Mag-aalas onse na at natataranta na si Celia sa pag-uwi ng kanyang asawang si Lino. Lasinggero kasi ang mister at nasisiguro niyang lango na naman ito sa alak at maaaring mapagbuntungan siyang muli. Ilang sandali pa nga ay dumating na ang asawa.
“Ipaghanda mo ako ng kape,” sambit ni Lino sa asawa. Agad namang sumunod si Celia.
Pagkainom ni Lino ng kape ay napabuga ito. “Anong klaseng kape ‘to, Celia? Kape ba ang tawag mo rito? Malamig at ubod ng tamis!” galit na sambit ng mister. Sa galit ay ibinalibag nito ang baso. Hindi na alam ni Celia kung saan magtatago dahil alam niyang bugbog na naman ang aabutin niya sa asawa.
Hindi nga siya nagkamali. Rinig ng mga kapitbahay ang pang-aabusong ginagawa sa kanya ng asawa. Kahit na ganito ang ginagawa kay Celia ng mister ay hindi pa rin niya magawang iwanan ito. Umaasa pa rin kasi ang ginang na titigil isang araw si Lino sa kanyang bisyo at manunumbalik ang kanilang pagmamahalan. Ngunit tila malayo na ito sa katotohanan.
Isang araw ay nahuli niya ang kanyang asawa na nag-uwi ng babae. Nakita pa niya ito mismo sa kanilang silid na may ginagawang milagro. Sa galit ay kinaladkad palabas ni Celia ang ibang babae ng asawa. Imbes na kampihan at aluhin ni Lino ang asawa ay kinampihan pa niya ang kanyang babae.
Pinagbuhatan niya ng kamay si Celia dahil sa nagawa nito. Lubusan ang hinanakit na nararamdaman ng ginang. Ngunit nang humingi naman ng tawad si Lino sa kaniyang nagawa ay agad niya itong pinagbigyan.
Ang akala niya ay doon na matatapos ang kasalbahihan ng asawa ngunit pagbabalatkayo lamang pala ito. Wala pa kasing tatlong araw ay bumalik na muli ang mister sa kaniyang pag-inom at pambabae. At sa tuwinang nalalasing siya ay si Celia ang kaniyang hinaharap.
“Lino, maawa ka naman sa akin. Hindi ko na kaya ang mga ginagawa mo. Nasasaktan ako!” pagmamakaawa ni Celia. “Ano ba ang nagawa ko sa’yo at lagi mo akong pinagbubuhatan ng kamay?”
“Dahil malas kang babae ka! Simula nang napangasawa kita ay nagkandaletse-letse na ang buhay ko! Kaya tama lang ‘yan sa’yo! Hindi ko nga alam kung bakit nananatili ka pa rito. Hindi ka na lang umalis!” sigaw ng mister.
Sa pagkakataon na iyon ay nawalan na siya ng pag-asa na magbabalik pa ang dating ugali ng asawa. Tila nilason na rin ng alak ang katinuan nito.
Kinabukasan ay nabalitaan ni Lino sa isang kainuman na may isang banyaga daw na nais na bumili sa asawa niya. Tinawanan lamang ito. “Kahit ibigay ko na lang sa kanya ng libre! Tutal wala namang pakinabang ang babaeng ‘yon. Ni hindi na nga ako nagagandahan sa kanya. Siguro ay nais ng amerikano na ‘yon na gawing alipin ‘yang si Celia dahil sa itsura niya!” natatawang samabit ng lalaki.
Nang magtagpo si Lino at ang banyagang bumibili sa kaniyang asawa ay agad nya itong ipinagbili sa lalaki kahit hindi pa niya ito lubusang kilala. Nagbayad ng dalawampu’t limang libong piso ang banyaga.
Nang malaman ito ni Celia ay halos isumpa niya ang asawa. Lubusan ang kaniyang pagsisisi kung bakit noon pa man ay hindi niya nagawang iwan ito.
“Napakademonyo mo talaga, Lino! Diyos na ang bahala sa’yo sa lahat ng ginagawa mo sa akin,” umiiyak na sambit ng ginang.
