Inday TrendingInday Trending
Pangarap Lang Kita

Pangarap Lang Kita

Nakamasid na naman mula sa malayo si Kurtney. Mula sa 3rd floor ay tanaw na tanaw ng dalaga ang lalaking matagal ng hinahangaan.

“Hoy! Alam mo hindi na ako magugulat kung isang araw bigla nalang matunaw ‘yang si Joel, eh araw-araw mo ba namang titigan mula sa malayo! Hoy Kurtney, alam mo bang medyo ang creepy mo na? Ilang taon na ba ‘yang pagpapantasya mo dyan sa lalaking ‘yan ha?” sunod-sunod na talak na naman sa kanya ng matalik niyang kaibigan na si Princess.

Matagal na silang magkaklaseng tatlo. Siya, si Joel at si Princess. Nasa elementarya pa lamang ay magkakasama na sila, at simula pa noon ay may gusto na si Kurtney sa binata.

“Shh! Huwag ka ngang maingay! Baka may makarinig sa’yo, ano ba?” pabulong na bulyaw ni Kurtney kay Princess. Napaikot naman ng mata si Princess sa narinig sa kaibigan.

“Seryoso ka ba? Tingin mo ba, sa dalas mong tunawin sa mga titig mo ‘yang si Joel, ay hindi pa alam ng lahat ng nandito na matagal ka ng p*tay na p*tay sa lalaking ‘yan? Hoy, sinasabi ko sa’yo Kurtney ha, ‘yung utak ginagamit ‘yan ha? Hindi dini-display, okay?” sarkastikong saad ni Princess sa kaibigan. Napapagod na rin kasi ang dalaga sa ilang taon ng katangahan ng kaibigan sa lalaking hindi naman ito pinapansin. Nagmumukhang timang lang ang matalik niyang kaibigan.

Ayaw rin naman ni Kurtney na makialam pa siya, at bilang respeto sa gusto ng kaibigan ay syempre, kahit gustuhin man niya, ay hindi siya gumagawa ng hakbang para may mangyari naman kahit papaano sa kanilang dalawa. Dalagang Pilipina pa kasi ang ugali ni Kurtney, napakahinhin at hindi marunong lumandi, kaya naman hanggang titig lang ang kaya nitong gawin. Puro mga pasimpleng pasulyap-sulyap, minamahal niya nalang mula sa malayo ang binata.

Kung tutuusin ay madali lang namang magustuhan si Kurtney ng kahit na sinong lalaki. Maganda, matalino at mabait ang dalaga. Ang tanging malaking problema lamang talaga sa dalaga ay ang hindi ito nagkakapagsalita sa harap ng taong gusto nito. Madalas lang itong nakangiti habang nakatingin sa binata. Para bang biglang nalulunok nito ang sariling dila sa hiya, kaya naman paano malalaman ni Joel ang nararamdaman niya diba?

“Class, this is Michelle. Transferee siya galing sa kabilang unibersidad. Simula ngayon ay magiging kaklase niyo na siya. Be nice to her, okay?” pagpapakilala ng prof nila sa isang petite at maputing babae. Singkit ito at nakatali ang mahabang buhok.

“Ah Kurtney, maari bang lumipat ka na muna sa tabi ni Mark. Si Michelle na muna ang katabi ni Joel for the meantime. Since si Joel naman ang president ng klase natin, ikaw na ang inaatasan ko para maging pamilyar si Michelle sa unibersidad natin. Siya na muna ang partner mo Joel, okay lang ba sa inyong dalawa iyon?” tanong ng prof nila sa kanilang dalawa. Napatingin naman si Joel kay Kurtney na para bang tinatanong kung ayos lang ba ito sa kanya.

Ngumiti naman si Kurtney at tumango, “Yes, ma’am.”

Tumayo siya at lumipat sa tabi ni Mark. Habang nagkaklase ay pasimple siyang sumusulyap sa dalawa. Masayang nag-uusap ang dalawa na labis namang ikinasama ng kanyang loob.

“Nako! Mukhang may bago kang kaagaw kay Joel mo bes!” pang-aasar pa ni Princess kay Kurtney. Sumimangot lang ang dalaga sa sinabi ng kaibigan.

“Ikaw naman kasi! Anong panahon na ngayon o, hindi na uso ang dalagang Pilipina Diyosmiyo ka! Pag hindi ka pa kumilos, baka tuluyan nang mawala sa’yo si Joel mo,” paalala niya pa sa kaibigan. Bagama’t madalas niyang biruin at asarin si Kurtney ay ayaw niya naman na masaktan at may pagsisihan ito sa huli.

Sa totoo lang, kahit naman kasi hindi palasalita si Kurtney at madalas ay nakangiti lang kapag kasama si Joel ay halatang malapit sa isa’t isa ang dalawa. Kaya rin siguro hindi maiwasan ng dalaga na kahit papaano ay umasa na may pag-asa silang dalawa.

Sa katunayan ay maari naman kasi ang may gusto kay Kurtney, sadyang nakatutok lang ang mga mata ng kaibigan kay Joel simula nang mga bata pa sila. Para bang ito lang ang nakikita niya sa mundo. Ayon kasi sa dalaga ay nasa binata na ang lahat ng gusto niya sa lalaki, ito daw ang pangarap niya.

