa, nagising na ito at nagulat na siya ang kasama niya sa ospital. Dali-dali itong tumayo dahil akala niya’y muli siyang sesermunan ng ginang.

“Ayos lang, magpahinga ka lang d’yan. Nais kong makabawi sa’yo, kaya babantayan kita. Mag-relax ka lang, hindi kita sesermunan,” sambit niya saka hinimas ang noo ng dalaga, ngumiti lamang ito sa kaniya saka muling ipinikit ang mata.

Ilang araw lang ang nakalipas, nakalabas na ng ospital ang dalaga. Muli siyang pumasok sa trabaho at imbis na sermon ang abutin niya sa kanilang boss, papuri ang kaniyang nakamit.

Labis itong humanga sa kaniya dahil sa kabila ng kaniyang karamdaman, ginagawa niya pa rin ang kaniyang trabaho. Labis naman ang saya na nararamdaman ni Merly sa papuring nakamtan ng dalaga.

Simula noon, mas nakilala niya ang dalagang batik. Elisa pala ang pangalan nito. Nalaman niya ring kada nawawala pala ito, nagpupunta ito sa banyo upang maghilamos para kahit papaano, makalma ang kaniyang emosyon.

Nangako ang ginang na gagabayan niyang lubos ang dalaga. Nais niya itong tulungan magtagumpay sa bahay katulad ng ibang mga empleyadong dumaan sa kaniyang kamay.

Hindi naman nagtagal, na-promote ang dalaga sa trabaho. Kasama na siya ngayon ni Merly sa opisina bilang sekretarya nito na labis namang ikinatuwa ng dalawa.

Madalas dahil sa mapanghusga nating bibig, nakakasakit na tayo ng hindi natin nalalaman. Mangyari lamang na maging mas maingat tayo sa mga salitang binibitawan natin, nang sa gayon, walang taong labis na maaapektuhan.

Advertisement