“Ang dami mong satsat. Sumama ka na sa ‘kanong ‘yan at binayaran ka na niya sa akin,” giit ni Lino. Sapilitang isinakay ng mga kalalakihan si Celia sa sasakyan at dinala ito sa tinutuluyan ng kano.
Walang ginawa si Celia kundi umiyak ng mga panahon na iyon. Lubusan ang takot na kanyang nadarama ng makaharap niya ang amerikano.
“Pagmamay-ari na kita, Celia,” wika ng amerikano. Laking gulat nya na marunong itong magtagalog. Ngunit nababahala pa rin siya sa kung ano ang gustong gawin sa kaniya ng lalaki.
“Ano bang gusto mong gawin sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagmamaltrato na ginawa sa akin ng asawa ko? Ginawa nyo akong hayop! Binenta at binili n’yo ako,” walang tigil sa pag-iyak si Celia.
“Hindi ko nga alam sa asawa mo bakit dalawamput limang libo lamang ang halaga mo. Handa akong magbayad ng mahal, Celia, para sa kalayaan mo,” wika nito. Nagtaka ng husto si Celia at natigilan ito sa pag-iyak.
“Hindi mo na ba ako nakikilala, Celia. Ako ito, si Thomas. Ako ang dati mong kaklase noong hayskul,” pag-amin nito.
Si Thomas ay laging binubully noong hayskul dahil ang balita sa paaralan ay dating babaeng bayaran daw ang kanyang ina at nabuntis ito ng isang amerikano. Dahil dito ay naging tampulan na siya ng tukso. Ngunit lagi siyang ipinagtatanggol ni Celia sa mga kaklase. Dahil dito ay nahulog ang loob ng binata kay Celia at mula noon ay hindi na niya ito nakalimutan.
Nang matagpuan si Thomas ng kanyang ama ay dinala ito sa Amerika at doon na nakapagtapos at nagkatrabaho. Nang mabalitaan ni Thomas mula sa isang kaibigan ang nangyayaring ito kay Celia ay buo ang kaniyang loob na ibalik sa ginang ang kabutihan na ginawa nito dati sa kaniya. At dahil na rin magpa-hanggang ngayon ay minamahal niya ang babae.
“Hinanap kita at alam kong hindi ka ibibigay sa akin ng iyong asawa kaya minarapat ko na lang na bilhin kita sa kaniya. Huwag kang mag-alala, Celia, dahil nakaganti ka na sa asawa mo. Marahil sa mga oras na ito ay nasa kulungan na siya,” sambit ni Thomas.
“Ang pera na ginamit ko sa’yo ay magiging ebidensiya sa mga pulis. Patunay itong binenta ka sa akin. Patutunayan din natin na minamaltrato ka niya upang sa gayon ay mabulok siya ng tuluyan sa bilangguan. Huwag ka nang matakot, Celia, narito ako. Handa akong tulungan ka,” saad ng ginoo.
Napaiyak na lamang ng matindi si Celia. Ang akala niya ay tuluyan nang malulugmok ang kaniyang buhay sa hirap na kaniyang dinaranas. Hindi niya alam na ang kabutihan palang nagawa niya noon ang magsasalba sa kaniya ngayon.
Tuluyan na ngang nakalaya si Celia sa mapang-aliping kamay ng dati niyang asawa. Sa tulong ni Thomas ay napakulong at hinatulan ng korte si Lino ng panghabambuhay na pagkakabilanggo ngunit tatlong taon pa lamang siyang nakakulong ay binawian na ito ng buhay dahil sa kumplikasyon sa atay.
Naging maganda naman ang pagtrato ni Thomas kay Celia. Nahulog na rin ang loob ng babae sa ginoo at napagdesisyunan nilang magpakasal. Naging maligaya ang kanilang pagsasama. Hindi akalain ni Celia na isang araw ay mararanasan niyang muli ang umibig. Ibinigay ni Thomas sa kaniya ang pagkalinga at pagmamahal na dapat ay noon pa niya naranasan.
Laking pasasalamat na lamang din niya sa mapait na nakaraang naranasan niya kasama ang dating asawa. Kundi dahil dito ay baka hindi niya na nakitang muli si Thomas, na siya palang magbibigay sa kaniya ng panghabambuhay na kaligayahan.