Mga Sikretong Liham ni Papa
Maagang gumising si Leah nang araw na ‘yon. Takip silim pa lamang ay handa na ito upang magluto para sorpresahin ang ina sa kaarawan nito. Nagluto siya ng espesyal na agahan para sa kanilang dalawa. Labis kasi ang pagmamahal niya sa kaniyang ina na mag-isa siyang pinalaki at pinag-aaral.
“Good morning, ma! Maligayang kaarawan mahal kong, mama! Halina sa kusina niluto ko ang paborito mong almsual!” bati ng bente anyos na dalaga sa ina.
“Naku, anak ko. Talagang naghanda ka pa ah. Maraming salamat, nak. Tandaan mong ikaw ang kasiyahan ni mama,” sagot naman ng kaniyang ina na si Belinda.
Simula pagkabata, hindi na nakilala ni Leah ang ama niya. Kahit na noon ay lagi niya itong hinahanap, palagi namang sagot ng kaniyang ina na pumanaw na ito. Kaya naman, mag-isang inaaruga ni Belinda ang kaisa-isang anak na si Leah.
“Ma, dahil linggo ngayon, huwag ka munang magpakapagod ha? Hayaan mong ako ang gumawa ng lahat ng gawaing bahay!” masayang alok ni Leah sa ina. Lagi kasi siyang nasa dorm dahil siya ay nasa kolehiyo na at minsan na lamang makasama ang ina dahil sa dami ng mga ginagawa sa paaralan.
Nakatitig lamang ang ina sa anak nang bigla na lamang itong mapaluha sa sobrang saya.
“Ang saya ng ganitong buhay. Ang magising na inaabangan ka ng taong pinakamahalaga sa puso mo. Salamat po Panginoon sa anak ko,” dasal ng ina sa isip.
Natutuwa man sa anak ay tumanggi si Belinda sa sinabi nitong ito na ang gagawa sa bahay. Ika nga niya’y magkakasakit siya kapag humilata lang siya buong araw. Ngunit pinilit pa in ni Leah at sinabihang mag-relax lang ito. Para sa kaniya, ito lamang ang regalong maibibigay niya sa ina ngayong espesyal na araw ng kaniyang ina.
“Basta ma! Ayoko namang birthday na birthday mo ay pagod ka no! I love you, ma! I love you so so much!” dagdag pa ng dalaga.
Sabay nagsalo ang mag-ina sa hapag. Tinanong ni Leah ang ina kung ano nga ba ang hiling nito sa birthday nito. Katwiran niya ay kahit wala silang cake ay maririnig pa rin naman ng Diyos iyon. Natawa naman ang ina at saka pinagsaklop ang dalawang kamay na tila ba mananalangin.
“Ang gusto ko lang, sana parati kitang makasama hanggang pagtanda ko. Tayong dalawa na lang kaya sana manatili tayong magkasangga sa buhay,” nakangiting wika ni Belinda habang nakatingin ng mataman sa anak.
Nagyakapan nang mahigpit ang dalawa at hindi na mapatid ang mga ngiti sa kanilang mga labi. Ngunit biglang kumawala si Leah sa ina at binanggit ang ama nito, na kung sana lang ay naroon ito ngayon ay mas masaya pa sana. Nagbago naman ang reaksyon ni Belinda matapos marinig ito sa anak.
“Hay naku, Leah. Wag mo ng binabanggit pa ang mga sumakabilang-buhay na at baka tayo multuhin!” pabiro pa niyang sabi.
Nakaramdam ng lungkot si Leah dahil sa sinabi ng ina. Wala man lang kasi siyang memorya ng kaniyang ama. Lahat din ng mga litrato nila ay nasunog doon sa apartment kung saan sila nakatira dati. Hindi na niya rin maalala maski ang mukha nito. Ang tanging alam niya lang ay Danilo ang pangalan nito. Nakita niyang parang nalungkot na rin ang ina kaya muli niya itong nginitian.
“Basta, Ma! Hanga ako sa’yo kasi kinakaya mo!” muling sumaya ang mukha ni Leah at saka muling niyakap ang ina. Isang pilit na ngiti lang ang isinukli ni Belinda sa anak.
