Masaya at maginhawa ang pamumuhay ng pamilya nila Yvette. Pinuno ng pagmamahal ng kanilang ina’t ama ang kanilang tahanan. Nguni’t simula nang sumakabilang buhay ang ina ni Yvette ay nagsimula na ring masira ang buhay ng kanilang pamilya. Nalugmok sa labis na kalungkutan ang kanilang ama na si Don Franco. Nag-umpisang malugi ang kanilang mga negosyo hanggang sa halos maubos na ang lahat ng kanilang mga ari-arian.
Dalawang magkapatid lamang sila Yvette. Siya ang panganay na anak at ang bunsong kapatid niya naman ay si Rafael. May lahing kastila ang ama nila Yvette at purong Filipina naman ang kanilang ina, kaya naman hindi kataka-taka ang taglay na angking kagandahan ng dalaga dahil sa pinaghalong dugong banyaga at Filipino na nananalaytay sa kanilang mga katawan.
Maganda, matalino at responsableng anak si Yvette. Lahat ay hinahangaan ang dalaga. Dahil nga siya ang panganay na anak kaya lahat ng mata sa kanilang pamilya ay nakatuon sa kanya, kaya lahat ay ginagawa ng dalaga upang hindi siya magkamali sa kanyang bawat galaw at walang masasabi sa kanya ang mga tao sa kanilang paligid.
“Anak, ito na lamang ang paraan para maisalba natin ang ating kabuhayan. Kilala mo naman si Mateo ‘di ba? Mabait na bata iyon at kung tama ang naaalala ko ay malapit kayo sa isa’t isa noong mga bata pa kayo. Kaya pumayag na ako sa alok ng Tito Roman mo,” pangungumbinsi pa ng ama niyang si Don Franco sa dalaga.
Hindi makapaniwala si Yvette sa narinig mula sa ama, nais siya nitong ipakasal sa anak ng matalik na kaibigan at kasosyo nito sa mga negosyo para maisalba ang kanilang kabuhayan! Nalulubog na kasi sila sa utang. Ito ang sasagip sa kanilang mga utang at mga papalugi ng mga negosyo, kapalit ang pagpapakasal niya sa unico hijo nitong si Mateo.
“Pero papa, napakatagal nang panahon iyon! Ilang taon na kaming hindi nagkikita. Maaring nagbago na rin siya,” sinusubukan ng dalaga ang pakalmahin ang sarili sa pakikipag-usap sa ama.
Linapitan siya ng ama at hinawakan sa magkabilang braso, “Anak, nakiki-usap ako sa’yo, subukan mo muna, okay? Nakatakda nang umuwi si Mateo sa Pilipinas sa susunod na linggo. Uuwi siya para mapag-usapan ang nakatakda niyong kasal,” pakiusap pa sa kanya ng ama.
Napapikit na lamang ang dalaga. Nakikita niya naman sa mata ng kanyang ama na nahihirapan din ito at may pag-aalingan, marahil ay inaalala din nito ang nararamdam niya. Sadyang ito na lang ata talaga ang paraang nalalaman ng ama para masagip ang kanilang pamilya sa kahirapang nagbabadya sa kanilang kabuhayan.
“Ano?! Magpapakasal ka kay Mateo?!” hindi makapaniwalang tanong ni Ethan kay Yvette.
“Oo, patawarin mo ako pero kailangan kong gawin ito para sa pamilya ko,” nakatungong sagot ng dalaga sa binata.
Matagal nang may relasyon ang dalawa, ngunit itinatago nila ito dahil na rin sa alam nilang kailanman ay hindi sila matatanggap ng ama ng dalaga. Isang ordinaryong tao lang naman kasi si Ethan at anak ng isa sa mga empleyado ng pamilya ng dalaga.
Iniangat ng binata ang nakatungong mukha ng dalaga upang magtagpo ang kanilang mga mata, “Pero paano tayo?” tanong niya habang nakatingin sa mga matang may nababadyang mga luha.
“Patawarin mo ako, pero mas mahal ko ang pamilya ko. Hindi ko sila pwedeng pabayaan. Nangako ako sa aking ina, gagawin ko ang lahat para sa pamilya ko,” tuluyan ng tumulo ang mga luha ni Yvette. Nasa mata ng dalaga na nakapagdesisyon na talaga ito kaya wala nang nagawa pa si Ethan kung hindi ang humakbang palayo sa dalaga. Kilala niya ang dalaga, kapag nakapagdesisyon na ito ay wala ng makakapagpabago pa sa isip nito.