At sa hindi ring malamang dahilan, ay gaya din ni Kurtney, ay hindi pa rin nagkaka nobya si Joel kahit isang beses. Siguro dahil na rin sa palagi itong abala sa eskwelahan. Honor student kasi ito at sobrang tutok sa kanyang pag-aaral dahil isang skolar ang binata.

“Ayokong mawala siya sa’kin bes. Ayokong mapunta siya sa iba. Lahat gagawin ko, kung kailangang tanggalin ko ‘tong hiya ko sa katawan ay gagawin ko. Tulungan mo ako,” napangiti naman si Princess sa sinabi ng kaibigan.

Nagsimulang mag-ayos at magpaganda si Kurtney. Sinusubukan niya na ring magsalita ng madalas. Napapansin na din ni Joel ang mga pagbabago sa dalaga.

“Gumaganda kang lalo ngayon ha? At napapansin ko ring madalas ka na ring magsalita ngayon, madami ang natutuwa sa pagbabagong pinapakita mo,” nakangiting puri ni Joel kay Kurtney isang hapon habang pauwi na silang dalawa. May practice pa kasi sa volleyball si Princess kaya naman nauna na silang dalawa.

Napatigil naman si Kurtney sa paglalakad, ito na siguro ang matagal niya ng hinihintay na pagkakataon. Aaminin niya na sa binata ang matagal niya ng nararamdaman.

“Oh bakit? Anong problema?” tanong ni Joel ng mapansin na tumigil ang dalaga sa paglalakad. Huminga naman ng malalim si Kurtney at buong tapang na nagsalita.

“Simula pagkabata hanggang ngayon, ikaw lang ang nakikita ng mga mata ko. Hindi ko na din alam kung paano ba talaga nagsimula, basta alam kong simula pa lang nang una, ikaw na ang pangarap ko. Sadyang mahina lang ang loob ko at likas na mahiyain, lalo na kapag ikaw ang kaharap ko, kahit gustong-gusto kitang kausapin ng kausapin, para bang bigla ko nalang nalulunok ang dila ko,

“Kaya naman nakokontento nalang ako sa pagtanaw sa’yo sa malayo. Alam ko, napakat*nga ko, napakaduwag ko. Pero anong magagawa ko di ba? Ganito lang talaga ako, at alam ko namang pangarap lang talaga kita eh. Pero wala na akong pakialam, kasi sa unang pagkakataon, nakahanap na ako ng lakas ng loob na sabihin sayo ang nararamdaman ko,” tumingin siya sa mata ng binata at binigkas ang mga salitang matagal niya ng gustong sabihin sa binatang minamahal.

“Mahal kita Joel. Matagal na kitang minamahal,” kasabay ng pagkawala ng mga salitang iyon sa kanyang bibig ay ang pagkawala din ng mga luhang kanina pa nagbabadyang tumulo sa kanyang mga mata.

Lumapit sa kanya ang binata at niyakap siya ng mahigpit na labis niyang ikabigla. Tumingin ito sa kanya at ngumiti ng malaki.

“Ikaw talaga, matagal ko nang alam. Kaya nga ginagawa ko parati ang best ko sa lahat ng bagay, dahil alam kong parati kang nandyan at nakatingin sa’kin. Alam kong kahit kailan ay hindi ako nag-isa dahil alam kong parati kang nandyan at nakatitig sa’kin, parati kitang kasama sa lahat ng bagay,” hindi naman inaasahan ng dalaga ang sinabi ni Joel kaya napatingin lamang siya sa binata at halatang hindi makapaniwala sa sinabi ng binata na bahagyang nakapagpatawa ng marahan sa binata. Tila ba aliw na aliw ito sa reaksyon ng dalaga.

Hindi na napigilan ni Joel ang kanyang sarili at ninakawan ng halik sa pisngi ang dalaga na mas lalong nagpabigla kay Kurtney, “Mahal din kita Kurtney. Ikaw din ang matagal ko ng pangarap,” puno ng sinseridad na pahayag ni Joel. Makikita ang saya sa mga mata ng binata.

Muling naglalagan ang mga luha sa mga mata ni Kurtney, pero sa pagkakataong ito ay luha na ito ng labis na kaligayahan.

Niligawan ni Joel si Kurtney, hindi naman na nagulat si Princess sa ibinalita ng dalawa. Matagal niya na din namang alam na may gusto si Joel sa dalaga, sadyang torpe lang ang g*go. Masaya siya para sa dalawa niyang kaibigan.

Makalipas lang ang isang taon ay sinagot na din ni Kurtney si Joel. Naging masaya ang relasyon nila, hindi man perpekto ay parati naman nilang ginagawa ang lahat ng makakaya nila para maayos ang mga nagiging problema nila. Tiwala at pag-unawa ang naging pundasyon ng kanilang relasyon.

Madalas sa buhay natin ay nangangarap tayo, pero wala naman tayong ginagawa para makuha ang pangarap na ito. Nakokontento na lamang tayo na nakatingin lang at patuloy na pangarapin lamang ito. Kaya kahit abot-kamay lang naman natin ang pangarap na ito ay walang nangyayari, nawa’y gaya ni Kurtney ay makahanap tayo ng lakas ng loob na harapin ang mga kahinaan natin at magpursige para makamit natin ang ating mga pangarap.

Advertisement