“Oh siya, siya! Tama na nga ang drama at halika na at mamalengke muna,” wika na lang niya sa anak.
Nakalabas na silang dalawa nang maalala ni Belinda na naiwan niya pala ang susi ng bahay sa kaniyang kwarto. Nagpresinta naman ang anak na kuhanin ito at hintayin lang daw siya doon sa labas.
“Oh sige, nandoon lang sa may aparador, nak. bilisan mo,” sagot ng ina.
Pagpasok ni Leah sa silid ng ina, dumiretso siya upang kuhanin ang susi kung saan itinuro ng ina. Palabas na sana siya nang makita ang anim na makalumang liham na nakakalat sa lamesa sa tabi ng kama ng ina. Nagtaka si Leah at nilapitan ang mga ito.
“Renato? Parang walang kaibigang ganito si Mama ha?” nagtatakang bulong ni Leah sa sarili.
Nang buksan ang isa sa mga liham, nabigla siya sa nabasa niya.
“Mahal kong Belinda, nais ko sana na makipag-ayos sa iyo. Nais kong makita at makasama ang anak ko. Hindi naman yata patas na pati ang anak ko ay ilayo mo sa akin gayong ikaw ang siyang humiwalay sa ating dalawa…”
Pinagpatuloy niya ang pagbabasa ng anim pang liham na nagpatulo ng kaniyang mga luha. Ang lahat ng iyon ay ipinadala sa loob lamang ng limang taon. Kung ito nga ang ama ay ibig sabihin, buhay pa ito at nagsisinungaling ang kaniyang ina.
“Si Papa ito. Hindi ako pwedeng magkamali, si Papa ‘tong sumulat kay Mama,” mahinang sabi ni Leah.
Palabas na sana si Leah ng silid upang kausapin ang ina nang makita ito sa kaniyang likuran na gulat na gulat din. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa kama, pinulot ang mga liham at hinarap ang kaniyang ina. Sa pagkakataong ito, ang mapagmahal at masayang mukha ni Leah ay napalitan ng kalungkutan at pagkagalit sa ina.
“A-anak,” akma sanang lalapit ang ina kay Leah ngunit umiwas ito.
“Ma, ano ‘to? Akala ko ba wala na si Papa? Akala ko ba pumanaw na siya bata pa lang ako? Akala ko ba Danilo ang pangalan niya?!” bawat tanong ay pataas ng pataas ang tono ni Leah.
“Nak, sorry, nak. Iniwan ko ang papa mo dahil mababa ang pangarap niya. Gusto niyang manatili lamang tayo sa probinsya. Nak, wala kang kinabukasan doon,” sambit naman ng inang humahagulgol sa iyak.
“Pero hindi mo ‘yon sinabi sakin, ma! Akala ko naging mahirap lahat para sa’yo dahil wala na si papa pero hindi! Kasi sarili mo lang ang inisip mo at iniwan mo si papa!” patuloy na wika ni Leah sa ina.
“Nak, I’m sorry… patawad, nak. Patawad kasi naging makasarili ako. Nung babalik na sana ako, nakita kong may ibang pamilya na ang tatay mo sa probinsya kaya hindi ko na sinabi sa’yo, hindi na ako muling bumalik pa,” paliwanag ng ina.
Lumuhod ang ina sa harapan ng anak at nagmakaawang patawarin siya nito.
Walang maisagot dito si Leah. Habang nakatingin sa kaniyang ina na lumuluha, naalala niyang nanay pa rin niya ito at mahal na mahal siya nito. Mag-isa pa rin naman itong kumayod para mabuhay sila. Anong karapatan niyang magmatigas? Umupo na rin siya at niyakap ang ina. Humingi ng kapatawaran ang dalawa sa isa’t isa lalo na ang ina na nagkait ng ama sa kaniyang anak.
Sakit man ang dulot ng nabunyag na katotohanan ay natutunan nila na ang pagiging totoo at tapat sa isa’t isa sa pamilya ang siyang magbibigay ng tunay na kapatawaran at kasiyahan sa bawat isa.