Mabilis na lumipas ang mga araw at dumating na sa Pilipinas si Mateo. Agad din itong sa kanilang tahanan para bisitahin sila.
“Yvette! Uy, kumusta? Sobra kitang na-miss ha! Ang tagal kong hinintay ang araw na makikita ulit kita,” masayang bati sa kanya ng binata. Gaya ng dati, puno pa rin ito ng sigla. Napangiti naman ang dalaga sa nakita sa kababata, hindi pa rin ito nagbabago.
“Ikaw kasi, ang tagal mong hindi umuwi eh. Akala ko nga tuluyan mo na kaming nakalimutan dito eh,” pabiro niyang sagot sa binata. Tumawa lang ang binata at ginulo ang kanyang buhok.
“Nako! Hanggang ngayon matampuhin ka pa rin pala. Mabuti naman at hindi ka pa rin nagbabago kahit na matagal akong nawala. That’s a relief,” nakangiting saad ng binata. May kung anong naramdaman ang dalaga nang ngumiti ang binata sa kanya habang nakatingin sa kanyang mga mata.
Naging maayos naman ang pag-uusap ng kanilang pamilya sa kanilang nalalapit na kasal ni Mateo. Taliwas sa kanyang pinangangambahan, ay naging maayos naman ang relasyon nila ni Mateo at wala namang silang naging problema, hanggang sa dumating ang araw ng kanilang kasal.
Naka-ayos na ang lahat. Naroon na ang lahat ng mga bisita. Dahan-dahang naglakad si Yvette patungo sa altar kung saan naghihintay ang kanyang mapapangasawa. Kinakabahan siya habang nakahawak sa mga bisig ng kanyang amang nakangiti ng sobrang lawak, para bang hindi mapantayan ang sayang nararamdaman nito. Mabuti naman at hindi nasayang ang sakripisyong kanyang gagawin para sa kanyang pamilya. Maging maayos at masaya lang ang kanyang pamilya ay ayos na sa kanya, wala na siyang mahihiling pa.
Ngunit laking gulat ng dalaga ng pagkarating niya sa altar ay hindi si Mateo ang naghihintay sa kanya kundi ang kanyang nobyong si Ethan. Nakangiti ito sa kanya. Naguguluhan niyang hinanap si Mateo, nakita niya naman ito sa likod ni Ethan at nakangiti rin. Tumingin siya sa kanyang ama na nasa kanyang tabi at sa kanyang Tito Roman, lahat ng mga ito ay nakangiti sa kanya.
“Alam kong siya ang tinitibok ng puso mo, sinubukan kong kunin ang puso mo, pero napagtanto kong kailanman ay hindi napipilit ang puso kung sino ang kaniyang mamahalin. Pareho lamang tayong mahihirapan at magdudusa sa hinaharap kung ipipilit ko pa ang gusto ko. Mahal kita Yvette, mahal kita kaya gusto kong maging masaya ka,” puno ng emosyong saad ni Mateo. Kinuha niya ang kamay ng dalaga at ibinigay kay Ethan, “Pre, huwag mo siyang sasaktan kundi babawiin ko siya sa’yo, okay?”
Hindi napigilang mapaluha ni Yvette. Niyakap niya ng mahigpit si Mateo at taos pusong nagpasalamat sa kababata.
Naging iba man ang kinalabasan ng kasal ay tinulungan pa rin ng pamilya ni Mateo ang pamilya nila Yvette. Unti-unting nakaahon ang pamilya nila Yvette, sa tulong na rin ni Ethan. Sa wakas kasi ay nakatapos na rin ang binata, isa kasi itong iskolar sa isang kilalang unibersidad.
Nagpatuloy ang dalawang pamilya sa kanilang negosyo na patuloy na ring lumalago dahil sa makabagong pamamaraan ng pamamalakad nila Mateo, Ethan at Yvette. Namuhay sila ng tahimik at masaya, habang patuloy na nagsisikap para sa ikauunlad ng kanilang mga pamilya.