Inday TrendingInday Trending
Sa Kabila ng Pagkakamali

Sa Kabila ng Pagkakamali

“Ano?! Buntis ka?!” pasigaw na tanong ng ama ni Almira. Nanlalaki ang mga mata nito at halos mapatid na ang ugat sa leeg sa sobrang lakas ng kanyang boses. Hindi siya makapaniwala sa narinig mula sa anak. Halos mahimat*y naman ang kanyang ina sa sinabi ng bunsong anak.

Nanginginig na tumango ang dalaga at halos magtago sa likod ng kanyang nakakatandang kapatid. Nasa unang taon pa lamang kasi ng kolehiyo si Almira. Mabait at masunurin naman ito kaya hindi lubos akalain ng kanyang mga magulang at kapatid kung paano nagawa ito ng dalaga.

“Sorry po, Daddy. Sorry po, Mommy. Hindi ko po sinasadya,” humihikbing saad ng dalaga. Nakatango pa rin ito at hindi makatingin ng diretso sa kanyang mga magulang. Nasa tabi lang ng dalaga ang kanyang ate at tumatayong suporta ng bunsong kapatid.

Hindi alam ni Almira kung paano sasabihin sa kanyang pamilya ang kanyang kalagayan. Napansin naman ng ate niya ang mga sintomas ng pagbubuntis sa kapatid kaya tinanong niya ito, at nang makumpirma ang kanyang hinala ay kinombinsi niya ang kapatid na umamin at sabihin ang kanyang kalagayan sa kanilang mga magulang.

“Hindi sinasadya? Paanong hindi sinasadya Almira? Ano iyon, paggising mo isang araw, buntis ka na agad? Nagmilagro lang ang langit, ganun ba?” sarkastikong tanong ng kanyang ama.

“Dalhin mo dito ang lalaking bumuntis sa’yo bukas din,” madiin at pinal na utos ng kanyang ama sa kanya. Napatingin siya sa ama dahil sa sinabi nito. Sunod-sunod na tumulo ang mga luhang kanina pa nagbabadyang mahulog sa kanyang mga mata.

“Dad po kasi, nang malaman po ng pamilya ni Arjay ay agad siyang pinadala sa Amerika. Iniwan niya na po kami ng magiging anak namin,” humihikbing paliwanag ng dalaga. Halos walang boses na lumalabas sa tinig nito dahil sa paghikbi nito. Hindi naman nakatiis ang kanyang ina at nilapitan ang bunsong anak at niyakap ito ng mahigpit habang pinapatahan.

“Ano?! Walanghiyang lalaking ‘yan! Nagpakasarap lang tapos ngayong may nabuo kayo ay tatakbo?! Napaka walang kwenta!” galit na galit na sigaw ng kanyang ama. Tiningnan sila nitong tatlong mga babae na magkakayakap at nagsisi-iyakan. Bigla namang umalis ang kanilang ama at pabagsak na isinara ang pinto ng kwarto nito.

Lumipas ang mga araw at mabilis na kumalat ang kalagayan ni Almira sa kanilang lugar. Kahit saan siya pumunta ay pinagbubulong-bulongan siya ng mga tao. Iniwasan na din siya ng mga dati niyang mga kaibigan dahil isa na raw siyang kahihiyan ayon sa mga ito.

Tanging ang matalik niyang kaibigang si Tyrone lamang ang nanatili sa kanyang tabi. Hindi siya pinapabayaan ng lalaki at ito ang gumagawa ng mga dapat ginagawa ng kanyang nobyong si Arjay.

Nanatiling malamig kay Almira ang kanilang ama, hanggang sa ipinanganak niya ang isang malusog na sanggol na babaeng kamukhang-mukha niya.

“Ah, kamukha mo siya ng sanggol ka pa!” natutuwang saad ng kanyang ate. Kinuha naman ng kanyang ina ang sanggol.

“Oo nga. Para kayong pinagbiyak na bunga, anak. Napakagandang bata naman nitong apo ko,” puri ng kanyang ina sa kanyang anak habang nilalaro pa ang sanggol.

Nakatayo naman sa ‘di kalayuan ang kanilang ama at nakamasid lamang sa kanila. Para bang biglang lumambot ang ekspresyon ng mukha nito at nais lumapit sa kanila.

“Dad, ayaw niyo po bang makita o kargahin man lang ang apo niyo?” nakangiting tanong ni Almira sa ama, umaasang tuluyan ng lumambot ang puso ng ama at matanggap na sila ng kanyang anak. Lumapit naman ito at napangiti nang ngitian ito ng sanggol. Tuwang-tuwa ito sa kanyang anak na labis namang ikinagalak ng tatlong babae.

“Huwag kang mag-alala apo, aalagaan ka ng lolo. Kahit na iniwan ka man ng iyong ama, hinding-hindi naman kami magkukulang ng pagmamahal sa’yo. Gaya ng iyong ina, palalakihin ka namin na parang isang prinsesa,” naluluhang saad ng kanyang ama habang nilalaro ang maliit na mga kamay ng kanyang anak.

Hindi mapigilang mapaluha ni Almira sa kanyang nasaksihan. Tunay ngang isang anghel ang mga sanggol. Kaya nitong lusawin kahit ang pinakamatigas na puso sa mundo.

Tiningnan siya ng kanyang ama at ginulo ang kanyang buhok.

“Well done anak. I’m proud of you, isa ka nang ina,” mabilis na nagsilaglagan ang mga luha sa mga mata ng dalaga. Hindi niya inaasahan na sasabihin iyon ng kanyang ama.

“Mahal na mahal kita anak,” dugtong pa nito at hinalikan siya sa noo. Walang tigil din sa pagluha ang kanyang ina at kapatid sa kanilang nasaksihan.

Lubos na nagpapasalamat si Almira dahil sa wakas ay natanggap na rin ng kanyang ama ang kanyang anak at napatawad na din siya nito sa kasalanang kaniyang nagawa. Nagkamali man siya ay tinanggap pa rin siya ng kanyang pamilya sa kabila ng pagkakamaling iyon. Hindi siya iniwan ng mga ito at tinulungan pa siyang tumayo ulit. Tunay ngang tanging pamilya lang natin ang lubos na nagmamahal sa atin at kailanman ay hindi tayo iiwan.

Nagsikap si Almira hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo at makahanap ng magandang trabaho sa isang kompanya. Masasabi niyang masaya na siya sa buhay niya. Nasa Canada na rin ang kanyang ate kasama ang sarili nitong pamilya habang siya at ang kanyang anak ay nakatira kasama ang kanilang mga magulang sa Pilipinas.

Malusog din ang kanyang anak at maayos na lumalaking masayahin at maliksing bata. At sa susunod na taon ay madadagdagan pa ang kanilang pamilya dahil sa wakas, ay nakatakda na silang ikasal ni Tyrone sa simbahan. Lahat ay nasasabik na nalalapit nilang pag-iisang dibdib at sa kanilang happily ever after.

Advertisement