Tila isang katuparan ng mga pangarap ni Lilian ang pagkakakilala niya sa binatang si Harold. Lahat na yata ng hinahanap niya sa isang lalaki ay matatagpuan niya sa binata. Kagagaling lamang kasi ni Lilian sa isang matinding hiwalayan. Malapit na kasi silang ikasal ng dating kasintahan, ngunit gabi bago ang nakatakdang petsa ng kanilang pag-iisang dibdib ay nakita niya ang mapapangasawa sa silid ng hotel na kanilang tinutuluyan kasama ang kaniyang matalik na kaibigan na nagniniig.
“Ang kapal ng mga mukha niyo! Talagang tinaon nyo pa sa gabi ng kasal natin, Jake! Ikaw, Diane, paano mong nagawa ito sa akin?” sigaw ni Lilian habang pinagahahampas niya ang dalawa.
Gumuho lalo ang kaniyang mundo sapagkat hindi niya akalain na ang matalik na kaibigan at isa pa sa mga abay ng kaniyang kasal ang gagawa sa kaniya nito. Lubusan pa ang kaniyang hinanakit nang iatras na ng lalaki ang kaniyang kasal dahil ang totoo daw ay ang babaeng kaniyang kasama sa silid ang nais niyang mapangasawa.
Halos pagsakluban na siya ng langit at lupa sa sakit at kahihiyan na dinanas. Sa puntong ito ay gusto na lamang niyang tapusin ang sarili niyang buhay. Matagal siyang nagkulong sa kaniyang silid. Buong araw lamang siyang umiiyak at halos walang ganang kumain. Nakakatulog siya sa kakaiyak at sa kaniyang paggising naman ay maalala niya ang pait ng pangyayari sa kaniya kaya muli na naman siyang luluha. Dahil dito ay hindi na magawa na maniwala pa sa pag-ibig.
Nang magising siya sa pagkakahimbing ay hindi niya akalain na isang araw ay may darating sa buhay niya na tulad ni Harold na paiibigin siya at muling bubuksan ang kaniyang puso na pinatigas na ng panahon.
Matipuno at magandang lalaki itong si Harold. Bukod sa angking niyang pisikal na kaanyuan ay mabuti din ang kalooban nito. Matalino at nagmamay-ari ng isang kumpanya kaya masasabing maganda ang kinalalagyan nito sa lipunan. Kaya hindi akalain ni Lilian na magkakagusto sa kaniya ang binata.
Kung magkakaroon man sila ng tampuhan ay agad siyang sinusuyo ng binata. Ginagawa nito ang lahat upang hindi na magalit pa sa kaniya si Lilian. Araw-araw niya itong dinadalhan ng bulaklak at paborito nitong mga pagkain na tila nililigawan pa rin niya ito. Hindi rin nagkukulang ang binata ng oras para sa kanilang relasyon kahit na abala ito sa kaniyang trabaho. Palagi niyang inuuna ang dalaga sa lahat ng kaniyang ginagawa. Si Lilian ang kaniyang prayoridad.
Higit sa lahat ay wala nang gaganda pa sa nobya sa mga mata ni Harold. Hindi alintana ng binata ang dami ng magagandang babaeng nakapalibot sa kaniya. Tanging kay Lilian lamang nabibighani itong si Harold. Dahil dito ay hindi naging problema ni Lilian ang tiwala sa kanilang relasyon sapagkat sigurado siya sa katiwasayan ng kanilang pagsasama.
Hindi nagtagal ay nais na ni Harold na lumagay sa tahimik kaya niyaya na niya si Lilian na magpakasal. Tutal ay wala namang makakahadlang sa kanila at wala na siyang hahanapin pa kay Harold ay pumayag na rin itong magpakasal.
“Hindi ko alam na may isang tulad mo ang darating sa buhay ko. Sa lahat ng aking pinagdaanan ay halos hindi ko na ninais pang umibig muli. Ngunit pinatunayan mo sa akin na hindi ako dapat sumuko sa pagmamahal,” sambit ng dalaga.
“Hindi kita lolokohin, Lilian. Ikaw ang ang iibigin ko pangako ko ‘yan sa’yo,” saad naman ni Harold sa kasintahan habang hinahagkan ito.
Natuloy na rin ang araw ng kasal. Walang mapaglagyan ang dalawa ng kanilang kaligayahan. Napakaganda ni Lilian habang suot niya ang kaniyang pinapangarap na trahe de boda. Habang sa altar naman ay nag-aabang sa kaniya ang kaniyang matipunong mapapangasawa. Ilang sandali na lamang ay magiging maybahay na siya nito.
Habang naglalakad sa altar ay hindi maiwasan ni Lilian na isipin na ang kanilang magiging buhay ni Harold. Naglalaro sa kaniyang imahinasyon ang pamilyang matagal na niyang pinangarap na mabuo. Masaya at puno ng pagmamahalan.
Nakalapit na si Lilian sa altar at sinimulan na ng pari ang seremonya. Naglagay sila ng singsing sa bawat isa at sinabi nila ang kanilang mga pangako. Puno ng pag-ibig ang tagpong iyon.
“Ngayon ay kasal na kayo. Maari mo nang halikan ang iyong asawa,” wika ng pari kay Harold.
Nang hahalikan na ni Harold si Lilian ay nagising ito mula sa kaniyang pagkakatulog. Hindi napigilan ni Lilian ang pag-agos ng luha sa kaniyang mga mata dahil ang lahat ng ito pala ay isang panaginip lamang. Nakita na lamang niya ang kaniyang sarili na nasa ospital.
“Anong ginagawa ko rito?” pagtataka ng dalaga.
“Sinubukan mong kitilin ang sarili mong buhay, Lilian. Buti na lamang ay nakita ka kaagad ng kapatid mo kaya nadala ka namin dito sa ospital,” pahayag ng ina. “Alam kong walang kasing lungkot ang pinagdadaanan mo ngayon, anak. Pero sana ay isipin mo rin ang iyong sarili at kaming pamilya mo. Narito kami at mahal ka namin. Kasama mo kaming babangon,” sambit pa niya sabay yakap sa anak.
naliwanagan ang isipian ni Lilian. Hindi naman mawala sa kaniyang gunita ang laman ng kaniyang panaginip. Nanghihinayang man siya sa lalaking nagparamdam muli sa kaniya ng pag-ibig ay laking pasalamat pa rin niya na nabigyan siya nito ng isang hindi inaasahang pag-asa na magpatuloy na mabuhay at huwag matakot sumugal muli sa pag-ibig. Sapagkat isang araw ay maaaring dumating din ang tunay na nakalaan para sa kaniya. Ang taong magmamahal sa kaniya higit pa sa kaya niyang ibigay.